Dalawampu't anim

8K 155 44
                                    

Pagkabukas niya ng pinto ay nanlaki ang aking mga mata dahil nakita ko na nasa loob ng bahay ni Max yung batang babae na may hawak ng itak. Nakatingin ito sa akin nang masama.

Nakakatakot talaga ang mga mata niya.

Matalim.

Nanlilisik.

Isinara na ni Max ang pinto, hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Si Max! Nasa panganib ang buhay niya. Kailangan ko siyang tulungan.

Kung hindi ko man nailigtas sa kamatayan ang aking pinsan na si Brenda, puwede akong bumawi kay Max. Hindi ko alam kung isa ba itong sumpa, pero ayaw ko na may mapahamak pang muli.

Patakbo akong tumawid sa kalsada upang magtungo sa bahay ni Max pero biglang huminto ang tibok ng aking puso dahil may isang mabilis at kulay itim na motor ang humarurot sa aking harapan!

Halos isang hibla na lang siguro ng buhok ay tatamaan at tatalsik na ako dahil sa sobrang bilis ng patakbo ng lalaking naka-leather jacket at nakasuot ng itim na helmet.

Sinundan ko pa ito ng tingin ngunit kaagad ding nawala noong lumiko sa kalsada, isang kanto lang ang pagitan mula sa aking kinatatayuan. Huminga muna ako nang malalim at saka dumiretso sa bahay ni Max.

Patakbo akong lumapit sa pinto. Napakunot ang aking noo nang hindi ko mabuksan ito. Ilang ulit ko itong sinubukang buksan pero ayaw talaga, halos masira ko na ang door knob.

"Max! Buksan mo ang pinto. Si Miguel ito!" sigaw ko habang kinakalampag ang kahoy na pinto. Wala akong pakialam kung may makakita man sa akin, ang mahalaga ay mailigtas ko ang buhay ni Max. Namumuo na ang aking pawis dahil sa labis na pag-aalala. Ilang minuto din ako sa ganung sitwasyon hanggang sa may maramdaman akong humataw sa aking ulo mula sa likod. Nakaramdam ako kaagad ng hilo, sinubukan ko pang alamin kung sino ang may kagagawan nito ngunit bago pa ako makaharap ay isang napakalakas na hampas na naman ang ibinigay niya sa akin. Sa pagkakataong iyon ay tuluyan nang nagdilim ang aking paningin.

***

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na walang malay pero nagising na lang ako bigla. Nakakaramdam ako ng labis na pagkahilo at wala akong maalala na kahit ano. Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata, hindi ako makabangon dahil masakit ang aking ulo. Hindi ko alam kung bakit pero ang huling natatandaan ko ay pumunta ako sa opisina upang magpasa ng resignation letter.

Kumukurap-kurap kong inalala ang lahat, pilit kong binabalikan ang mga nangyari. Mas lalong sumasakit ang ulo ko kapag pinipilit ko ang aking utak na maalala ang lahat. Pasundot-sundot kong naaalala ang mga nangyari. Sinundan ko si Ate Faye sa bahay nina Max—Nakita ko na lumabas si Ate Faye na umiiyak—Tama! Kaunti na lang at maaalala ko na.

Pagkatapos noon ay nagsalubong ang aking mga kilay. Sumasakit ang ulo ko. Umalis si ate habang si Max naman ay pumasok na malungkot sa kanyang bahay.

Yung bata! Oo nga pala, nakita ko yung bata sa loob ng bahay ni Max. Nasa panganib siya ngayon.

Pinilit ko ang aking sarili na bumangon ngunit hindi kaya ng aking katawan. Naramdaman ko na parang nakahiga ako sa isang malapot na likido.

Naaaninag ko ang isang lababo at isang bintana. Hindi ko alam kung nasaan ako ngayon. Wala akong ideya. Kung ano man ang lugar na ito, wala na akong pakialam.

Bahala na, ang importante ay makaalis ako dito at mapuntahan agad si Max.

Nang makabawi ako ng lakas ay kaagad akong bumangon upang alamin kung nasaan ako. Inilapat ko ang aking dalawang kamay sa sahig at saka binuhat ang sarili.

Nang makatayo ako ay nabigla ako sa aking nasaksihan. Kitang-kita ko si Max na isa na lamang bangkay. Halos maligo na ito sa sariling dugo at kalunos-lunos ang kanyang sinapit. Putol ang isa niyang braso habang ang mukha niya ay nababalutan ng dugo. Ang kanyang bibig ay nakabuka habang may kung anong bagay ang nasa loob nito. Dahan-dahan akong lumapit upang alamin kung ano iyon at laking gulat ko nang makita na nasa loob ng kanyang bibig ang sarili niyang mata.

THE PLAYMATETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon