Pakikipag-isang Dibdib
Tahimik na pinagmamasdan ni Agnes ang malalakas at malalaking hampas ng alon, malamlam ang kanyang mga mata nang pasadahan niya ng tingin ang madilim na kalangitan. Wala man lang kahit isang butuin ang makikita, malakas ang ulan at kabi-kabilaan ang pagsulpot ng nakakasilaw na kidlat. Bahagya pang nangilabot ang kanyang katawan nang dumagundong ang tunog ng kulog.
Sandali pa niyang pinagmasdan ang agresibong karagatan bago niya isinara ang bintana na gawa sa kahoy. Nagtungo siya sa kusina kung nasaan si Nanay Nita na abala sa pagtitimpla ng kape. Nakangiting inilapag nito sa ibabaw ng maliit na mesa ang tasa na may lamang kape at inaya siyang umupo sa upuan. Nahihiya man ay tinanggap nalang niya ang inaalok nito.
Tatlong araw na ang nakakalipas nang magtangka siyang magpakamatay sa dagat, at sa tatlong araw na nagdaan ay hindi pa niya nakikita ang sirenang lalaki na hinalikan niya sa hindi malamang dahilan.
Biglang dumating si Nanay Nita na nakakita sa tagpo nila ng sireno ng gabing iyon kaya agad na lumangoy palayo ang sireno. At siya naman ay dinala ng matanda sa bahay nito at kinupkop siya, pero panandalian lang. Tiyak na wala na siyang babalikang bahay dahil sa ginawa niya kay Brianna.
"Iha, nag-aalala kaba sa sireno na kaibigan mo?" bigla'y tanong sa kanya ng matanda.
"Opo, nag-aalala ako na baka maapektuhan ang mga sirena na nasa ilalim ng dagat dahil sa lakas ng bagyo."
"Huwag kang mag-alala, tahanan nila ang karagatan at ilang beses nang may dumaang bagyo sa bayan natin kaya makakaya nilang mabuhay." nakangiting sabi nito.
Kahit papaano ay gumaan ang kanyang loob dahil sa sinabi nito. Kaagad niyang pinaniwalaan ang matanda dahil marami talaga itong kaalaman patungkol sa mga nilalang na nasa dagat. Sa katunayan ay ito ang matandang babae na asawa ng lalaki na nakausap niya, ito ang asawa ng mangingisda na nagsabi sa kanya na marunong umintindi sa lenggwahe ng mga manetees o dugong. At sa loob lang ng tatlong araw ay marami na kaagad siyang natutunan mula sa matanda na maaari niyang magamit para magka-intindihan sila ng sireno.
Mababalaan niya narin ang sireno na iyon.
"Iha, may nais sana akong sabihin sayo."
"Ano po iyon, Nanay Nita?"
"Humihingi na agad ako sayo ng paumanhin pero sa aking palagay ay hindi ka na maaaring tumagal sa lugar na ito." ani nito na nakapagpatigil sa kanya.
Alam na niya ang bagay na iyon pero hindi niya maiwasang kabahan para sa sarili niya at maging sa mag-asawa. Nalaman kasi ng pamilyang Acosta na nakikitira siya sa mag-asawang ito, at nais ng matapobreng pamilya na iyon na paalisin siya ng mag-asawa. Malamlam ang mga matang nagpakawala siya ng malalim na hininga. Saan kaya siya pupulutin ngayon?
"Pasensya kana, iha."
"A-ayos lang po iyon, Nanay. Hindi niyo naman kailangang humingi ng paumanhin sakin."
"Bukas po ay aalis na ako rito, mukha namang aalis na ang bagyo sa lugar natin." dagdag pa niya.
"May mapupuntahan kaba?" nag-aalalang tanong nito na hindi niya agad nasagot.
"Sa ngayon po ay wala pa. Kung sakaling hindi ako makahanap ng matitirahan dito sa bayan, kailangan kong isugal ang sarili ko na umalis sa bayang ito."
"Iha, paano ang sireno?" muli siyang natigilan dahil sa tanong nito.
Paano na nga ba ang sireno na nakilala niya?
"H-hindi ko naman po siya kaano-ano, kaya hindi ko na po siya kailangan pang intindihin." sagot niya.
Hindi niya alam sa sarili niya kung bakit kumirot ang kanyang puso nang bitawan niya ang mga ganoong salita, animo'y labag sa loob niya ang mga ganoong salita. Kung sa bagay, sa maikling panahon palang ay masasabi niyang napalapit na sa kanya ang sireno na iyon. Idagdag pa na naakit siya sa magagandang mga mata nito, sa kaakit-akit na labi, sa maskuladong katawan at sa kumikislap na buntot nito. Napa-iling na lamang siya dahil sa mga naiisip niya.

YOU ARE READING
Babysitting The Merman
FantasyIsa lamang simpleng babae si Agnes na nakatira sa maliit na bahay sa tabing dagat at nagtatrabaho bilang katulong sa mansion ng matapobreng si Binibining Acosta at pamilya nito. Nagmumuni-muni siya sa may dalampasigan nang makarinig ng kakaibang hun...