Doon sa huling upuan.

80 14 3
                                    

Doon sa huling upuan.

Doon sa huling upuan

Ang pinaka gusto kong upuan sa sasakyan.

Doon sa huling upuan

Kung saan maari kang dumungaw sa iyong kapaligiran.

Doon sa huling upuan

Makikita mo ng malinaw, ang isang malabong bagay na hindi ko kayang tignan.

Doon sa huling upuan

Kung saan madalas nilang lambitinan higit pa sa bagay na nasa palaruan.

Doon sa huling upuan

Kung saan sila magsisimulang tumugtog ng kakaibang kanta.
Hindi mo ito maiintindihan pero iyong mararamdaman
Kung saan ang pinanggalingan ng mga linyang kanilang binibitawan. 

Doon sa huling upuan

Kung saan pa-simple nilang iaabot ang isang sobreng maaring paglagyan ng awa katumbas ay barya at pagbalik ng wala katumbas ng magsumikap ka.

Doon sa huling upuan

Iyong masasaksihan ang mga walang muwang at hanap ay panglagay sa kanilang kalamnan.
Habang ang kanilang magulang ay tumititig na lamang.

Doon sa huling upuan

Kung saan walang kasiguraduhan, kung ipagtatabuyan o isasama sila sa byahe ng buhay.

Ang huling upuan

Ang paborito kong upuan sapagkat, dito namumulat ang aking isipan ukol sa mga bagay.

Bagay na hindi ko kailanman maiintindihan.
Kung bakit ganoon ang kanilang kalagayan na para bang nilamon na sila ng kahirapan
At hindi na kayang gawan pa ng paraan.

Ngunit gaano man kalayo ang biyahe ng buhay,
Mayroon pa rin itong hangganan.
At wala ka ng magagawa kundi iwan ang awa bago huminto ang dyip sa babaan.

Ikaw?

Gusto mo din ba ang huling upuan?

Poems and Letters (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon