12

41 1 0
                                    


"Any questions about our topic?"

"None, Miss."

"Alright! Then prepared for our oral quiz tomorrow. Class dismissed!" 

LUNES ang araw ngayon at katatapos lang ng lecture namin sa Theology kung saan huling period namin sa umaga. Katulad ng iba kong kaklase ay agad na akong tumayo sa upuan ko at isinukbit ang bag para lumabas. Kanina pa ako nagugutom kaya halos sinindihan ang puwet ko sa bilis na lumabas ng room namin patungo sa canteen. 

At dahil nga tanghali na ngayon ay bumungad agad sa akin ang napakaraming nakatambay na estudyante sa canteen nang tuluyan akong makarating doon. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at agad na akong dumiretso sa pwesto ni Aling Naring para bumili ng ulam. Agad na napakunot ang noo ko nang makita na wala atang presensya ni Aling Naring doon.

"Wala si Lola ngayon, masama ang pakiramdam niya kaya ako nalang muna ang nagtitinda sa mga niluto niya. Anong bibilhin mong ulam?" 

Napalingon ako sa tagiliran ko nang marinig ang malumanay na boses ng isang babae. Hindi ko maiwasang sundan ang mga kilos niya habang nilalagay niya sa gilid ang bag niya at itinali muna ang buhok niya bago isinuot ang apron. Mukhang kararating lang din nito galing sa klase dahil ni hindi na siya nakapagpalit pa ng damit.

"Isang sinabawang gulay nalang." Sagot ko.

"Hmm, mabuti naman at iba na ang pinili mong ulam ngayon. Base kasi sa mga kwento ni Lola tungkol sayo, palaging piniritong itlog o tortang talong lang daw ang binibili mo lagi." Nakangiting sabi niya pa bago sumandok ng sinabawang gulay.

"Ah, oo. Sinunod ko lang ang sinabi niya. Hindi ko alam na kinu-kwento rin pala ako ni Aling Naring sayo." Pangiting sagot ko nalang.

"Haha. Oo naman, palagi 'yon." Mahina niyang tawa matapos inabot sa akin ang binili ko.

"Sige, paki-kumusta nalang ako sa kanya, Jessica. Pakisabi na padadalhan ko nalang siya ng mga prutas para mas madali siyang gumaling." Bilin ko pa sa kanya.

"Makakarating, Daniela." Nakangiting sagot naman niya. Napatango nalang ako dahil doon at tuluyan na siyang tinalikuran pagkatapos iniabot ang bayad.

Masasabi kong sa lahat ng babaeng nakilala ko dito sa'min, isa si Jessica sa maituturing na purong dalagang-pilipina dahil sa mahinhin niyang mga kilos at morenang balat. Grabe, hindi ko ata kaya 'yong pagiging mahinhin niya!

Napailing nalang ako sa iniisip ko bago naglakad patungo sa nakasanayan ko ng puwesto. Sinubukan ko pang suyurin ng tingin ang kabuuan ng canteen para hanapin sina Mira, Adrian o Dada pero makalipas ang ilang minuto ay umupo nalang ako sa upuan dahil sa walang kahit isang presensya nila ang nakita ko.

Iginugol ko nalang ang oras ko sa pagkain at nang maubos ko iyon ay agad na akong tumayo at lumabas na sa canteen para hanapin ang mga kasama ko. Nagsimula akong maglakad patungo sa mahabang pasilyo at habang naglalakad ako ay bigla kong narinig ang pagtunog ng keypad naming cellphone. Oo nga pala! Nakalimutan ko na nasa akin nga pala ang cellphone kanina bago kami pumunta dito sa eskwelahan.

Agad ko itong kinuha mula sa pantalon ko at nang makita na may isang text mula kay Mira ay agad ko na itong binuksan at binasa.

1 Message Received.

'Nasa likod-tambayan kami. Sorry that I haven't told you earlier. Come here, sis. May good news ako sayo.'

Hindi na ako nakapagreply pa sa text niya dahil sa wala rin naman akong load. Agad nalang akong naglakad papunta sa likod ng campus namin kung saan naroroon ang tagong garden na siyang aksidenteng nakita lang namin noon ni Mira nang minsan kaming tumapon ng basura dito.

Probinsyana Series #01:Taming my Probinsyana Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin