Chapter 1: Eskwela

4.7K 14 2
                                    

...

"Hulyooooo!!! Bumangon ka na dyan! Wala ka bang balak pumasok sa eskwela?"

Agad napabalikwas ang binata sa pagkakahiga ng maalimpungatan sa tinig ng kanyang ina.

"Bunganga talaga ni inay oh." maktol nya ng pupungas pungas nyang kunin ang tuwalya sabay baba sa hagdan papunta sa kubeta.

Naabutan nya ang nanay nya sa bungad ng hagdan. Mukhang inaantabayan sya kung bababa.

"Ano ka bang bata ka? Wala ka ba talagang pangarap na makatapos ng high school?" pagalit na tanong ng kanyang ina habang naka pamewang pa.

"Eto na nga po, liligo na." padabog dabog nyang yabag sa kahoy na hagdan.

Lunes na naman. Umpisa na naman ng araw para sa estudyanteng kagaya nya.

Bakit kailangan pumasok? Bakit ba kailangan mag-aral? Isip-isip nya habang nag uumpisang maligo.

Dali dali syang nagsabon dahil alam nyang tanghali na. Ilang buhos lamang nya ng tubig para banlawan ang kanyang katawan ay agad syang umahon sabay toothbrush. Hindi pa nya naubos ang isang timba ng tubig na inigib nya kagabi.

Dagli siyang umakyat at isinuot ang uniporme. Puting polo na naninilaw na sa kalumaan at isang nisnis na pantalon na slacks na kulay itim. Saglit na humarap sa salamin. Ang maikling buhok ay hinagod ng kaunti at hindi na nakuha pang suklayin. Hinagilap ang bag at agad isinukbit sa kanang balikat sabay muling bumaba ng hagdan. Nakita ang ina sa kusina na nagliligpit.

"Nay, pengeng baon."

"Baon? Ibaon kaya kita sa lupa. Alam mo naman wala tayong pera. Kung nakatapos ka ba naman kaagad ng pag aaral eh di sana katulong ka na ng iyong ama sa pagtatrabaho. Uuwi ka naman ng tanghalian kaya wag ka na mag baon." asik ng ina nya.

"Paano kung may contribution nay? Halimbawa may namatayan tapos nahingi ng abuloy. Ano ibibigay ko?" kontra nya.

"Bakit? Sapilitan na ba ang abuloy ngayon?" sagot naman ng ina.

"Wag na nga lang, ang dami nyo naman sinasabi." sabay ikot nya at agad lumakad papalayo sa ina ng makaramdam siya ng lagutok sa likod ng ulo.

"Aray!" kita niya ang basong plastic na ibinato ng kanyang ina na gumulong gulong pa sa lupa.

"Kailan ka pa natutong sumasagot sagot ha." sermon nito.

"Oh siya eto ang baon oh, bilis at baka magbago pa ang isip ko."

"Talaga nay!"

Mabilis siyang tumakbo papunta sa ina at agad inihain ang kanang palad, at binigay ng kanyang ina ang barya.

"Sampung piso? Anong mabibi...."hindi na siya nakatapos ng pagsasalita ng muling dukdukin ng kanyang ina ang kanyang noo ng isa pa uling plastic na baso.

"Ayaw mo ba? Akin na uli." sabi ng kayang ina.

"Pwera bawi nay, pwede na din to. Sige nay pasok na ako," paalam nya at agad tumalikod. Napatigil muli at napaharap sa ina ng marinig itong magsalita muli.

"Oy, Hulyo, dadaan ka naman kina Inang Censia diba? Mamayang tanghali pag uwi mo ay umutang ka ng dalawang kilong bigas at dalawang sardinas. Pasensya na kamo at babayaran na lang sa susunod." bilin nito sa kanya.

Lumabas siya ng bahay at inumpisahan tahakin ang paaralan. Malapit lang sa bahay nila ang eskwelahan kaya kahit tanghali ay pwede siyang umuwi.

Sa pagbaybay niya sa kalsada ay sumagi sa isip niya ang hirap ng buhay na dinaranas nila. Gumugulo pa rin sa isip niya kung bakit sa mahirap na pamilya pa siya ipinanganak at hindi sa isang mayaman.

July  [R-18]Kde žijí příběhy. Začni objevovat