Bes, hindi ako baliw

67 5 0
                                    



Hello readers and hi admins, ako nanaman 'to si Kira. Thankyou for posting this story. Ang kwentong ibabahagi ko po ngayon ay kwento ng aking matalik na kaibigan. Itago nalang natin siya sa pangalang Yumi, isa syang half Filipina half Japanese.Warning: medyo mahaba po ito.Nakilala ko si Yumi taong 2009, kaklase ko sya sa ikatlong baitang sa elementarya. Palaaway sya noon, tanda ko pa nang itulak nya ako sa balikat dahil pinagbintangan nya'kong naiwala ko ang isa sa kanyang mga gamit. Halos lahat kaming kaklase ni Yumi ay nakaalitan nya. Sya yung taong labis kong kinaiinisan sa klaseng yun, dahil nga salbahe sya at mahilig pang mang-asar. Ngunit tila nagbago ang ihip ng hangin nang kami ay tumungtong sa ikaapat na baitang, unti-unti akong napalapit sakanya at kami'y naging matalik na magkaibigan. Doon ko nakita ang kanyang kabaitan at pagiging masiyahin. Marami akong nalaman sakanya, galing si Yumi sa broken-family, mula ng magkaisip sya ay wala na syang ibang kinamulatan kundi pag-aaway ng mga magulang hanggang maghiwalay ang mga ito. At madalas din sya pag-initan ng ulo ng sariling ina. Naging mabait sa akin si Yumi, nagkakasundo kami sa maraming bagay, kahit na magkaibang-magkaiba kami ng personalidad. Sa madaling salita, extrovert si Yumi, at ang bestfriend nya ay isang introvert. Ngunit kahit na ganoon ay nagtutugma ang ilan sa aming mga hilig, gaya ng pareho kaming interesado sa kababalaghan. Madalas nya akong kwentuhan ng mga nakakatakot, isa na dito ang tungkol sa babaeng nagpapakita sakanya. Nakasuot ito ng puting bestida, mahaba ang buhok ngunit walang mukha, hindi sa puntong natatabunan lang ito ng buhok, kundi literal na balat lamang ang parteng mukha ng babae. Ang sabi nya sa akin ay maswerte sya sapagkat hindi pinakikita ng babae ang mukha nito, dahil kapag daw makita nya iyun, kukunin sya ng babae. Sa pagtungtong ng ikapitong baitang sa sekundarya ay naging kaklase ko parin si Yumi. At dito na nagsimula ang kanyang kalbaryo. Hindi man kami sabay na nagpatala at hindi ko rin sya nakita sa unang araw ng pasukan ay nakasisiguro akong magkaklase kami dahil nakalista ang pangalan nya sa papel na nakapaskil sa bawat pinto ng silid ng kinabibilangan naming pangkat. "M" ang initial ng kanyang apilyedo at ako naman ay "P" kaya walang mapagsidlan ang aking tuwa nang makita kong magkasunod kami sa listahan.Ngunit gaya nga ng nasabi ko, hindi sya nagpakita sa unang araw ng pasukan, sa ikalawa, o ikatlo. Hanggang lumipas pa ang tatlong buwan, walang Yumi ang pumasok. Nakiusap ako sa guro na huwag syang tanggalin sa listahan dahil tiyak akong papasok parin sya, alam kong may malalim na dahilan ang kaibigan ko.Hanggang isang araw, nagulat ang lahat nang may ipakilala sa amin si Bb. Abby, ang aming guro. Pumasok sya sa silid at dinala sa unahan ang batang kasama niya. "Class! I would like you to meet your new classmate" Tinignan sya ng buong klase. Tuwid ang maitim at makintab niyang buhok na hanggang leeg ang haba, nakasuot siya ng mahabang paldang uniporme, at naninilaw na blusa. Mangiyak-ngiyak ako nang makita kong sya yun. Pumasok na si Yumi. Pumasok na ang kaibigan ko. Tumigin sya sa akin at ngumiti. Ngunit may kakaiba roon. Hindi ito ang ngiting nakasanayan kong makita sakanya, yung ngiting kasamang sumisingkit ang kanyang mga mata. Ngayon ay iba, malungkot ito. Matamlay. At waring takot. Tinanggap parin sya ng eskwelahan kahit huli na, dahil nalaman naming lahat na nagkasakit at naospital sya sa loob ng tatlong buwan na yun. Naging normal naman ulit ang aming pagsasama gaya nang elementarya pa kami. Tawanan, kwentuhan, asaran, sabay sa pag-memeryenda, at pati narin ang hindi maaalis na tampuhan. Masaya ako na nakahabol din sya sa klase at nakuha pang mag-top 9. Aaminin kong kasali rin ako sa top 10 ng klase ngunit pambihira ang kaibigan ko na makahabol ng ganoon. Hanggang isang hapon ng bakanteng oras, may sinabi sya sa akin na labis ko namang ikinagulat. Lumingon muna sya sa paligid upang matiyak na walang ibang makaririnig. Abala ang aming mga kaklase sa paghahabulan, ang iba ay nasa labas at may mga abala rin sa paggamit ng kanilang cellphone. " Bes, hindi totoong naospital ako ng 3 months" wika niya na parang naiiyak at panay lingon pa sa paligid. Naguguluhan man ay tinanong ko sya kung ano ba talaga ang nangyare."Pinadala ako nila mama sa mental. Pero bes, hindi ako baliw. Pinahirapan nila ako" nagsimula na syang umiyak sa harapan ko. Pinahirapan nila? Sinong sila? Mental? Nanggaling sya sa mental? Pero bakit? Anong dahilan? Anong nangyare? Nagbibiro lang ba sya? Sana nga isa lamang yung biro. Sunod-sunod ang mga naging katanungan sa aking isip, ngunit wala ni-isang salita ang lumabas sa bibig ko. Hindi ako nakaimik. Nakaramdam ako ng takot. "Bes sa totoo lang, hindi ko alam ang nangyare bago ako mapasok dun. Wala akong matandaan. Nagulat nalang ako isang araw paggising ko na nasa mental na ako" aniya.Nagpatuloy si Yumi sa pagkwento habang ako ay tahimik na nakikinig. Naiiyak narin ako ng mga oras na yun at salo-salong emosyon ang naramdaman ko. Ayon sakanya, hindi nya lang maalala ang nangyare bago sya mapa-mental pero ang buhay nya sa loob ng mental ay hindi nya nalilimutan. At sa loob ng tatlong buwan, tila impyerno sa loob ng silid. Ikinukulong sila sa mga kwarto at pinalalabas lamang kapag maliligo. May araw na pinalalabas sila upang magpahangin o maglaro sa parang isang field sa loob lamang din ng mental hospital. Ginupitan sila ng pare-parehas, hangang leeg ang haba. Pare-pareho din sila ng kasuotan na may color-coding bawat araw. Tila lalong mababaliw siya sa lugar na iyun lalo pa na ang mga nakasasalamuha nya ay pawang wala sa mga sarili. May mga umiiyak nalamang bigla at pagdakay biglang tatawa. May biglang mag-aaway sa harapan nya at pagkatapos ay sabay na babaling ang tingin sa kanya, at guguhit sa kanilang mga mukha ang nakakikilabot na ngiti. Minsan magigising nalamang sya sa hatinggabi dahil sa mga ingay sa paligid, may nagsisigawan, nag-iiyakan, palahaw ng mga bata at mga sigaw ng mga babaeng tila ginagahasa at dumadaing sa sakit. Mga ingay na bumabalot sa apat sulok ng silid, kahit wala naman talagang lumilikha ng ingay dahil tulog na ang mga kasama niya sa kwarto. Tatakpan nalamang niya ang kanyang tainga at magdadasal hanggang tumahimik ang paligid.Idagdag mo pa ang sapilitang pagpapainom sakanila ng gamot ng mga doktor doon at pagtuturok ng kung ano ano sakanilang katawan. Ang nakakatakot pa doon ay tila pinag-ekspirementuhan ang kaibigan ko, dahil minsan ay dinala siya sa isang silid nang walang anumang saplot. Itinali ang kanyang mga paa at kamay at may ipinasok sa kanyang kaselanan. Tila isang maliit na tube. Araw-gabi siyang nagdadasal na sana ay makalabas na sa impyernong lugar na yun. Nang ilabas sya doon ng kanyang pamilya ay sinubukan niyang mamuhay muli ng normal. At itinuring na mapait na alaala nalang ang kahapon. Mahirap ngunit kinaya niya. At yun na nga ang pagkakataong nakabalik sya sa eskwela. Subalit talagang mapaglaro ang tadhana. Dalawang linggo nalamang at bakasyon na. Abala kami sa pagpapasa ng mga papel at proyekto dahil patapos na ang klase. Bigla nalamang nawala si Yumi at hindi na muling pumasok. Ang sabi ng kanyang ate na kumausap sa guro at sa amin. Dinala na daw nila si Yumi sa maynila, at doon na sya maninirahan kasama ang kanyang ina. Bakit biglaan? Bakit ngayon pa na matatapos na ang klase? Nakapagtataka. Nalungkot ako ng sobra. Masakit. Lalo pa at wala akong magawa, trese anyos palamang ako noon, walang cellphone na maaaring ipang-contact sakanya. Wala akong kakayahang mag-imbestiga sa totoong nangyare. Wala akong lakas para kwestyunin ang pamilya ni Yumi. Hindi ko alam ang kanilang tirahan, malayo ito sa amin. Isang bagay lang ang natiyak ko noon, wala akong kwentang kaibigan.Hanggang lumipas na ang mga taon at tuluyan na akong nawalan ng contact sakanya. Taong 2017 buwan ng Nobyembre, G11 ako noon nang makatanggap ako ng balita, hindi ko na ipaliliwanag kung paano ko natanggap ngunit napag-alaman kong si Yumi ay natagpuang mag-isa sa terminal ng bus sa Maynila. Ayon sa mga pulis na nagbalita, napansin nilang kakaiba ang mga kilos nito at tila nawawala. Nang kausapin ay hindi sumasagot ng maayos. Nagsasalita umano si Yumi ngunit iba-iba ang sinasabi, bahagyang ngingiti sabay may ituturo sa kung saan. Medyo nakahinga ako ng maluwag nang malaman ko rin naman na naihatid na sya ng awtoridad pabalik sa kanyang ina. Nung gabing yun iyak lang ako ng iyak. Sobra akong naawa kay Yumi. Naguguhan ako, baliw na ba talaga ang kaibigan ko?Kinabukasan hindi ako pumasok, nagpasama ako kay mama na hanapin ang bahay ng ama ni Yumi na si Mr. Hiruki, dito kase sya nanirahan bago pa mangyare ang lahat dahil ito nga sana ang magpaparal sakanya sa sekundarya. Nagtanong-tanong kami hanggang mahanap namin ito. Wala roon si Mr. Hiruki, tanging ang bagong asawa lamang nito na si Mrs. Gemma at ang ibang kamag-anakan ang naroon. Pinatuloy nya kami ni mama sa kanilang bakuran ngunit hindi pinapasok sa loob ng bahay. Nagpakilala ako at bahagyang nagulat nang sabihin na kilala nila ako kahit na iyun ang unang beses na nakita ko sila dahil malimit pala akong ikwento ni Yumi sa mga ito. Alam nila ang pakay ko kung bakit ako naroon, dahil nabalitaan rin nila ang nangyare kay Yumi sa terminal. Doon ako nagtanong kung ano ba talagang nangyayare sa kaibigan ko. Anila, bago pa nila dalhin si Yumi sa mental, ay nakakikilabot ang mga ikinilos nito na hindi naman sa akin binanggit ng bestfriend ko nang magkwento sya dahil nga hindi nya rin talaga alam kung anong nangyare. Non-verbatim: " Si Yumi... kung nandito ka ay hindi mo rin gugustuhin na makita sya. Lagi syang bumubulong sa sulok na parang may kausap. Ayaw nya kumain at hindi natutulog. Minsan mawawala sya at makikita nalang namin sa ilalim ng kama, kapag tinanong namin kung bakit sya naroon, ilalagay niya ang kanyang hintuturo sa kanyang labi at ilong, at sumisenyas na wag mag-ingay dahil may tinataguan daw sya. " salaysay ni Gemma. "Nang natutulog kami ng papa nya, napasigaw ako nang makita ko syang nakaupo sa paanan namin. Nakatitig lang sya sa amin at walang kibo. Nang tanungin ko kung bakit sya nandoon ay bigla nalang syang sumiksik sa ilalim ng kumot namin at tila takot na takot" dagdag pa nito"Hindi na namin alam ang aming gagawin kaya sinabi namin yan sa nanay nya. Nang una ay ayaw nya maniwala pero kalaunan ay sya na mismo ang nagsabi na dalhin na naming mental si Yumi. Nakakatakot dahil baka kung ano pa ang gawin nya, itinatago namin lahat ng kutsilyo dito sa bahay dahil ilang beses na namin syang nahuli na hawak ito, o kaya naman ay hinahasa nya kasabay ng mga bulong na hindi namin maintindihan" "Hindi nyo ho ba sya pinakunsulta man lang sa doktor?" hindi nakatiis na tanong ni mama kay Aling Gemma. Hindi ito nakasagot. At biglang iniba ang usapan. "Napakabata pa ni Yumi para masiraan ng ulo. Sayang sya" ang sabi nito. "Pero matino po si Yumi, ako ang lagi nyang kasama noon at ni minsan ay hindi ko napansin yun sakanya" singit ko at bigla nalamang akong umiyak. Ganito ako lagi kapag may gustong sabihin, umiiyak na parang duwag. "Kira, ang lahat ng tao ay nagbabago. At hindi mo malalaman ang tunay na pag uugali nito kung hindi ka titirang kasama nya. Nagrerebelde si Yumi dahil gusto nyang magkabalikan ang magulang nya, yun ang hindi pwede dahil ako ang mahal ni Hiruki at hindi ang ina ni Yumi" sa pagkatataong ito ay nag-iba na ang tono ng boses ni Aling Gemma Napakapit nalang ako ng mahigpit kay mama. Marami pa sana akong gustong itanong kasama na ang bagay na kung bakit hindi manlang nila pinaalbularyo si Yumi. Ngunit pansin kong matalim ang titig sa akin ng kanyang lola, nakaramdam din ako ng takot at kakaibang pakiramdam sa lugar nila. Nagpaalam na kaming aalis at nagbiling ikamusta ako sa aking kaibigan. Sa pagkakataong yun ay wala nanaman akong nagawa. Ang bigat sa dibdib. Ramdam ko hanggang ngayon. Nitong nakaraang taon lamang 2019, August 1, alas otso ng gabi. Kaarawan ko. Nagulat ako nang makita ko si Yumi sa pinto. Sinampal ko pa ang pisngi ko dahil akala ko'y namamalikmata o nananaginip lamang ako. Pero totoo. Nandun si Yumi. May hawak syang isang slice ng cake na nakalagay sa plastik. Inabot nya ito sa akin at yumuko. Walang salitang pagbati ngunit alam kong alam nya na bday ko. Hindi na ako nag-aksaya ng oras at niyakap ko sya ng mahigpit. Humagulhol ako pero ramdam kong hindi sya yumakap sa akin pabalik. Hinila ko sya papasok sa bahay at nakita sya ni mama. Sunod-sunod ang mga tanong namin sakanya"Kumusta kana?""Ano bang nangyayare sayo bata ka""Yumi, ok kalang ba? Sinong kasama mong pumunta dito?""Ano ba nangyayare sayo sa mga nabalitaan ko? Kelangan ko malaman Yumi mahal kita nag-aalala ako"Pero wala kaming narinig na sagot. Nakatayo lang sya, nabuka ang bibig nya at parang nabulong. Malikot ang kanyang mga mata, palipat-lipat ito ng tingin sa paligid, bahagya syang nangiti pagkatapos ay lilingon sa likod sabay tuturo sa labas at yuyuko. Nanlumo ako at natulala. Sa unang pagkakataon ay nakita ko ang kaibigan ko na wala sa kanyang sarili. Hindi ako makakibo. Bumalik lang ako sa kamalayan nang tapikin ako ni mama at sinabing hindi nya daw mapigil na umalis si Yumi. Tumayo ako at nagmadaling lumabas para sundan sya, ni hindi ko na alam kung magkapares pa bang tsenelas ang nasuot ko sa pagmamadali. Hinabol ko sya. Dalawang metro ang layo nya sa akin at hindi muna ako lumapit, sinusundan ko sya at pinagmamasdan habang naglalakad. Hindi sya nakatayo ng derecho, bahagyang nakakuba ang likuran, panay kamot nya sa ulo. Huminga ako ng malalim sabay tumakbo at hinawakan sya sa kamay. Laking laki ang mata nya sa gulat, tipong nakakita ng multo o halimaw, pero bigla syang napangiti nang makita ako at tila nahiya. "Ihahatid na kita" sabi ko sakanya. Pero tinulak nya ako at nabitawan ko ang kamay nya, nagsalita sya "bes...umu-umuwi kana, kaya-kaya ko..kaya ko sa-sarili ko" putol-putol nyang sambit, ang mga mata nya ay hindi nakatingin sa akin, malikot ito at balisa. Nagpatuloy sya sa paglalakad at muli kong sinundan pero itinataboy nya ako pauwi. "Yumi.." umiiyak kong tawag sakanya habang sinasabayan syang maglakad. Pinagtinginan kami ng ilang mga tao sa kalye. Pinunasan ko ang luha ko at muli ay kinausap ko sya. Sinubukan kong pasiglahin ang boses ko. "Yumi mag-usap naman tayo. Bestfriend mo ako pwede moko pagsabihan ng mga problema mo. Makikinig ako. Nandito lang ako para sayo Yumi" patuloy sya sa paglakad na tila walang naririnig. Nagsasalita sya, pero ni isa ay hindi ko naintindihan. Hanggang sa napatigil ako nang sabihin nya ng malakas ang salitang "UMUWI KANA". Hindi nya ito boses ngunit sya ang nagsalita, natitiyak ko. Napahinto ako at hinayaan syang makalakad papalayo. Malaking palaisipan para sa akin ang nangyare kay Yumi. Totoo kayang nabaliw sya? O may kababalaghang lumukob sakanya. Depresyon ang isang bagay na nakikita kong dahilan, noon ay madalas nyang banggitin sa akin na hindi nya ramdam ang pagmamahal ng kanyang pamilya. Bukod pa rito, minamaltrato sya ng kanyang kaanak sa father's side. P. S: sa ngayon ay maayos na po ang lagay ni Yumi, mayroon na kaming contact sa isa't-isa. Namamasukan sya bilang kasambahay sa Maynila. Hindi ko na inuungkat pa sakanya ang kanyang nakaraan dahil ayaw nya ito pag-usapan. Ang mahalaga ngayon ay normal na sya ulit. Nagkakausap rin kami through phone call at nagbalik na ang dating Yumi na nakilala ko. Yung madaldal, at kada kwento ay may kasamang tawa. At masaya na sya sa lovelife nya ngayon. Malimit lang kami mag-usap through chat dahil busy narin ako as working student at mas nabusy ngayong ecq dahil sa online class. At sana ay hindi na maulit pa sakanya ang karanasan nyang iyon. Sana. Ang magagawa ko nalang sa ngayon ay ipagdasal sya. Ito yung isa sa pinakamasakit na tagpo, yung wala akong nagawa para tulungan sya. I'm such a piece of crap. Walang pakinabang kumbaga. I hope na hindi kayo magkaroon ng kaibigang kagaya ko. Just take on Yumi's experienced as a lesson, na wag mong hayaang lamunin ka ng depresyon hanggang mawala ka sa katinuan. Have faith in God. Have courage. You are loved.

-KIRA (the useless)

Scary Stories (Unedited)Where stories live. Discover now