10

33K 792 16
                                    


SAMANTALA'Y kausap ni Bernard si Marco nang mga sandaling iyon.

"Hindi ko gustong panghimasukan ang suliranin ng puso mo, Bernard. Pero gusto kong tiyakin kung ano ang relasyon mo kay Jewel?" simula ni Marco.

"Bakit mo ako tinatanong ng ganyan?" ang binata na nagdikit ang mga kilay.

"Malimit kayong magkasama, halos sa maraming pagkakataon. Pagkatapos, nitong huli'y nabalitaan kong nakikipag-date ka sa ibang babae. Baka nakakalimutan mo, Bernard, na kapatid ni Emerald si Jewel. Hindi natin gustong magkaroon ng 'di pagkakaunawaan sa loob ng pamilya. Galing na tayo diyan sa mahabang panahon," patuloy ni Marco na itinaas ang mga binti sa ibabaw ng center table.

"Hindi ko gustong magpaliwanag sa iyo tungkol sa mga affairs ko, Marco. Ganoon pa man, para sa ikatatahimik ng loob mo ay sasagutin kong lahat ang mga sinasabi mo," naiiritang wika ng binata. "Jewel and I are friends kung hindi man matawag na mag-kamag-anak. Never—uulitin ko—never na nagpahiwatig ako sa kanya na maliban sa pagiging magkaibigan ay mayroon pang hihigit doon.

I escorted her sa lahat ng mga lakad niya because she asked me to. No more, no less."

"And what about this other woman?"

"That other woman is my business, Marco. Nilinaw ko na sa iyo ang tungkol sa amin ni Jewel, siguro naman ay sapat na iyon."

Huminga nang malalim si Marco, tinitigan ang pamangkin. "Iba ang naging pakahulugan ni Jewel sa mga ipinakikita mo sa kanya, Bernard."

"Hindi ko siya gustong saktan, Marco, pero para sa akin, isa lamang siyang nakababatang kapatid. All my life, I was made to believe na ang mga anak ni Romano ay mga kapatid ko. At iyon ang nararamdaman ko. Kahit nang malaman kong mali ang paniniwalang iyon ay walang nabago sa damdamin ko para sa asawa mo at kay Jewel."

"Then talk to her. Linawin mo 'yon sa kanya. Sa nakikita ko'y hindi maiiwasang hindi siya masaktan pero mabuti nang hangga't maaga ay magkaunawaan kayo."

Bahagyang tumango si Bernard habang isang mukha ang lumalarawan sa isip. Mukhang pilit nitong inaalis sa isip subalit nagpupumilit na gumiit roon. At nararamdaman niyang gustong manikip ng dibdib.

Kristine Series 3: Dahil Ikaw COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon