Prologue

75 4 0
                                    

Naaalala ko nung highschool, may theme writing exercise kami sa English class: "If you had the chance to talk to your favorite national hero, who would you pick and what would you ask?"

Pinili ko si Gabriela Silang kasi baka tsiks, tapos puro kalokohan lang yung mga nilagay ko na tanong. Anong paborito mong pagkain? Music preferences? Favorite dating spot? Feeling ko sobrang bibo ko, kasi natawa ang mga kaklase ko, pero ang labas,muntikan pa ako bumagsak.

Bakit hindi ko daw seryosohin yung tanong, sabi sakin ni Ma'am Edralin. Buti na lang bumibili ang nanay ko ng bra at panty sa English teacher namin kaya binigyan ako ng pagkakataon ulitin yung essay. "Will you die for the country again, Antonio Luna?" ang pinili kong sunod. Lusot na yung version two.

Pero ano nga ba naman kasi ang dapat itanong mo sa mga tao na binuwis at inialay ang buhay nila para sa Pilipinas? Bakit mo pa itatanong yung mga alam mo na? Sayang lang ang pagkakataon eh. Bakit hindi, "Galit ka pa ba kay Emilio , Andres?", o di kaya "Anong pakiramdam ng mabaril sa batok, Rizal?", pwede ring "Yung totoo, san favorite dating spot mo Gabriela?" at "Galit ka pa ba kay Emilio, Luna?"

Andami kasi nating di pa alam sa mga bayani natin. Na sa kapagbabantayog natin sa kanila, minsan nakakalimutan na rin natin na karaniwang tao lang din sila na binigyan ng pagkakataon maging bayani ng kanilang tadhana. Malay mo mahilig pala si Gabriela Silang sa Bonchon?

Nakalimutan ko na rin yung project na yun. Ilang taon na rin ang nakalipas. Bumalik lang sya sa alaala ko nung nagkaroon ako ng pagkakataon na alamin na mahilig pala sa Starbucks si Jose Rizal. Na adik sa Reddit si Bonifacio. Na hindi nagsskip ng leg day si Lapu-lapu. At bago mo ako isumbong kay Ma'am Edralin na siguro e hanggang ngayon ay nagbebenta pa rin ng Triumph at Avon sa mga nanay ng mga pasaway na bata, masasabi kong alam kong totoo ang mga sinasabi ko, kasi nagkaron ako ng pagkakataon na isabuhay ang theme writing exercise namin.

I had the chance to talk and live with our national heroes.

Si Dr. Jose Rizal. Gat Andres Bonifacio. Si Datu Lapu-lapu.

At ito ang kwento namin. Ang kwento ng Maharlika Club.

Ako nga pala si Jonathan Veloso. 17 years old. College student.

Kabarkada ng mga bayani.

Maharlika Club : Ako, Si Gat, Si Pepe, At Yung Pumatay Daw Kay MagellanWhere stories live. Discover now