☠ tale 3

6.8K 682 418
                                    


Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Category:

□ Paranormal

□ Unexplained

▣ True Crime


"Mystery Box"

by: Georgieboy


Nangyari 'to noong 2018, mga panahong usong-uso ang mga Mystery Box. Sa mga hindi nakakaalam, ito 'yung bibili ka ng box tapos surprise na lang anong laman. Mystery box nga naman 'di ba?

Naisip kong medyo boring kung sa Lazada o Shopee ako bibili, kung sa dark web naman ay baka mapahamak pa ako. Sa huli, naisip kong sa isang forum na lang bumili tutal medyo okay naman ang mga tao doon. Nag-post ako na interesado ako sa isang mystery box, kaso mga taga ibang bansa 'yong karamihan sa mga nandoon kaya wala masyadong pumatol, pero mabuti na lang at biglang may pinoy na nag private message pa mismo sa akin.

Mabilis 'yong transaction. Nagbayad akong 500 tapos pagkatapos ang isang linggo, natanggap ko na. Gaya ng inaasahan, gumamit ng pekeng pangalan ang sender. Juan Dela Cruz. Halatang sobrang pinag-isipan.

Nasabi ko ang tungkol sa Mystery Box sa tropa kong si Mark kaya nang malaman niyang maga-unbox na ako, lumusob kaagad ang ulol sa bahay na may dalang cellophane gloves. Malamang ninakaw niya iyon sa karinderya nila.

Habang abala ako sa pagtatanggal ng tape sa paligid ng kahon, pa-video video lang si Mark. May balak pang maging Vlogger eh.

"Handa ka na?" pabiro kong tanong kay Mark nang matanggal ko ang huling tape.

"Handa na, Korina," biro ng ulol kaya napangiwi na lang ako. Balak din ata niyang maging komidyante.

Binuksan namin ang kahon at tumambad kaagad sa amin ang isang maruming teddy bear na kulay pink. Sa sobrang inis, napamura ako lalo't 500 ang ibinayad ko para lang sa isang lumang teddy bear. 

"Grabe, pre! Sana bumili ka na lang ng brand new na stuffed toy! Biruin mo? 500 para lang sa isang lumang stuffed toy?" Tawang-tawa si Mark at kinuha ito mula sa kahon. Pero nagtaka ako nang sa isang iglap ay nakunot ang noo niya habang hawak ito.

"Bakit?" tanong ko.

"Parang may zipper yata 'to?" Mabilis niyang binaliktad ang teddy bear at nakita naming tama siya, may zipper nga.

"Pre, buksan natin! Baka mamilagrohan at may alahas pa diyan!" biro ko na lang. Lowkey umaasa din na sana meron nga itong laman na higit pa sa 500.

Pagbukas sa zipper na nasa likod ng Teddy Bear, biglang sumalubong sa amin ang isang masangsang na amoy. Nakita naming ang laman pala nito ay dalawang bilugang bagay na nababalot ng kulay pulang likido. Hindi kami matalino, pero sa puntong iyon ay napagtanto agad namin kung ano ito — Isang pares ng mga mata.

Nagsigawan kami at nabitiwan ni Mark ang Teddy Bear, pero sa kabila nito ay nanatili ang mga tingin ko rito at nakitang may mumunti pang laman ang nakalawit sa paligid ng mga mata. Para pa itong direktang nakatitig sa amin.

Narinig ni Mama ang sigawan namin mula sa kwarto at dali-dali niya kaming pinuntahan. Gulat na gulat siya nang makita ang rason ng takot namin ni Mark, pero mabilis niyang iginiit na peke ito o baka sa isa lang hayop lang. Napagalitan pa kami dahil sa sobrang ingay namin. Sa huli, umuwi na lang si Mark at inutusan naman ako ni Mama na itapon ang Teddy Bear.

Hindi ko alam anong pumasok sa isip ko ng mga panahong 'yon. Siguro dahil na rin sa takot ko ay ginawa ko ang sinabi ni Mama at itinapon ito, pero syempre kinunan ko muna ng litrato. Naisip ko ring pumunta sa pulis pero hindi ko na ginawa, baka mamaya mapagalitan pa ako nang todo ni Mama at Papa.

Pag-uwi ni Papa, sinabi ko rin sa kanya ang nangyari at pinakita ko pa ang mga litrato pero gaya ni Mama ay pinagalitan niya lang ako. Nagalit pa siya lalo na nang malamang nagbayad ako ng 500 para lang sa bagay na 'yon.

In-upload namin ni Mark ang unboxing video at pictures pero hindi naman pumatok. Kahit 'yung mga karaniwan naming uto-utong kaklase eh ayaw maniwala. Sabi nanloloko lang daw kami ni Mark.

Sinubukan kong tawagan 'yung binilhan ko ng mystery box pero hindi na siya sumasagot. Kahit 'yung account niya sa forum ay nawala na rin. 'Yung pangalan niya naman sa Gcash ay Juan Dela Cruz din kaya hindi ko na siya nahanap. Para talaga siyang naglaho siya bigla na parang bula.

Lumipas ang panahon at nakalimutan ko na ang pangyayaring 'yon. Fast Forward ngayong 2020. Ito talaga ang rason kung bakit ko ibinabahagi ang kwentong 'to ngayon.

College na kami ni Mark sa magkaibang university kaya minsan na lang kami makapag-usap. Noong nakaraang gabi, bigla siyang nag-chat sa akin at may pinadalang picture ng isang newspaper article tungkol sa isang batang babaeng pinatay dalawang taon na ang nakakaraan. Kinidnap daw tapos pagkatapos ng ilang araw ay saka lang natagpuan sa isang abandonadong lote. Sobrang kawawa dahil tinanggalan pa ng mga mata.

Noong una ay nagtaka ako kung bakit iyon pinadala sa akin ni Mark. Pero nang pinadalhan niya ako ng isa pang litrato, doon ko lang napagtagpi-tagpi ang lahat.

Sa pangalawang picture, nakita ko ang batang babaeng may yakap na isang kulay pink na teddy bear. Parehong-pareho sa nakuha ko dalawang taon na ang nakakaraan.

Para akong tinakasan ng lakas sa buong katawan. Sobra rin akong naawa para sa bata, pati na sa mga magulang niya. 

Kinabukasan, nagising akong inaapoy ng lagnat. Buong araw na hindi maalis sa isipan ko ang tungkol sa stuffed toy na 'yon. Tinawagan ko si Mark at kahit siya ay hirap ring makatulog mula nang malaman niya ang tungkol sa bata. Mayroon pala siyang isang kaklase na admin sa isang unsolved crime forum tapos na-kwento niya ang tungkol sa mystery box ko, saktong may naalala itong kaso ng isang batang pinatay na tinanggalan ng mga mata sa Maynila. Na-curious si Mark kaya ni-research niya ang tungkol sa kaso, tapos hayun na nga...

Napagdesisyunan naming gawin ang dapat matagal na naming ginawa. Bukas mismo, pupunta na kami sa pulis at sasabihin ang tungkol sa nadiskubre namin. 

Sana hindi pa huli ang lahat.

Sana makatulong kami para mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kawawang bata.


#ScaryTalesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon