KABANATA 04

30K 422 18
                                    

KABANATA 04

MABILIS na lumipas ang mga araw at unti-unti nang nasasanay si Ysabella sa buhay niya sa probinsiya. Gumigising siya ng maaga dahil siya na ang nagluluto ng kanilang almusal bilang siya ang babae sa bahay. Isa sa mga ikinatutuwa ni Ysabella ay mas nakilala niya si Fernan dahil nasa iisang bahay na lamang sila. Sweet ito at ugaling bigyan siya ng putting rosas araw-araw na hinihingi nito sa kanilang kapitbahay. Bago naman siya matulog ay palagi siya nitong binibigyan ng sariwang gatas ng baka para daw maganda ang kanyang maging pagtulog.

Halos gabi-gabi rin kung sila ay magtalik na dalawa. Tila palagi silang sabik sa isa't isa at kapag minsan pa nga'y siya pa ang mismong nangangalabit dito. At tila siya pa ang mas agresibo kesa sa lalaki. Kahit nga siya ay nagugulat sa kanyang sarili sa mga nagagawa niya kapag sila ay nagtatalik ni Fernan.

Paminsan-minsan ay sumasama na rin si Fernan kay Mikael sa dagat upang mangisda. Nahihiya rin naman ang kanyang nobyo na wala itong trabaho habang nakatira sila doon. Alam din naman ni Ysabella na kaya ginagawa iyon ng nobyo ay upang mapunan nito ang mga taon na hindi nito nakasama ang kapatid. Bigla tuloy siyang nangulila sa kanyang dalawang kapatid na sina Bettina at Desiree. Close din kasi silang tatlo dahil puro sila mga babae.

Hanggang sa sumapit na nga ang pinakahihintay na araw nina Ysabella at Fernan - ang araw ng kanilang pag-iisang dibdib. Lahat ay naihanda nila sa takdang panahon kahit na hindi ganoon kalaki ang perang naipon ni Fernan para doon.

"Oh, bakit nakatulala ka diyan?" tanong sa kanya ni Fernan nang mapansin nitong nakatulala lang siya sa harap ng salamin.

Isang simpleng kasalan lamang ang inihanda nila. Sa munisipyo ng lugar ng Plaridel, Quezon sila ikakasal ng mayor. Tanging kulay putting bestida ang suot niya ngunit lalo niyong pinatingkad ang kanyang simpleng ganda. Hindi rin makapal ang make-up na inilagay niya sa kanyang mukha. At hinayaan lang niyang nakalugay ang kanyang tuwid at itim na buhok na hanggang balikat niya ang haba.

Ngumiti si Ysabella. "Wala... Naalala ko lang sina nanay. Mas masaya siguro kung 'andito sila, Fernan. Alam mo naman na pangarap ko dati pa na kapag ikinasal ako ay masasaksihan iyon ng buong pamilya ko."

Iginiya siya ni Fernan sa pagtayo at niyakap siya nito. "Patawari mo ako, Ysabella, kung hindi mangyayari iyon."

"'Wag kang humingi ng tawad. Wala kang kasalanan, ano ka ba?"

"O siya, tama na ang drama at pinuntahan lang kita dito para sabihin na 'andiyan na iyong tricycle na maghahatid sa atin sa munisipyo."

"Ah, ganoon ba? Eh 'di, tara na!" yakag niya.

"Teka, sandali."

"Bakit?"

"Mahal na mahal kita, Ysabella... Kahit anong mangyari ay hinding-hindi kita iiwanan!"

"Akala ko ba tama na ang drama?" biro niya. "Mahal na mahal din kita, Fernan!" buong pusong tugon ni Ysabella sa mapapangasawa.

"Ipinapangako ko na kahit ang kamatayan ay hindi tayo mapaghihiwalay..."

Nakaramdam si Ysabella sa sinabing iyon ng mapapangasawa. Oo, madalas nitong sabihin iyon sa kanya, ngunit iba ngayon. Para kasing nagpapaalam ito sa tono ng pananalita nito.

"A-ano ka ba naman, Fernan? 'Wag ka ngang magsalita ng ganiyan. Kasal natin ngayon... K-kinakabahan lalo ako, eh."

Hindi na nagsalita pa si Fernan. Bagkus ay niyakap na lang siya nito at isiniksik sa mainit nitong katawan.

-----***-----

MATIWASAY na natapos ang kasal ni Ysabella kay Fernan. Napakasaya niya sapagkat nakatali na sila nang tuluyan sa isa't isa. Bagaman at hindi sa simbahan sila ikinasal ay nagpapasalamat na rin siya. Ipinangako naman sa kanya ni Fernan na oras na makaipon ito ay sa dambana na ng Diyos sila haharap upang magpalitan muli ng pangako nila para sa habangbuhay.

My Husband's BrotherWhere stories live. Discover now