KABANATA 33: "Pamamaalam" (WAKAS)

1.4K 54 0
                                    

Aye yoh, mga manlilipad! Heto na nga, ito na ang huling kabanata ng ETW! Paniguradong ma-mi-miss ko ang lahat ng mga tauhan nito. Nawa ay magustuhan ninyo ang pagwawakas ng kanilang naiibang kuwento...

ISANG panibagong umaga muli ang sumisibol sa tuktok ng Balintataw, sumasakop sa paligid ang lamig ng klima na humahalo sa hamog. Hindi pa man sumisikat ang araw ay pagala-gala na sa paligid ang ilan sa mga manlilipad upang simulan ang pang-araw-araw na gawain.

Ang mga babae ang madalas na naiiwan sa bahay upang asikasuhin ang iba't ibang bagay. Ang mga lalake ang madalas na umaalis upang gampanan ang pagiging tagapangalaga ng mga pilakbon at tagabantay ng buong Balintataw. Magkatuwang naman ang lahat sa paghahanap at pag-iimbak ng mga pagkain.

Sa tahanan ng mag-asawang pinuno ay pansamantalang nakikituloy ang tatlo sa mga panauhin mula sa kapatagan upang magpagaling at nang makabawi sila ng lakas. Iyon ay ang mangangasong si Makisig, ang manggagawang si Liwayway at ang bandidong si Kidlat.

Nitong huli lamang, pagkatapos ng kaguluhan sa lupain ng mga manlilipad na ikinasawi ng marami, nalaman ni Kidlat ang tungkol sa tunay na pagkatao ng kaniyang ama. Sa pagkakataong iyon ay nagawa niya ring maintindihan ang lahat at labis niyang ikinalungkot ang kasawian nito sa buhay.

Sa kabila ng lahat ay ipinagdasal niya na sana ay magkaroon na ito ng katahimikan sa kabilang buhay, kasama ng kaniyang butihing ina.

Nakilala niya rin ang lahing kaniyang pinagmulan at napag-alaman na kamag-anak niya ang pamilya ni Bagwis. Ang ina nito ay ang nakatatandang kapatid ng kaniyang amang si Gilas, subalit matagal na rin itong namayapa.

Nakatakip man ang kanang braso sa mga mata, pasimpleng sumilip sa pinto si Kidlat nang maulinigan ang mahinang tunog ng pagbukas at muling pagsara nito.

Hindi na makatulog ang binata kaya bumangon siya at iniligpit ang kaniyang tinulugan. Nang tingnan niya sa sahig si Makisig ay himbing na himbing pa rin ito habang balot na balot sa kumot. Hindi na nakapagtataka sapagkat napakalamig ng lugar na ito.

Lumiliwanag na ang kalangitan at ang matitinis na huning gawa ng mga pilakbon ay umaalingawngaw sa makailang beses na tila ba ginigising ang mga mamamayan. Isinuot ng binata ang kaniyang balabal saka lumabas sa bahay.

Sinasalubong ni Kidlat ang lamyos ng hangin habang tinatahak ang daan patungo kay Liwayway. Huminto siya nang ilang metro na lamang ang layo niya sa punong pilak kung saan malapit na nakaupo ang dalaga. Tulala lamang ito at malayo ang tingin kaya bumuntonghininga siya.


"Nandito ka lang pala," pagpaparamdam niya rito saka umupo sa tabi nito.

Saglit siyang tinapunan ng tingin ni Liwayway bago ibinalik ang atensyon sa kaakit-akit na kalikasan. "Napakaganda ng tanawin, hindi ba?"

"Tama ka, wala itong katulad. Ganito pala ang nasasaksihan nila sa bawat araw ng pananatili nila rito. Ngayo'y mas naiintindihan ko na."

"Siyang tunay. Alam mo ba, mula noong bata pa ako ay pinapangarap ko nang marating ang lugar na ito? Ngunit iniisip ko pa lang ay mahirap na, kaya hanggang ngayon ay halos hindi pa rin ako makapaniwalang nakaaapak na ako sa Balintataw."

"Ako naman, lumaking kinamumuhian ang mga nakatira dito sapagkat ibang paniniwala ang iminulat sa akin ng aming pangkat. Hindi sumagi sa isipan ko na makapupunta ako sa malayong pook na ito. Ngunit heto ako ngayon, nakikituloy pa sa mga taong kinasuklaman ni ama."

Embracing The WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon