Entry #22: Ang Babaeng Sumasayaw

118 7 3
                                    

Ang Babaeng Sumasayaw

By: @enirose19

Kanina pa nagtitipa si Raymond sa kanyang laptop at hindi pa rin niya makuha ang gustong makita ng kanyang manager. Nakailang pagpasa na kasi siya ng kanyang asignatura kaya lang parati na lang ito tinatanggihan. Mas nahihirapan siyang tapusin ang kanyang trabaho sa bahay kaysa sa kanilang opisina kung saan mas nabibigyan siya ng guidance ng kanyang manager.

Dalawang linggo na ang nagdaan simula nang mapilitan si Raymond na magtrabaho sa bahay dahil sa lockdown. Ang kompanyang pinagtatrabahuhan niya ay binigyan sila ng pagkakataon na manatili sa bahay at doon tapusin ang kanilang mga gawain. Komportable si Raymond at ang kanyang mga katrabaho sa naging desisyon ng kanilang kumpanya dahil hindi na sila mahihirapan bumiyahe sa labas.

"Iniuutos ng Presidente na manatili ang mga mamamayan sa kanilang mga pamamahay hanggang ika-15 ng Abril para maiwasan ang pagpapakalat ng COVID-19 sa iba't ibang parte ng Pilipinas."

Narinig niyang sabi sa balita habang siya ay kumakain ng nilutong meat loaf at kanin na siyang niluto niya. Bago pa lang mangyari ang lockdown, nagawa na niyang bumili ng kanyang sariling mga delata at mga pagkain na madaling lutuin at matagal mapanis. Kaya naman na kampante siya na manatili sa kanyang apartment ng isang buwan dahil siya ay handa.

"Sigurado ka bang okay ka riyan? Gusto namin sana na makasama ka namin dito sa Iloilo." Nagaalalang sabi ng kanyang ina na siyang kausap nito sa kanyang cellphone.

"Opo Ma. Okay lang ako. Hindi rin naman ako puwede bumiyahe papunta diyan dahil sarado ang airport. Atsaka, baka mamaya may dala na pala akong virus at mahawaan ko lang kayo riyan. Mabuti nang manatili ako mag-isa rito sa aking apartment," paliwanag ni Raymond.

"Hindi ka ba naiinip diyan? Pero kunsabagay, tama ka nga naman. Basta kumain ka ng maayos ah? 'Wag din kalimutan na magsipilyo at maligo. Kahit na hindi raw tayo lumalabas ng bahay dapat pa rin daw na panatalihin natin ang ating kalusugan."

"Alam ko na 'yan, Ma. Pero salamat sa paalala," sabi ni Raymond.

"Oh siya. May gagawin pa ako. Ingat ka anak ah?"

"Sige Ma. Kayo rin po," pamamaalam ni Raymond at saka binaba na ang kanilang tawag. Sinabi man ni Raymond na siya ay okay lang na mag-isa pero ang totoo ay gustong-gusto na niya makauwi. Mahirap nga naman na mag-isa sa apartment at aabutin pa ito ng isang buwan. Hinihiling ni Raymond na sana mawala na ang COVID-19 nang makalabas na siya ng bahay at bumalik na ang lahat sa normal.

Pagkatapos niyang hugasan ang pinggan ng kanyang pinagkainan, bumalik na ulit siya sa kanyang laptop at nagsimulang magtipa ulit upang matapos ang kanyang asignatura. Habang nasa kalagitnaan siya ng kanyang pagtitipa, may narinig siyang musika na tumutugtog sa kaniyang kapitbahay.

Pilit na sinusubukan ni Raymond na magkaroon ng konsentrasyon sa kaniyang ginagawa ngunit naaabala siya sa lakas ng musika na ito, lalo na't umuulit pa ito na parang sirang plaka.

Hindi na siya nakatiis pa at hinawi niya ang kurtina sa kanyang bintana. Isang dalaga ang sumasayaw sa harapan ng bahay nila. Kaya naririnig niya ang ingay nito dahil malapit ito sa kinaroroonan niya. Nagtataka siya sa ginagawa ng babaeng ito. Sumasayaw siya na minsan wala pa sa ritmo ng kanta habang ang kanyang cellphone ay naka-patong sa isang upuan. Kinukunan niya ng video ang sarili niya habang sumasayaw.

"Um..." Hindi sigurado si Raymond kung sisitahin niya ang babaeng ito. Sa itsura pa lang niya, mukha pa itong mataray at may magandang estado ng buhay. Lalo na't ang bahay pa nito ay malaki at mayaman ang may-ari. Hindi rin siya sigurado kung kamag-anak nga ba ito ng may-ari ng bahay na 'yon.

Love in the Time of Corona: A One-Shot ContestDonde viven las historias. Descúbrelo ahora