KABANATA 05

27.8K 439 44
                                    

KABANATA 05

TULAD ng nakasanayan, maagang nagising si Ysabella ng umagang iyon. Agad siyang nagtungo sa kusina upang maghanda na ng almusal. Habang nagpiprito siya ng itlog ay biglang pumasok sa kusina si Mikael. Medyo magulo ang buhok nito at tanging shorts lang ang suot. Walang pang-itaas.

Nakaramdam siya ng pagka-ilang ito kaya hindi na niya ito nagawang batiin pa.

"Anong niluluto mo?" tanong ni Mikael sa kanya.

"I-itlog..." sagot niya.

Labis ang gulat ni Ysabella nang bigla siyang lapitan at yakapin mula sa likod ni Mikael. Muntik pa niyang mabitawan ang hawak na sandok dahil sa ginawa nito.

"M-mikael, ano ba?" pigil ang boses niya dahil baka biglang magising si Fernan. Ngunit wala yata itong balak na magpapigil sa kanya dahil mas lalong humigpit ang yakap nito.

Wala siyang maramdaman sa pagtutol sa pagyakap nito, bagkus ay naroon ang takot na baka mahuli sila ng kanyang asawa.

Humarap siya sa lalaki. At doon lang niya naisip na mali ang ginawa niyang iyon dahil sinalubong ng labi ni Mikael ang labi niya. Nabitawan na niya ang sandok at ang ingay na nilikha niyon ng bumagsak iyon sa sahig ay hindi sapat upang gisingin si Mikael. Hanggang sa nadala na si Ysabella sa mapusok na halik ng lalaki. Pakiramdam niya ay nasa ibang dimensiyon na siya ng oras na iyon. Nakalimutan na niya ang lahat maging si Fernan.

Ngunit agad din silang naglayo nang makarinig sila ng yabag ng paa papunta sa kusina.

"Ysabella, nasusunog na yata ang niluluto mo," boses iyon ni Fernan.

Doon lang tila bumalik ang kaluluwa ni Ysabella sa kanyang katawang-lupa. Itinulak niya si Mikael at dinampot ang sandok sa sahig. Hinarap niya ang nilulutong itlog na maitim na sa sobrang sunog.

"Sinasabi ko na nga ba, gusto mo rin ako, Ysabella..." bulong sa kanya ni Mikael.

"Tumigil ka na," mahina ngunit may diin ang pagkakasabi niya niyon.

Agad naman na umupo si Mikael sa upuan na nasa hapag. Siyang pagpasok naman ni Fernan na nakakunot ang noo.

"Nasusunog na yata ang niluluto mo..." anito sa kanya. Pagkalapit nito sa kanya ay ginawaran siya nito ng isang mabilis na halik sa labi.

Natataranta na hinango ni Ysabella ang kawali sa apoy. "Oo nga. P-pasensiya na. Magluluto na lang ako ng panibago," sagot niya.

-----***-----

"YSABELLA, aalis na kami!"

Mula sa kusina ay narinig ni Ysabella ang boses ni Fernan. Itinigil niya saglit ang paghuhugas ng kanilang pinagkainan at naghugas siya ng kamay. Ipinunas na lang niya ang kanyang basang kamay sa gilid ng suot na palda. Humahangos na pinuntahan niya ang asawa na nasa bungad ng kanilang pintuan.

Yumakap siya dito at sinabihan niya ito na mag-iingat.

"Palagi naman akong nag-iingat, Ysabella. Isa pa, kasama ko naman si Mikael. Hindi ako niyan papabayaan," nakangiting sagot ni Fernan.

Awtomatiko na napatingin si Ysabella kay Mikael na nasa baybayin na. Kalapit nito ang bangka at alam niyang pinapanood nito sila.

"Kahit na, basta doble-ingat palagi, ha?" Hinaplos pa niya ang pisngi ng asawa.

Dinama naman nito ang kamay niya na nasa pisngi nito. "Sige na. Aalis na ako. Baka wala na kaming mahuling isda kung magku-kwentuhan pa tayo dito," bahagya pa itong tumawa. "Ikaw din, Ysabella... mag-iingat ka. Ingatan mo ang sarili mo. Hindi palaging nasa tabi mo ako..."

My Husband's BrotherDonde viven las historias. Descúbrelo ahora