“IYON na ba ang Balintataw?”
“Oo, kaunti na lamang, Liway.”
Tanaw na nila mula sa himpapawid ang lupaing dati lamang ay pinapangarap ni Liwayway na marating. Tanda niya pa ang mga panahong pinanonood niya lamang ito mula sa malayo, subalit ngayon ay mapupuntahan niya na ito.
“Napakaganda ng lugar na ito, Alab,” anas niya rito.
Tahimik na napangiti ang binata. “Tama ka, matagal na kitang nais isama rito kaya nakapanghihinayang na sa ganitong pagkakataon pa maisasakatuparan.”
“Siyang tunay, bakit ba kasi nangyayari ang lahat ng ito?”
Napasinghap na lamang si Liwayway nang masaksihan ang mga pangyayari sa ibaba. Nagkakagulo na ang lahat, kapuwa nagkakasakitan. Nagkasira-sira na ang ilan sa punong pilak dahil sa pagwawala ng mga alamus at bumabaha ang hamog sa kalupaan.
Nanlalaki ang mga mata ng dalaga at palakas nang palakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Hindi ito ang kaniyang inaasahan. Ang nais niya lamang ay maranasan ang maging isang manlilipad.
“Huwag kang matakot, Liway, hindi kita pababayaan. Kumapit kang mabuti at talasan ang iyong paningin. Ihanda mo rin ang iyong sandata at ang iyong sarili, mapapalaban tayo.”
“Nauunawaan ko, kaibigan.” Matapos sabihin iyon ay humigpit ang kapit niya kay Alab at sa kaniyang pana. Ano man ang mangyari ay ipagtatanggol niya rin ang Balintataw.
ANG malamig na hanging sumasalubong at yumayapos sa kanila ay balewala na lamang kay Kidlat. Mas nangingibabaw ang kaniyang pangamba at pagkabalisa lalo na't unang beses niyang makatungtong sa pugad ng mga manlilipad.
Ni minsan ay hindi sumagi sa kaniyang isipan na mararating niya ang pook na ito, sa kadahilanang kalaban ang turing nila sa mga tagapangalaga. Ngayon ay heto siya, naglalakbay habang sinasalubong ang hangin at sakay pa ng isang pilakbon.
Maya-maya'y nagsalita si Bagwis, “Humanda ka, malapit na tayo.”
“Oo,” turan niya rito.
Saglit itong nag-isip bago siya tinanong, “Ano ang gagawin mo kapag nakaharap mo na ang iyong ama?”
Natigilan siya sa sinabi nito at humigpit ang kapit sa pilakbon. Inaalala niya ang kanilang pangkat, lalong-lalo na si Gilas. “Sa totoo lamang ay hindi ko alam.”
Bahagyang lumingon sa likuran ang tagapangalaga. “Natatakot ka ba sa kaniya?”
Umiling si Kidlat sabay pakawala ng buntonghininga. Wika niya, “Hindi sa ganoon ngunit ni minsan ay hindi ako sumalungat sa kagustuhan niya. Siya pa rin ang aking ama at lumaki akong tinitingala siya.”
Tumango si Bagwis saka ibinalik ang tingin sa harapan. Tugon nito, “Hindi niya batid na tinutulungan mo ang mga bihag, tama ba?”
“H-hindi, sarili kong pagpapasya iyon. Nais ko silang pakawalan nang makauwi na sa kani-kanilang pinagmulan. Ayokong may mapahamak, hindi naman ako masamang tao. Ang nais ko lamang ay mamuhay ng tahimik, malayo sa gulo ng iba't ibang nilalang.”
“Nauunawaan kita, alam kong hindi ito magiging madali para sa 'yo. Subalit isang pagkakamali ang gagawin nilang paglusob sa lahing pinagmulan niya.”
Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. “Ano ang ibig mong sabihin?”
“Malalaman mo rin mamaya.”
Naguguluhan man ay hindi na nagtanong pa si Kidlat. Itinuon na lamang niya ang atensyon sa mga tanawin sa paligid. Kasabay nito ay sumasagi sa kaniyang isipan si Liwayway, na piniling sumama sa manlilipad sa kabila ng panganib na kahaharapin nito.
BINABASA MO ANG
Embracing The Wind
Fantasy[The Wattys 2021 Winner] Handa ka na ba sa isang paglalakbay na yumayakap sa hangin? Si Liwayway ay isang ordinaryong mamamayan mula sa pamilya ng mga manggagawa. Nangangarap siya na mapabilang sa mga itinuturing na tagapangalaga o lahi ng manlilip...