Special Chapter: The Traitor

493 8 0
                                    



Punyemas! Masyadong matumal ang byahe sa araw na 'to. Ang tagal-tagal ko nang paikot-ikot pero nakakadalawang pasahero pa lang ako. Peste!

Punyeta kasi ng nauusong grab na 'to, e. Pero mas punyeta yung mga taxi driver na mahilig mangontrata. Pati tuloy yung mga patas lumaban, nadadamay. Akala tuloy ng iba, lahat ng taxi drivers, abusado. Masyado tuloy kaming napapasama sa mat ang publiko kaya madalas, mahina ang byahe.

Aray. Kanina pa sumasakit ang likod ko. Natuyuan na naman kasi ako ng pawis. Pero hindi ako  puwedeng huminto hangga't hindi ko nabubuo ang boundary na kailangan ko, at ilang biyahe pa para naman may maibigay ako sa asawa ko. Malamang, bubungangaan na naman ako no'n kapag kakarampot ang naibigay ko. Tatlo ang anak kong elementary at isa ang ipapanganak pa lang. Kailangan kumayod para may pambayad sa ospital dahil ilang buwan na lang, lalabas na.

Sana naman swertehin na ako. Teka, mukhang may sasakay yata. Kaso parang may trouble na tinatakbuhan. Lingon nang lingon at tumatakbo. Sayang ang puta.

Ayun, pumara! Buti naman at may pasahero na. Kaso, hindi kaya holdaper o snatcher 'to?

Tiningnan ko munang mabuti bago ako huminto. Sinigurado ko kung holdaper ba. Hindi siguro. May kasama namang bata, e. Pero ang weird ng batang kasama. Ang sama kung tumingin. Huminto ako at agad naman siyang pumasok.

"Saan kayo, Sir?" Tanong ko. Tiningnan ko siya at iyong batang babae na kasama niya. Siguro mag-ama sila. Pero parang masyado naman maaga naging ama ang isang 'to.

"Sa Pogi St. po. Baranggay Fortune," sagot niya na medyo hinihingal pa. Agad ko namang pinaandar ang sasakyan.

"Mukhang may humahabol sa iyo, a. Hingal na hingal kayo," usisa ko sa kaniya. Wala kasi akong maitanong. Nasanay na kasi ako na kinakausap ang mga pasahero ko para naman hindi sila antukin sa biyahe.

"A, may aso kasi kanina. Hinahabol ako," sagot niya. Halata sa kaniya na hindi siya nagsasabi nang totoo pero hindi ko na masyado pang inusisa.

Napansin ko na masama ang tingin sa akin ng batang babae na nasa kaliwa niya. Puta. Nakaramdam ako ng kilabot dun, a. Nagpabalik-balik ang tingin ko sa lalaki at sa batang babae. Parang may kakaiba sa batang kasama niya. Hindi ko alam. Siguro, ligaw na espiritu o ano. Kapag minamalas ka nga naman.

Pero kahit na natatakot ay hindi ko ito ipinahalata sa lalaki. Nagkunwari akong walang nakita.

"Muntik ko na kayong hindi pasakayin, e. Akala ko snatcher ka," natatawa kong biro sa kaniya.

"Grabe ka naman manong. Mukha ba akong snatcher? Huwag kayong mag-alala, day off ko ngayon sa panghoholdap," natatawa niyang sagot.

Sa haba ng byahe namin ay marami kaming napag-usapan na kung ano-ano. Pilit kong itinatago ang takot ko sa batang kasama niyang sumakay pero hindi ko maiwasan ang mapatingin dito. Hanggang sa makarating na kami sa lugar nila.

Napansin ko na bago pa kami makarating sa kanila ay nawala na yung batang babae. Nakahinga na ako kahit papaano pero nag-aalala ako sa binata. Pakiramdam ko kasi ay may hatid na panganib ang espiritung kasama niyang sumakay. Pipigilan ko sana siya sa pagbaba pero nagdadalawang isip ako dahil baka nandoon lang sa paligid yung batang babae at marinig ako.

Nakababa na siya bago ako nagkaroon ng lakas ng loob na kausapin siya tungkol sa bagay na iyon. Tinawag ko siya upang ipaalam ang tungkol sa batang babae. Lumapit naman siya at halata sa mukha niya ang pagtataka.
Noong nasa harap ko na siya ay muli akong nagdalawang-isip. Nahirapan akong kausapin siya. Huminga ako nang malalim para mas makahugot ng lakas na loob.

"Kanina noong sumakay ka, may kasama kang bata."

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko. Napansin ko ang takot sa kaniyang mga mata. Tumingin siya sa paligid at saka mas lumapit pa sa akin.

"Noong una, inakala kong kasama mo siya dahil tumatakbo rin siya kasabay mo. Pero noong nasa loob na kayo ay naramdaman kong ako lang ang nakakakita sa kaniya."

Napakunot siya ng noo.

"Seryoso ho ba kayo?" tanong niya.

"Oo. Mag-iingat ka. Mukhang may balak siyang masama sa iyo. Nakita ko sa mga mata niya ang galit."

Tinitigan niya ako sa mga mata. Siguro, tinatantya niya kung nagsasabi ako nang totoo. Hindi ko alam kung naniwala siya o hindi. Pero wala naman akong magagawa kung hindi niya ako paniwalaan.

"Maraming salamat po, manong."
Iyon na lang ang nabanggit niya bago tuluyang umalis. Ipinagdasal ko na lang na walang mangyaring masama sa kaniya.

Bumalik na ako sa taxi at dahan-dahang pinaandar ang taxi. Inilagay ko ang ibinayad niya sa lalagyan ng pera. May nahulog na ilang barya kaya naman yumuko ako at dinampot ito. Matapos kong makuha ang ilang baryang nalaglag ay iniangat ko na ang aking ulo ngunit laking gulat ko nang makitang nakaupo sa likod ng taxi ang batang babae. Nanlilisik ang mga mata niyang nakatitig sa akin.

Halos maihi ako sa takot dahil sa titig niya. Ilang segundo akong hindi nakagalaw at nakatitig lamang sa kaniya. Kinusot ko ang mga mata ko at nagbakasakali na namamalikmata lamang ako. Ngunit pagdilat ko ay nakita kong wala na siya sa harapan dahil nakatayo na siya sa tabi ko. Nagulat na lang ako nang bigla niyang agawin ang manibela.

"Sino ka? Ano'ng kailangan mo sa akin?" tanong ko. Nahihirapan akong magmaneho dahil sa lakas ng puwersa niya. Pagewang-gewang na ako dahil sa ginagawa niya.

Sinisiko ko siya ngunit hindi siya natitinag at nagawa pa niya akong sakalin gamit ang kaliwang kamay. Napakalakas niya kaya't wala akong magawa. Hanggang sa naramdaman ko na lang na dire-diretsong nalaglag sa bangin ang sasakyan. Binitawan niya ako ngunit dahil sa bilis ng pagbulusok paibaba ay wala na rin akong nagawa. Naramdaman ko ang malakas ng  pagbagsak ng sasakyan. Nauntog ako at naramdaman ko pa ang pagtalsik ng mga nabasag na salamin sa aking mukha. Hanggang sa unti-unti na akong nanghina at naging blanko ang lahat.

***

Nagising ako sa isang lugar na puno ng ilaw. Maraming tao sa aking harapan ngunit napansin ko na may mali. Lahat sila ay nakabaligtad. Hindi sila gumagalaw ngunit luwa ang kanilang mga mata. Hindi ko maintindihan ngunit parang lahat sila ay nakasalamuha ko na. Lahat sila ay pamilyar sa akin.

Nakaramdam ako ng bigat sa aking ulo. Hanggang sa dahan-dahang naglakad ang batang babae sa aking harapan na nakabaligtad din. Doon ko napagtanto na ako pala ang nakabaligtad. Lumapit siya sa akin at inikot ang bagay kung saan ako nakatali. Sa roleta.

Nang maikot ang roleta ay doon ko nakilala ang mga taong nasa harap ko. Sila ang mga taong naging biktima ng kapatid ko sa isang pyramid scam. Ilang taon na ang lumipas ngunit parang walang nagbago sa hitsura nila bukod sa bahagyang pagluwa ng mga mata.
Mayamaya pa ay nagsalita ang batang babae. "Naaalala mo pa ba sila?"

Sa sobrang panghihina ko ay hindi ako makasagot sa kaniyang tanong. Tumawa ang batang babae at inilabas ang mga malalaking kutsilyo. Nanlaki ang mga mata ko dahil kung tama ang iniisip ko ay ibabato niya ito sa akin.

"Oh, bakit? Natatakot ka na ba? Hindi ba't matapang ka?" pang-iinsulto niya sa akin habang nakangiti.

"Pakawalan mo ako. Parang awa mo na. Maliliit pa ang mga anak ko. Hindi ko kayang mamatay," pagmamakaawa ko sa kaniya.

"Shhhhhh. Huwag kang magmadali. Darating din tayo riyan."

Naglakad siya papunta sa mga tao at hinawi ang mga ito. Laking gulat ko nang makita ang isang taong matagal ko nang hindi nakikita. Ang aking kapatid na bigla na lang naglahong parang bula.

Simula noong itakbo niya ang pera ng lahat ng taong nag-invest sa amin, at mailathala ang mukha naming dalawa sa dyaryo at telebisyon, hindi ko na siya nakita.

Hindi ko man gustong gawin pero dahil sa aking sitwasyon ay napilitan akong maging witness laban sa kanya. Nakulong ako ng ilang taon pero siya, hindi na talaga nagpakita kahit anino.

"Remember him? Fresh from the hell," sambit ng batang babae sabay tawa nang malakas.

Nanlilisik ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Kita sa mga mata niya ang galit. May hawak siyang malaking kutsilyo.

"Kuya? Ano'ng nangyari sa iyo? Bakit ang tagal mong nawala?" mangiyak-ngiyak kong tanong sa aking kapatid.

"Huwag na huwag mo akong tatawaging kapatid. Wala akong kapatid na traydor!" sumbat niya sa akin.

"Pero hindi ko gusto iyon. Bigla kang nawala. Dala mo ang pera ng mga tao," paliwanag ko sa kaniya. Hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng aking mga luha.

"Kahit ano pa ang sabihin mo. Tinraydor mo ako! At hindi ako papayag na ako lang ang magdudusa sa impyerno!"

Itinaas niya ang hawak na kutsilyo at puwersadong inihagis sa akin. Tumama ito sa aking leeg na siyang dahilan upang tumagas ang napakaraming dugo. Ramdam ko ang sakit na dulot nito. Hindi ako makapagsalita at hirap na ring huminga.

Lumapit siya sa akin at hinigit ang kutsilyo sa aking leeg. Mas lalong tumagas ang maraming dugo. Pakiramdam ko ay bumubulwak na ito.

"Ngayon, magsasama tayong dalawa sa impyerno."

Nang itinaas niya ang kaniyang kamay ay bigla itong nagbago ng hitsura. Ang nasa harapan ko na ay ang batang babae na nagdala sa akin kung nasaan man ako. Muli niyang itinarak ang kutsilyo at sa pagkakataong iyon ay sa aking dibdib. Tuluyan nang nanlabo ang paningin ko hanggang sa hindi na ako makahinga. Pagpikit ko ng aking mga mata ay nawalan na ako ng pakiramdam.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 14, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon