Simula

19 2 1
                                    


August 18, around 9 pm

"Sige na, magsabi ka na sa Mama mo baka payagan ka. Nineteen ka na naman eh." Pilit ni Gera kay Fria habang nagliligpit ito.

"Kahat na 19 na ako, wala iyung kinalaman sa kung papayagan ba ako ng Mama ko o hindi."

"Pero i-try mo pa rin. Malay mo, payagan ka." Pilit pa ng kaibigan niya.

Habang umiikot-ikot siya sa salas nila para iligpit ang mga kalat doon ay nakasunod sa kaniya ang kaibigan. Para na nga niya itong buntot dahil palaging nasa likuran niya si Gera. Minsan pa ay nabubunggo niya ito habang naglilinis.

"Atsaka katatapos lang ng celebration ng birthday mo oh. Sabihin mo extension sa condo ko." Pagbibigay pa nito ng rason kay Fria.

Napatigil si Fria mula sa pagwawalis bago tiningnan si Gera. Itinaas lamang naman ng kaibigan niya ang kaliwang kilay nito habang nakatingin sa kaniya. Nakikipagsukatan. Gumuhit ang ngiti sa labi nito nang makita ang tila sumusuko ng ekspresyon ni Fria.

" Oo na, Oo na. Magsasabi ako mamaya pagkatapos kong magligpit at maglinis dito sa salas. Susunod na lang din ako."

From a glowing face, Gera's face instantly turned grim na naging dahilan ng paghagikhik ni Fria.

"Alam ko na 'yang mga linyahang iyan, 'no? Sasabihing susunod pero hindi naman."

"Totoo nga, susunod ako doon sa condo mo. Atsaka sino-sino ba ang mga kasama natin?"

"Ikaw, ako, si Nana, Lili, Mack atsaka  si Ate Gina baka nandoon din. Lahat naman tayo babae kaya baka naman papayagan ka na talaga. Ilang sleepovers na ang na-miss mo 'no." May pagmamaktol pa ito.

"Susubukan ko nga." Sagot naman ni Fria para matigil na din ito.

"Ano kaya kung magsabi ka na ngayon? Sasamahan pa kita nang lalo ka ng payagan."

"Hay, kahit hindi kita kasama, kung papayagan ako papayagan ako pero kung hindi kahit andun ka pa ay hindi din talaga." Paliwanag pa ng dalaga sa kaibigan. Gusto din naman niyang makasama ang mga ito sa mga sleepover lalo na't hindi niya pa nararanasan ang maki-sleepover dahil hindi nga siya hinahayaan ng mga magulang niya lalo na ng kaniyang Ina.

"Magsabi ka na ngayon." Mulinh pilit ni Gera at dahil alam niyang hindi na din siya titigilan pa nito ay nagpasya na rin siyang magtungo sa kwarto kung nasaan ang mga magulang niya. Habang si Gera naman ay naiwan sa sala.

Pagdating niya sa kwarto ng kaniyang mga magulang ay nakita niyang naghahanda na nag mga ito sa pagtulog.

"Mama," tawag niya sa kaniyang ina na papahiga na ng kama. Nilingon siya ng mga ito na nagtatanong ang mga mata.

"Baka pwede akong magsleepover kina Gera." Ngiting ngiti pa siya para lang payagan ng mga ito.

Nangunot naman ang noo ng dalawa habang nakatingin sa kaniya.

"Gabing - gabi na naman ang pagsasabi mo. Atsaka babiyahe pa kayo papunta roon, baka pwedeng bukas na lang 'yang sleepover na 'yan." Angal ng Mama ni Fria habang nakatitig pa rin sa kaniya. Siya nama'y hindi din nilulubayan ang titig nito.

"Ngayon lang pupwede kasi marami na kaming kailangang gawin bukas at may pasok na din sa isang araw." Paliwanag ni Fria. Ayaw niyang magmukhang umaangal o nagpapalusot siya dahil alam niyang mas lalong hindi siya papayagan ng Ina niya. Pero talagang matatagalan ulit ang sleepover na ito kung hindi matutuloy. First year college na sila at kasisimula palang ng klase. Baka sa mga susunod na linggo ay maging busy na sila kaya hindi na maisisingit pa ang mga hang-out na tulad nito.

Inalis ng Mama niya ang tingin sa kaniya at itinuon sa kaniyang Ama. Ilang segundong hindi nagsalita ang Ina niya bago nito ininguso ang asawa.

"Magsabi ka sa ama mo." Iyon lang ang sinabi nito bago tuluyang nahiga sa kama.

"'Pa." Tawag ni Fria sa Amang nakatayo sa gilid ng kama. 

Tumingin muna ito sa orasan bago siya tingnan. "Alas nuebe y media na." Anito sa mahinang boses.

Ilang minuto pa ang dumaan pero hindi siya umalis sa pagkakatayo niya sa may pintuan ng kwarto ng mga magulang niya. Unti - unting tumaas ang magkabilang gilid ng labi niya ng marinig ang pagbuntong hininga ng ama.

" Dadalhin mo ba ang sasakyan?" Tumango siya sa Ama. "O 'siya, basta mag-iingat ka sa pagmamaneho, hindi porket may lisensya ay akala mo na'y siga sa kalsada. Mag-ingat pa rin at magdahan dahan. Saan ba pala ang tutulogan ninyo?"

"Sa bagong condo ni Gera, Papa. Magdadahan - dahan ako at mag-iingat. Sige na, 'Pa."

Masayang isinara ni Fria ang pinto ng kwarto at nagmamadaling nagpunta sa salas kung nasaan si Gera.

"Ano? Pinayagan ka?" Tumango siya na nagpangiti rin sa kaibigan.

"Dadalhin ko iyong sasakyan namin. Sasabay ka ba?" Tanong niya sa kaibigan.

"Hindi, nasa labas pa si Mack atsaka iyong boyfriend niya. May dala ding sasakyan. Sa kanila ako sasabay at may dadaanan pa kami. Bibili kami ng mga pagkain atsaka alam mo na." Umakto pang may tinutungga ang dalaga habang pinapaalam sa kaniya kung anong bibilhin ng mga ito.

"Sige na. Susunod na din ako. Tatapusin ko lang ito atsaka maggagayak bago sumunod sa inyo."

Nagpaalam na sa kaniya ang kaibigan. Hindi na din naman niya nilabas sina Mack at binilisan na lang ang paglilinis ng salas. Nagkaroon kasi ng maliit na selebrasyon para sa kaniyang kaarawan dito sa bahay nila kaya medyo makalat. Nang masiguradong malinis na ang lahat ay umakyat na siya sa taas kung nasaan ang kwarto niya. Naggayak lamang siya ng mga kailangan niya tulad ng mga damit, toothbrush at iba pa na sa tingin niya ay kakailanganin niya. Inilagay niya ang mga iyon sa isang backpack at nang matapos ay bumaba na.

Kinuha niya lamang ang susi sa kwarto ng mga magulang niya at nagpaalam bago sumakay sa SUV na pagmamay-ari ng pamilya nila. Ang Papa niya ang madalas gumamit ng sasakyan na ito bilang service patungo sa trabaho nito pero ng matuto siya at magkaroon ng driver's license ay nagagamit na din niya ito bilang service pero sa mga ganitong pagkakataon lamang dahil madalas namang may pasok ang Papa niya.

Habang nasa biyahe ay nagpapatugtog pa siya para lang hindi masiyadong tahimik sa loob ng sasakyan lalo na at gabi na. Nakakahiya mang aminin pero natatakot siya kapag madilim ang paligid lalo na kapag nag-iisa siya. Kung anu-ano na kasi ang pumapasok sa isip niya na mga scenario'ng ang unlikely na mangyari. Pero narealize niyang tinatakot niya lang ang sarili sa kaiisip ng kung anu-anong masasamang bagay kaya naghahanap na lang siya ng makaka-distract sa kaniya kahit papaano para mawala ang lahat ng thoughts na iyon.

Fria's humming while driving. Sumasabay sa tugtog na maririnig sa loob ng sasakyan.

Ang kalmadong estado ng kaniyang utak ay nagimbal nang bigla na lamang may sumulpot na tao sa kalsada. Nagtangka siyang prumeno upang hindi ito mabangga pero huli na. Narinig na lamang niya ang malakas na pag-salpok ng taong iyon sa harapan ng sasakyan.

Ramdam niya ang malakas na tibok ng puso niya. Bigla ring pinagpawisan ang mga kamay niya. Ang daming bagay ang tumatakbo sa utak niya pero sa dami ng mga iyon ay hindi niya maapuhap kung ano ba ang dapat niyang gawin. Sigurado siyang tao ang nabangga niya. Base palang sa pigura nito.

Hindi niya namalayang ilang minuto na pala siyang nandoon lang. Hindi siya kumikibo. Hindi niya rin nakitang tumayo o kung ano ang kung sino mang nabangga niya.

Nilingon niya ang paligid pero hindi siya nagtangkang lumabas o ibaba ang binatana ng sasakyan dahil na rin sa takot, takot na may makakita sa ginawa niya.

Mabilis niyang minaniobra ang sasakyan. And without second thought, nilisan niya ang lugar na iyon at hindi na muling lumingon pa.

One With The Dark Where stories live. Discover now