MADILIM pa ang kalangitan ngunit nabulabog ang ilan sa mga bandido na magdamagang nagbabantay sa kuta dahil sa naulinigang tunog ng naglalakihang nilalang na nanggagaling sa himpapawid.
Maging ang tatlong alamus na naiwan at mahimbing na sanang natutulog ay naalimpungatan dahil sa matitinis na tunog.
Sa kakaibang ihip ng hangin ay naggalawan ang mga sanga at dahon ng puno sa paligid. Ito ay isang banta mula sa mga nilalang na kinasusuklaman ng mga bandido at siyang mortal nilang kaaway.
“Lagot na. Gisingin ninyo ang iba, sinasalakay tayo ng mga pilakbon!”
Nagkandarapa sa pagkilos ang mga bandidong natitira sa kuta. Kanya-kanya na sila sa pagdampot ng mga matatalim nilang itak at pumuwesto sa labas upang salubungin ang mga kaaway.
Naalarma na rin ang mga alamus sa kaganapan at nagsimula nang magpakawala ng malalakas na ungol. Ang kakaibang amoy ng mga pilakbon ay tila nanghihikayat sa kanila upang sunggaban ang mga ito.
Ang bawat katas ng dugo nitong kulay pilak ay mayroong kakayahan na palakasin sila ng higit pa sa mga dambuhalang ibon. Ang kapangyarihang taglay nito hindi nila matatagpuan sa kahit ano mang nilalang sa malayah.
Sa isang kisapmata ay pabagsak nang lumipad ang mga pilakbon na pinupuntirya ang sentro ng kuta. Bago pa sila tumama sa lupa ay kontrolado na nila ang bawat galaw at agad na umiba ng direksyon.
Sa puntong ito ay nagsitalunan ang mga nakaangkas na mangangaso, bitbit ang kanilang mga sibat, kabilang na si Makisig. Gumulong siya sa lupa saka muling tumayo at nagpalinga-linga sa paligid.
Namataan niya ang iilang bandido sa paligid kaya humigpit ang kapit niya sa nanlalamig na sandata.
“Wala nang atrasan ito!”
Sinalubong niya ang naghihimagsik na kalaban at nagsalpukan ang kanilang mga sandata. Naging maingat ang binata sa kaniyang mga ikinikilos sapagkat batid niyang bihasa sa labanan ang kaharap niya.
Mahuhusay sila at maliliksi kung gumalaw, subalit isa siyang mangangaso na sinanay rin para sa ganitong pagkakataon. Kaya ano man ang mangyari ay magagawa nilang makipagsabayan sa mga ito.
Kung sa lupa ay nilalabanan ng mga mangangaso ang mismong mga bandido, mula naman sa ere ay pinupuntirya ng mga manlilipad ang mga alamus.
Gamit ang kanilang mga pana't palaso ay tahasan nilang inaasinta ang naglalakihang mga halimaw. Ngunit hindi ito nagiging madali sapagkat kailangan nilang umayon sa paglipad ng kanilang mga alaga.
Palipat-lipat sila ng puwesto habang sinasalubong ang hangin at umiiwas sa isa't isa upang hindi magsalpukan. Maya-maya rin silang napapakapit sa mga balahibo at yumuyuko upang hindi malaglag. Kapag may pagkakataon ay pumupuwesto muli sila upang asintahin ang mga kalaban.
Hindi maaaring babaan nang husto ang pagsisid ng mga pilakbon sapagkat malalagay sila sa panganib. Maaari silang mahablot ng nagngangalit na mga halimaw.
Minamatyagang mabuti ni Alab ang ilang naglalaban at ang isa sa mga alamus na inaatake nina Bagwis. Nang muling bumulusok paibaba si Pilak ay huminga siya nang malalim saka itinutok ang kaniyang sandata.
Halos pigil ang hininga at lalong tumitingkad ang kaniyang mga mata habang nakapako ang tingin sa tinutudla. Pinakawalan niya ang palaso at hindi nga siya nabigo. Umungol lalo ang halimaw dahil sa tama nito mula sa mga nakapaligid na manlilipad.
Bahagyang napangiti si Alab ngunit kaagad rin itong napawi nang siya ay lumingon sa kanan. Hindi niya inaasahan ang pagtalon ng isa pang alamus kaya nahablot ang kaniyang pilakbon.
BINABASA MO ANG
Embracing The Wind
Fantasy[The Wattys 2021 Winner] Handa ka na ba sa isang paglalakbay na yumayakap sa hangin? Si Liwayway ay isang ordinaryong mamamayan mula sa pamilya ng mga manggagawa. Nangangarap siya na mapabilang sa mga itinuturing na tagapangalaga o lahi ng manlilip...