Desperate Hope

716 34 145
                                    

Erryn

Ayon sa mga matatanda, ang taong hindi nagdadasal ay napapalayo ang loob niya sa Diyos.

Mukhang ganoon ang nangyayari sa 'kin ngayon.

Nakatayo ako ngayon sa harapan ng simbahan. Hindi ko alam kung kailan ako huling nakapunta rito dahil hindi ako nagsisimba. Masyado akong nagpakalunod sa aking trabaho kaya nakalimutan ko na ang pagpunta rito.

Alam kong mali at sumasakit ang puso ko ngayon. Totoo nga naman ang sabi ng iba na halos karamihan ng mga tao ay naaalala lamang ang ating Panginoon kapag tayo'y nalulugmok sa mabigat na problema.

Paulit-ulit na tumutunog ang cellphone ko. Tinatawagan ako ni Alshira para sa meeting namin. Isang oras na lang ay mag-uumpisa na ang meeting sa opisina, pero heto ako . . . saan ba ako papunta?

Kailangan kong makausap ang isang pari. Kailangan ko ang gabay niya dahil tila nawawala na ako sa landas. Nilagay ko muna sa silent mode ang cellphone ko, 'tsaka ko nilagay sa loob ng bag ko.

Biyernes ngayon at walang misa. Kaunti lamang ang taong nandito sa loob. Mas maraming tao ang nasa labas na nagtitinda ng kung anu-anong mga bagay. May taimtim na nagdadasal sa loob ng simbahan, may mga mag-jowa na itinatago sa gilid ang kanilang kapusukan at may mga batang-lansangan ang nagpapahinga sa likuran ng mga upuan. Patuloy lamang akong pumasok hanggang sa marating ko ang altar. Umupo ako sa pinakaharap habang nakatitig sa replica ni Jesus Christ na nakapako sa krus.

ILANG sandali ay may napadaang binatilyo na maglilinis siguro ng altar. May dala siyang pamunas at walis tambo. Tumayo ako at lumapit sa kaniya.

Nanlaki ang mga mata niya nang makita ako. "Bakit po?"

"N-nandiyan ba si father?"

Napatingin siya sa aking likuran. Marahil ay tinitingnan niya kung may kasama ako.

"Ano po'ng kailangan n'yo kay padre?"

"May mahalaga sana akong itatanong. P'wede ko ba siyang makausap?"

Umiling-iling ang binatilyo. "Marami kasing ginagawa si Padre Florentino ngayon," masungit niyang tugon. Kulang na lang ay magdikit na ang kaniyang mga kilay.

Naramdaman ko ang mga luha sa gilid ng aking mga mata. Hinawakan ko ang braso niya. Napabuka ang kaniyang mga labi nang mapatingin siya sa kamay ko.

"Please, buhay ko ang nakataya . . . may mahalaga akong itatanong," pagmamakaawa ko.

Napatitig siya sa 'kin nang ilang segundo. Tumango na lang siya at napakamot sa ulo. "Sumunod po kayo sa 'kin."

Sumunod ako sa kaniya. Dumaan kami sa isang madilim na pasilyo ng simbahan. Ilan ba ang pari sa simbahang ito? Wala akong kilala rito, pero magbabakasakali ako na sana'y may makatulong sa 'kin.

Nakarating kami sa isang silid. Kumatok ang lalaking kasama ko, 'tsaka niya binuksan ang pintuan. Nanatili akong nakatayo sa pinto. Nakita ko ang isang lalaking nakasuot ng puting T-shirt at itim na trousers. Mukhang nagbabasa sa kaniyang table ang matandang lalaki. May ibinulong sa kaniya ang binatilyo at sabay silang napatingin sa akin. Marahil ito ang Father Florentino na tinutukoy niya. Napangiti nang kaunti ang pari dahil sa ibinulong ng binatilyo.

"Pasok ka, iha," malumanay na pag-anyaya sa akin ng pari. Pumasok ako at naglakad palapit sa kanila. Inilahad niya ang kamay niya sa harapan ng upuan kaya umupo ako roon. Lumabas na ang lalaki at naiwan lamang kami sa loob. Matanda na ang paring kaharap ko, siguro nasa edad animnapu pataas. Bilugin at maamo ang mukha. May nunal sa pagitan ng mga kilay niya.

Inilibot ko ang aking mga mata. Mukhang nasa loob ako ng isang opisina.

"Ano'ng sadya mo, iha?" Malumanay ang kaniyang boses.

The Lost MarriageWhere stories live. Discover now