KABANATA 01

52.5K 615 24
                                    

KABANATA 01

"SIGE, Ysabella! Sumama ka sa lalaking iyan at kalimutan mo nang mayroon kang ina! Subukan mo lang!"

Natigilan ang beinte y kwatro anyos na si Ysabella Diaz sa paglabas sa pintuan ng bahay nila habang hawak ang kamay ng nobyo niyang si Fernan dela Paz sa narinig na iyon mula sa kanyang ina na si Mila. Tigam ng luha na napatingin ang magandang dalaga sa kanyang kasintahan sabay sa kanyang ina naman. Tila hindi nagbibiro ang kanyang ina sa binitiwan nitong salita. Seryoso at may galit sa mukha nito habang nakahawak sa barandilya ng kanilang hagdan.

"N-nanay naman..." ungot ni Ysabella sa pagitan ng mga hikbi.

Simpleng buhay lamang ang meron si Ysabella. Meron siyang mapagmahal na ina at ama, tatlong nakakabatang kapatid na puro babae at masaya silang naninirahan sa isang bahay na bagaman at hindi marangya ay masasabi naman na maayos. Isang jeepney driver ang kanyang ama habang mananahi naman ang kanyang ina.

Sa loob ng dalawampung taon, kahit isa ay hindi nagkaroon ng nobyo ang magandang si Ysabella. May prinsipyo kasi siya na hangga't hindi nakakatulong ng husto sa pamilya ay hindi siya papasok sa isang relasyon. Ngunit binago ni Fernan ang prinsipyong iyon ng dalaga. Nakilala niya si Fernan sa palengke habang namimili sila ng isda ng kanyang nanay.

Agad na napukaw ng pala-ngiting binata ang pihikang puso ni Ysabella. Sino nga bang dalaga ang hindi mabibighani sa taglay na karisma at kagwapuhan ni Fernan? Kayumanggi ang balat nito na nagpadagdag pa ng appeal sa kakisigan nito. Bahagyang kulot ang buhok at may makakapal na kilay. Mga nangungusap na mata, matangos na ilong at malabing napaka pula na parang hindi man lang nasayaran ng mapanirang sigarilyo. Nalaman din ng dalaga na hindi talaga taga-dito sa Maynila si Fernan. Pinapunta lang ito ng tiyahin nito upang makatulong sa pagtitinda ng isda at karne sa palengke. Naging suki ni Fernan si Ysabella hanggang sa ligawan ng una ang huli. Matapos ang isang taon ng lihim na ligawan ay sinagot na din sa wakas ni Ysabella ang masugid na manliligaw.

Naging lihim ang kanilang relasyon sa loob ng tatlong taon ngunit ng araw na iyon ay nasiwalat na ang lahat. Mas pinili nilang ilihim ang relasyon dahil ayaw ni Ysabella na sumbatan siya ng kanyang pamilya. Nasira niya kasi sa mga ito ang kanyang pangako na hindi muna magnonobyo hangga't hindi nakakatulong sa mga ito.

Nang malaman ni Fernan na nais ipakasal siyang ipakasal ng nanay nito sa anak ng kumpare nito na maykaya ay pinilit siya nito na lumantad na sila sa kanilang pagtatago. Isang maling desisyon pala iyon dahil labis silang tinutulan ni Mila.

"'Wag mo akong subukan, Ysabella! Pasalamat ka't nasa biyahe ang tatay mo kundi baka kinalbo ka niyon. Bumalik ka na dito!" sigaw pa ni Mila sa umiiyak na anak.

Mas lalo namang hinigpitan ni Fernan ang pagkakahawak sa kamay ni Ysabella. Naalala tuloy ni Ysabella ang pangako ng binata na kahit na anong mangyari ay lalayo na sila at hindi na magkakahiwalay pa kailanman. Walang kahit na sino o ano ang makakapaghiwalay sa kanila, kahit kamatayan pa 'yan!

"Pero, nanay... m-mahal ko po si Fernan. Hayaan mo na lang kami na magsama at maging masaya. Nakikiusap po ako!"

Biglang sinugod ni Mila ng sampal ang anak at pinagtulakan ito palabas ng bahay. "Sige, lumayas ka na! Sumama ka na sa walang kwentang lalaking iyan, Ysabella! Sinayang mo lang ang pangarap ko para sa iyo! Lumayas ka na!" At nang nasa labas na ang dalawa ay malakas na isinara ni Mila ang pinto at agad na kinandado iyon.

"Nanay! Patawarin niyo po ako!" umiiyak na samo ni Ysabella.

"Simula ngayon ay wala ka nang pamilya, Ysabella! Wala kaming anak na tulad mong suwail!"

At wala na ngang nakuhang sagot si Ysabella mula sa babaeng nagluwal sa kanya. Kahit anong pakiusap niya ay hindi na nito binuksan ang pinto ng bahay na naging tahanan niya ng dalawanpu't apat na taon.

My Husband's BrotherWhere stories live. Discover now