KABANATA 18: "Pagkikita sa Haw-an"

269 22 0
                                    



TIRIK na ang araw nang maglakbay sina Liwayway patungo sa sentro ng nayon ng Haw-an. Sila ang naatasan na kumuha ng mga kasangkapan at pagkain na dadalhin pabalik ng kuta.

Sa pagkakataong ito ay lulan sila ng isang karwaheng katamtaman lamang ang laki, na siyang kakargahan nila ng mga pangangailangan at hila-hila ito ng mga kabayo.

Tulad ng nakagawian ay mayroong iilang bandido na nagbabantay sa kanilang mga alipin. Habang tumatagal ay niluluwagan na sina Liwayway subalit hindi ibig sabihin nito ay ganap na silang pinagkatitiwalaan ng pinuno. Iba pa rin ang pakikitungo nito sa kanila.

Sa pinakadulo ng karwahe ay magkatapat na nakaupo ang magkaibigang Sampaguita at Kidlat. Katabi naman ng binata si Liwayway at halos magkadikit na silang dalawa, ilang hibla na lamang ang kanilang pagitan. 

Kapuwa sila hindi nagkikibuan ngunit paminsan-minsan ay napapasulyap sa isa't isa, na agad umiiwas. Nagkabanggaan ang kanilang mga braso nang mapadaan sila sa isang mabatong bahagi.

Maging si Sampaguita ay nakapapansin sa mga ikinikilos ng dalawa at hindi nito ikinatutuwa ang nakikita lalo na't napapalapit na ang loob ng dalawa sa isa't isa.

Nang huminto ang karwahe ay unang tumalon pababa ang kaibigan ni Kidlat. Saglit itong nagpagpag ng damit at muling nilingon ang mga kasama.  Nagsalubong ang mga kilay nito nang makitang nakababa na ang binata at nakalahad ang kamay nito kay Liwayway.

Lalo pa itong namula sa inis nang tanggapin ito ng dalaga. Marahan itong inalalayan ng binata upang makababa nang maayos.


“S-salamat,” wika ni Liwayway kasabay ng bahagyang pagyuko upang maitago ang mamula-mulang pisngi.


Isang tango lamang ang itinugon ni Kidlat at kaagad itong umiwas sa kaniya. Sinundan niya ito ng tingin at napansin iyon ni Sampaguita kaya gumawa ito ng paraan upang abalahin ang mga alipin.


“Sige, kumilos na kayo. Hindi tayo naparito upang mamasyal o tumunganga lamang,” pagtataray nito.

Napabulong si Liwayway sa sarili, “Isa pa 'tong masungit.”

Napaiwas siya ng tingin nang balingan ni Sampaguita. Nakataas ang isang kilay nito at ang mga mata'y nangingilatis. “Ano 'yang ibinubulong-bulong mo riyan? May nais ka bang sabihin?”

Kinalma niya ang sarili at sinalubong ang mapanghusga nitong tingin. “Wala naman, kausap ko lamang ang aking sarili.”

“Umayos ka. Sige na, kunin n'yo na ang mga sisidlan at nang makuha na natin ang mga pangangailangan ng pangkat.”


Bumuntonghininga na lamang si Liwayway saka lumapit sa karwahe upang kumuha ng buslo. Nang muli siyang lumingon ay nakikipag-usap na si Sampaguita kay Kidlat.

Siya ring paglingon ng binata, dahilan para magtama muli ang tingin nila. Naputol lamang ang kanilang titigan nang sitahin ni Sampaguita ang kaibigan nito.


“Nakikinig ka ba, Kidlat?”

“Ha? Ano nga ulit iyon?”

Napahilot sa sintido ang babae habang napapailing. “Hay, 'di bale na nga lang. Tara na nga at nang makauwi tayo kaagad.”

“Sige,” tipid na tugon nito.


SA paglilibot nina Liwayway sa pamilihan ng Haw-an ay nakakuha sila ng sapat na pangangailangan lalo't kilala na ang mga bandido sa mismong nayon. Dito lamang sila hindi itinuturing na kaaway at kusang ibinibigay ang mga ninanais nila kahit pa hindi sila nagbabayad ng tama.


Embracing The WindWhere stories live. Discover now