When The Skies Are Gray

42 7 1
                                    

Chapter 10

I never knew love could be this painful until Maki came into my life.

"Ikaw talagang bata ka! Di mo ba alam na alas syete na, Calla! Kulang na lang, mag-sleepover ka na sa school niyo sa sobrang late mong umuwi---" Nahinto si Mama noong tumakbo ako at niyakap siya. Ang di matigil kong luha ay binabasa na ang damit niya.

Malinaw pa sa alaala ko ang paghagulhol ni Maki kanina. Sa isang mensahe lang na bigay ng taong mahal niya, naapektuhan na ang buo niyang pagkatao. Tila bumalik ulit siya sa Maki na unang nakilala ko. Ang Maki na naghihinagpis dahil wala na ang taong sandigan niya. Ang Maki na nawawala dahil wala na ang taong nagsisilbing liwanag niya.

Sa pagkakataong iyon, walang ibang hinahanap si Maki kundi siya lang. Siya lang at wala nang iba.

Umupo kami sa sofa. Kinulong niya ako sa mga bisig niya. Ngayon ko lang narealize na si Mama lang ang takbuhan ko pag naubos na ang lakas ko. Malaki ang pasasalamat ko dahil andito siya sa tabi ko ngayon.

"Ma... ayoko na... ubos na ubos na ako... Ma, ang sakit-sakit..." bulong ko sa mga pagitan ng hikbi. Ang ginawa lang ni Mama ay hinehele niya ako na parang sanggol.

"Iiyak mo lang lahat, anak, hanggang mawala na ang sakit..."

Akala ko hindi ito magiging epektibo pero di ko na namalayang nakatulog ako sa sobrang pagod. Ngunit di ko aakalaing pati sa panaginip ay susundan ako ng katotohanan.

Nagising ako sa pamilyar na lugar. Isang madilim at nakakatakot na kagubatan. Sa di kalayuan ay ang isang bata na hinahabol ang isang gintong paru-paro. Bakas ang kainosentehan sa kaniyang mukha, parang si... Maki.

Sa pagkakataong iyon, tila nabuhay ang kwento sa aking panaginip. Ang kwento na hindi ako ang isa sa mga bida. Naisip ko tuloy na wala pala akong lugar sa kwentong nilikha niya.

Sinubukan kong magsalita at balaan si Dion pero ayaw bumuka ng bibig ko. Hindi ko rin makita ang katawan ko't mga kamay. Wala akong nagawa kundi panuorin ang batang kasalukuyang tumatakbo papasok sa gubat. Nasaksihan ko lahat na tila isang pelikula sa sinehan. Mula sa paglaho ng paru-paro, ang ang takot na naramdaman ni Dion nang makitang nawawala siya, ang pagsubok niya na mahanap ang daan pag-uwi, hanggang sa sumuko na siya at umiyak sa isang puno.

Lumapit ang aking anyo sa bata at nang papalapit na kami dito, mukha ni Maki ang aking nakikita. Sa isang iglap, lumiwanag ang paligid, ang kagubatan ay nagmistulang paraiso na parang hindi ito naging nakakatakot kani-kanina lang. Naghilera ang isandaang alitaptap at gumawa ng isang daan. Nabigla ako nang makita na pati ako ay nagliliwanag na rin pala. Nahagip ko na mayroon akong mga pakpak at ang ilaw ay tila parte ng aking katawan. Sa akin unang dumapo ang mga abong mata ng batang Maki.

"Will you help me find my way out?" tanong niya sa akin.

Di ko na nakita ang sunod pang nangyari dahil kisame na ang nakita ko pagkagising. Bumangon ako at natulala. "Anong ibig sabihin noon?"

Parte ba ako ng kwento? Kung hindi ako ang bata o ang gintong paru-paro... saan ako kabilang?

"Calla, kumain ka na... nahuli ka nang magising. Alas diyes na o... papasok ka pa ba?" Pumasok si Mama na may bitbit na tray ng almusal. Sa sandaling makita ko ang ngiting nakaukit sa labi niya, si Maki ang una kong naalala. Bumalik ulit sa isipan ko ang nangyari kahapon na siyang dahilan kung bakit napaiyak ulit ako.

Tinakpan ko ng kumot ang sarili, nahihiya kay Mama. Ramdam ko ang presensiya niya sa tabi ko. "Huwag ka munang pumasok, Calla. Ipinaalam ko naman na sa mga guro mo. Kailangan mong ipahinga ang sarili mo at ang puso mo..."

Tale Of A Hundred FirefliesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon