PAALAM

118 3 2
                                    

Date publish: 20 May 2020

Matagal bago ko nagawang magsulat dito. Matagal bago ako nagkaroon ng lakas ng loob na gawin ito. Sa totoo lang hanggang ngayon ay hirap pa din ako. Hindi dahil hindi ko matanggap na wala ka na pero hindi ko magawa dahil sa tuwing maaalala kong wala ka na, papatak muli ang luha sa aking mga mata.

Matagal tayong lumaban hindi lang sa pera, oras at lakas pero pati rin sa panahon at pananampalataya. Hanggang sa huli naniniwala akong gagaling ka. Pero tuluyan mo pa din ako.. kaming iniwan. Wala ako sa tabi mo sa mga huling hininga mo, pero bawat laban mo, ako ang kasama mo, lalo na sa panahon na nasa ospital ka at buong lakas na lumalaban dahil sa cancer.

Sa harap mo, pinilit kong maging malakas, sa harap mo hindi ako kelanman umiyak o nagpakitang mahina kahit ang totoo'y gustong gusto ko ng bumigay at mawalan ng pananampalataya. Pero sa bawat tumba ko, nakaalalay ang Diyos, kaya nakakatayo pa din ako.

Mama, hindi ko masabi sa facebook lahat ng gusto kong sabihin sa'yo dahil iniiwasan ko din na mahirapan si Daddy or malungkot siya kapag nabasa niya yung mensahe ko. Pero dito, handa akong ibuhos lahat at palayain lahat ng sakit at pangungulila sa'yo.

Mahal na mahal kita. Uulitin ko yan kahit mapaos pa ako kakasabi sa'yo, bawat puyat at pagod ko sa ospital sa pagbabantay sa'yo ay okay lang. Handa akong gawin yun ng paulit-ulit kung kinakailangan. Hindi ako magaatubiling paliguan ka ulit o bantayan ka o linisan ka kapag nag pupu ka or nagwiwi ka. Kasi ginawa mo din naman yun nung bata pa ako.

Hindi ako mapapagod tumayo at lumaban para sa'yo, pero aaminin ko nung panahon na nasa ospital ka ilang beses kong gustong sumuko sa tindi ng pagod na nadarama ko. Ngunit sa tuwing nakikita kita, napapalaban ulit ako. Isa ka sa rason kung bakit malakas at matatag ako ngayon.

Handa akong ipagluto ka ulit, handa akong magimbento ng kung anu-anong pagkain makakain ka lang ng pwede sa'yo. Handa akong mapuyat masamahan lang kita sa tuwing hindi ka makatulog dahil sa sakit mo. Mahal kita, at hindi kelanman mapapalitan yung parte mo sa puso ko.

Miss na miss ko nang yakapin ka, hawakan yung kamay mo, miss ko na yung paghaplos mo sa buhok ko. Miss ko na din yung amoy mo. Miss ko na yung boses mo at kung paano ka maglambing sa akin. Nung mga huling araw mo, sinabi mo sa akin na marami kang gustong sabihin sa akin pero hindi mo masabi dahil hirap kana huminga at magsalita.

Handa pa din akong maghintay marinig at malaman yun kahit sa panaginip na lamang tayo magusap. Pero ngayon, pinalalaya na kita, noon ko pa naman tinanggap na wala ka na, hindi din naman ako humiling na mabuhay ka pa dahil alam kong imposible na yun. Pero ngayon pinalalaya kita, pinalalaya ko na ang sarili ko sa sakit ng pagkaulila sa'yo, alam ko hindi ko man aminin may sugat at kirot sa puso ko kaya ngayon gusto kong buksan at aminin ito para gumaling na ako.

Maraming salamat sa'yo, sa sakripisyo mo, sa pagmamahal mo, sa pagiging matapang, matatag at madiskarte mo. Salamat dahil hindi ako kelanman humanap ng ibang Nanay dahil napaka blessed ko sa'yo. Salamat dahil wise, matalino at may maganda kang puso. Salamat sa lahat ng turo mo sa akin, salamat sa pagiging pasensyosa mo kahit matigas ang ulo ko at pasaway ako.

Pasensya kana hindi ko manlang ikaw nabigyan ng maayos na retirement. Hindi mo manlang naenjoy yung buhay mo pagkatapos mong magtrabaho at magpakahirap para sa akin. Pasensya kana dahil may times na inaaway kita, sinusungitan o hindi sinusunod. Pasensya kana dahil napakataas ng pride ko at ang tigas ng ulo ko. Alam ko masaya kana ngayon diyan, wala ng paghihirap, wala ng sakit, wala ng pagod at puyat.

Iyakap mo na lamang ako sa Panginoon, alam kong magkikita pa din naman tayo, hindi pa nga lang ngayon. Pero lagi mong tandaan mahal kita at kapag dumating ang panahon na kunin na din ako ng Panginoon hihiling ako na pagbigyan na magkita tayong muling dalawa at isang reunion sana ito sa langit.

Mahal kita Mama at maraming salamat sa lahat.

Paalam, Mama.
Paalam sa aking best friend.

(We always declare that she'll be healed and God answered our prayers. We may not see it in this world but we believe that she's healed sa heaven.)

Elvira
66 years old
Breast cancer patient
Sept 12, 2019

(Suot ko na din yung ring na simula dalaga ka suot suot mo na, yung pamana sa'yo ng Tatay mo

¡Ay! Esta imagen no sigue nuestras pautas de contenido. Para continuar la publicación, intente quitarla o subir otra.

(Suot ko na din yung ring na simula dalaga ka suot suot mo na, yung pamana sa'yo ng Tatay mo. 'Wag kang mag-alala iingatan ko ito at kapag nagkaanak na ako, ipapasa ko din sa kanya ito.)

PURPOSE (Book 1 - Completed)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora