Chapter 7 : Mga Bakas

41 11 31
                                    

"Pero alam niyo naman siguro, Sir Bigoy, ang tungkol sa pagmimina ng grupo nina Tatay Cesar di ba?" tanong ni Alab sa guro.

"Oo naman, may matatago ba namang tsismis dito sa ating barangay?" nakangiting sagot nito. "Alam ng lahat iyan. Saka nasabi rin sa akin yan ni Cesar dati. Kaya nga nung nangyari yun kay Cesar, ang bulung-bulungan eh may nakuha sila, pero hindi lang nila sinasabi," dagdag pa ng guro.

"So ang conclusion, may kinuha sila sa gubat at dapat nilang ibalik para tumigil ang pagwawala ng ting-guwa?" tanong ni Kokoy, bakas ang takot sa tinig nito.

"Oo, yun nga rin ang agad na konklusyon ng lahat. May nasabi ba sa 'yo ang tatay at ang tiyuhin mo Kokoy, na nakuha nila sa balon?" tanong ni Sir Bigoy.

"Peksman, wala talaga Sir, puro mga lumang kagamitan lang, mga bala at mga bungo ng tao..." sagot ni Kokoy.

"Kung ganun, ikinakatakot ko na patuloy pang papatay ang halimaw pag hindi naibalik sa kanya, anuman yung bagay na yon," malungkot na sabi nito.

Kita ang takot sa mukha at kilos ni Kokoy pagkat isa ang kanyang ama sa nabigyan na ng babala ng ting-guwa. Nahalata naman kaagad ni Alab ang pangamba ng binata.

"Bweno Sir Bigoy, sobrang naabala na po namin kayo. Maraming salamat po sa history and mythology lesson," sabi ni Alab sabay kamay sa guro.

"Walang anuman boys, my pleasure!" sabi nito habang kinakamayan ang dalawang binata. Tumayo na ang tatlo at naglakad palabas sa garden. "Hindi na rin kayo iba sa akin at ang pamilya ni Sir Ben. Alam mo bang nung bago lang ako rito sa isla, ay siya ang isa sa mga unang taong nag-mentor sa akin?" tanong nito.

"Oo nga po, Sir Bigoy. Di ba taga-bayan kayo pero dito na kayo nakapag-asawa?" sabi ni Kokoy.

"Oo. Bata pa ako nung mapadpad ako rito, mga mid-80's. Nagtapos ako ng pagka-guro sa kolehiyo pero dahil madaming kakompitensya sa bayan, ang hirap makahanap ng school na pagtuturuan. Na-offer lang sa akin itong teaching position dito sa isla, dahil walang gustong tumira rito galing sa bayan at kulang din naman ang mga guro rito. Eh binata naman ako kaya kinagat ko na ang opportunity. Si Lolo Ben at si Pareng Cesar ang tumulong sa akin para makapag-adjust ako ng mabilis sa buhay isla," nakangiti pero ramdam ang pait sa kanyang boses. "Kaya ayun, napamahal na ako sa barangay at napamahal na rin kay Mrs Villaclara n'yo, sumalangit nawa!" nangingiti nitong wika sabay antanda.

Natawa saglit si Kokoy. "Siyanga pala 'tol, ang naging asawa nitong si Sir Bigoy eh yung teacher ko nung Grade 1, si Mrs. Lydia Rojo Villaclara, anak ni Don Johnny," sabi nito sa kaibigan.

"Biyenan niyo pala si Don Johnny?" tanong ni Alab.

"Oo, nagtataka ka siguro kung paano ko napa-ibig ang isang anak mayaman 'no?" pilyong ngiti nito. "Eh simpleng guro lang ako."

Naintriga ang dalawang binata sa love story ng guro.

"Dahil nga wala akong titirhan dito, isa si Don Johnny na nag offer sa akin ng matitirhan sa kanilang extrang bahay malapit sa lawa. Kahit hindi na raw ako magbayad ng renta basta magtrabaho lang daw ako part-time na tagapag-bantay ng fishpen niya pag weekend at i-tutor ko ang kanyang mga anak na noo'y bago pa magtatapos ng college. Eh ayun, sa di maipaliwanag na dahilan eh nabighani sa akin yung panganay niya, kaya itinanan ko na kaagad!" natatawang salaysay nito. Biglang sumeryoso ang guro. "Yun lang, hindi kami pinalad na magka-anak at maaga akong nabiyudo."

"Malupit pala kayo 'non sir," natatawang tukso ni Kokoy dito. "Daig niyo pa si Tito Cesar na tumandang binata na talaga."

"Oo nga eh, kung tutuusin siya itong mas makisig at mas athletic sa aming dalawa. Nasawi kasi sa pag-ibig," nakatawang sabi nito.

Sa Kuko ng KarimlanWhere stories live. Discover now