Chapter 1

24.6K 993 55
                                    

Azul wanted to own a mansion. Gusto niya iyong mala-palasyo sa laki at Chateauesque ang estilo. Dapat may water fountain, iyong may disenyong kerubin na umiihi. Ayon sa feng shui, suwerte raw iyon, dadami ang pera niya at magiging masagana ang takbo ng kanyang karera.

Gusto niya ring magkaroon ng sports car. Iyong kulay pula at tila turbo sa bilis kapag pinatakbo. Ni minsan ay hindi pa siya nagkakaroon ng sariling sasakyan. Limang taon na lang treinta na siya. Pakiramdam niya ay napakabagal ng kanyang pag-usad. Otso anyos siya noon nang itanim niya sa utak na yayaman sila. Hanggang ngayon ay mahirap pa rin ang kanilang estado sa buhay.

Nakapagtapos siya ng high school dahil sinikap niyang igapang ang kanyang pag-aaral. Kung anu-anong raket ang pinasok niya para lang magkapera. She was a small-time hustler. May mga pagkakataong kailangan niyang manloko ng tao dahil iyon ang utos sa kanya. She needed the money, kaya kahit mali ay pinapatulan niya. She was never proud of it.

Kung may maipagmamalaki man siya, bukod sa kanyang napakabuting ina, iyon ay ang katotohanang napanatili niyang malinis ang kanyang katawan. Many times, she was tempted to sell her body. Ano lang ba ang kapirasong hymen kung kapalit ay limpak-limpak na pera? But she couldn't do it.

Pagka-graduate ng high school ay pumasok siya sa call center training scholarship program. Sinanay ang sarili para maging mahusay sa pag-unawa at pagsasalita ng english. Pagkatapos ay nag-apply na siya sa isang Business Process Outsourcing Company.

Maayos naman ang unang buwan niya sa call center. Inbound iyon at ang gagawin lang nila ay i-activate ang cable box ng mga customers. Napakadali. Ang kaso, sunud-sunod ang natanggap niyang tawag mula sa mga utak kamoteng customers na wala nang ginawa kundi ang pagmumurahin siya.

Napikon siya dahil naalala niya ang tatay niyang lasenggo. Sumabog siya at sinigawan ang customer. Hindi pa nakuntento, bumanat pa siya ng, "You shut up, c*ckhead! Baka ipakain ko sa iyo ang itlog mo?" Ayon, nasisante siya.

Nang mapatalsik siya sa call center ay bumalik uli siya sa dati—ang manloko ng kapwa. Hinihikayat niya ang mga taong mag-invest sa ‘negosyo’ na non-existent naman. Pero nang kamuntikan siyang ipakulong ng isa sa mga nabiktima niya ay nagdesisyon na siyang itigil ang masamang gawain.

Ngayon ay ito siya, maghapon nang naghahanap ng puwedeng pag-apply-an. Hindi na sya nag-almusal dahil maaga siyang umalis ng bahay dala-dala ang walang kuwenta niyang resume. Bahala na.

Huminto siya sa tapat ng mall at nakisilong sa malaking payong ng tindera ng banana cue. "Manang, magkano po?"

"Fifteen pesos."

"Fifteen 'to? Ang mahal naman. Ang liliit naman ng saging. Ten pesos na lang po. Wala na kasi talaga akong pera, eh." Hinatak niya ang tela ng bulsa para ipakitang walang-wala na talaga siya.

Napakamot sa ulo ang tindera, nakataas ang kilay. Kamukha na nito si Bella Flores na orihinal at primerang kontrabida ng Philippine Showbiz. "Paano pa ako aangal, nilawayan mo na! Saka tatawad ka na nga lang, lalaitin mo pa itong paninda ko! Akina na nga ang sampung piso mo at lumayas ka na!"

Ngumisi siya at inabot ang bayad sa tindera. "Sorry po," aniya, kahit ngumunguya at puno ang bibig. Inubos na niya ang banana cue at bumili ng tig-pisong tubig. Dumighay siya at umusal ng tahimik na pasasalamat sa Diyos dahil nabusog siya.

Pawis na pawis na siya at napuntahan na niya ang halos lahat ng maliliit na tindahan. Tumingin siya sa entrada ng mall. Bakit kaya hindi niya subukan? Isa pa, mamamatay na siya sa heat stroke kapag nag-ikot pa siya.

"BAKA naman ho puwede ako rito kahit tagahiwa lang ng kamatis at sibuyas sa kusina," giit niya sa may-ari ng isang puwesto sa food court. "Kung hindi po ninyo naitatanong, magaling po akong magluto." Sino ang hindi gagaling kung palaging pagpag ang ulam nila? Natuto siyang gawan ng paraan para sumarap ang pagkain kahit galing iyon sa basura.

Umungol ang babaeng kausap niya, naaalibadbaran na sa kanya. "Hindi ko nga kailangan ng dagdag na tao rito! Nakukunsumi ako sa 'yo!"

Pinagkrus niya ang mga kamay sa tapat ng dibdib. "Sige, aalis na ako kung bibigyan ninyo ako ng libreng ulam." Hinayon niya ng tingin ang mga pagkaing nakadisplay sa harapan niya at itinuro ang sweet and sour shrimp. Mahal ang hipon at sa buong buhay niya ay isang beses palang siya nakakain niyon.

Nanlaki ang mga mata ng babae. "Hala, sige, basta tantanan mo lang ako. Kung ako sa 'yo, doon ka mambulabog sa shop ng mga mahal na abubot! Naghahanap ng sales assistant d'un!"

Kumislap ang mga mata niya. "Talaga po? Ano pong pangalan ng shop?"

"Val Amour Fashion Accessories. Umalis ka na!"

"Iyong pagkain ko po muna." She grinned. Akala siguro nito nakalimutan na niya ang sweet and sour hipon. Minsan lang siya maka-tsamba ng masarap na pagkain, eh, at makapal naman ang mukha niya kaya walang problema.

NAG-ALANGAN si Azul na mag-apply sa Val Amour Fashion Accessories. Totoo ngang mamahalin ang mga abubot. Juskoh, ngayon lang siya nakakita ng ipit sa buhok na five hundred ang presyo! Ano iyon gawa sa ginto? Ang flower headband, may diyamante pa yata.

"Hi!"

Napaigtad siya nang lumapit sa kanya ang napakagandang babae. Baka endorser. Wala siyang masabi sa kutis nito. Kung sasabihin nitong artista ito ay maniniwala siya. "H-hello," tugon niya, magalang ang tono ng boses.

"Is there anything I can assist you with? Naghahanap ka ba ng ipit sa buhok, singsing, kuwintas? Whatever that is, just tell me."

Natulala siya sa babae, nakamata lang siya rito. Ang galing nitong mag-english! Hindi iyon english ng mga lasing sa kanto nila. Lalo siyang nahiya rito. Halatang mayaman ang babae. Pino itong kumilos at aral ang mga ngiti. Walang dudang mataas ang pinag-aralan.

She smiled, hesitant. "N-naku, hindi kaya ng bulsa ko ang halaga ng mga abubot dito. Ano lang kasi... uhm... may nakapagsabi kasi sa aking naghahanap daw ng sales assistant ang may-ari ng shop na ito."

Hinayon siya ng tingin ng kaharap kaya medyo nailang siya. Ang suot niya ay lumang maong na pantalon at simpleng T-shirt na hindi pa sakto sa kanya ang size. Medium siya pero large ang T-shirt. Lumang sandals din ang sapin niya sa paa. Kita ang mga kuko niyang hindi pa man din niya nalilinis. Malay ba niyang may titingin pala sa mga kuko niya sa paa.

"I own this shop," anang babae. Hindi nabura ang palakaibigan nitong ngiti sa mga labi. "I'm Valeria Viste. Call me Valie."

"Ma'am Valie, ang ganda-ganda n'yo po!" hirit agad niya. Totoo naman iyon. Ito na yata ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Bagay dito ang kantang Binibini ng Brownman Revival.

Umiling ito at iminosyon ang pinto malapit sa cashier. "Please, follow me."

"Saan po tatayo pupunta?"

"Nag-aapply ka, 'di ba? Shall we go to my office for your final interview?"

"Final po agad? Wala pong initial?"

"Yes, bakit ayaw mo ba?"

"Gusto ko po, Ma'am Valie, tara na po."  Hindi kalakihan ang opisina ng boss niya pero mamahalin ang mga kasangkapan. Nakahinga siya nang maluwag nang matapos ang interview. Akala niya ay tustado na siya paglabas ng opisina nito, pero mabait palang talaga ang babae.

Ang sabi ng bago niyang boss na maganda ay ayaw nito sa mga taong tamad. Hindi siya tamad kaya hindi niya poproblemahin ang bagay na iyon. Sanay siyang magtrabaho, kaya makakaasa itong hindi siya uupo lang maghapon at tutunganga. Tamad? She snorted. Iyon ang isang bagay na wala sa bokabularyo niya. Kung may mga katagang angkop sa kanya, iyon ay ambisyosa.

Possessive 7: SECRETS (Completed)Where stories live. Discover now