Simula

799 24 5
                                    

Simula

Malayo ang tingin niya at tahimik na tinatanaw ang bayan mula sa kaniyang bintana. Kailan man ay hindi siya pinahintulutan na lumabas ng kaniyang silid. Walang sino man ang nakakaalam ng totoong katauhan niya maliban sa kaniyang pamilya.

Nais niyang lumabas sa mundong pilit siyang ikinukulong ng kaniyang pamilya, ngunit kahit na anong gawin niya ay tila ba kay hirap gawin niyon. Hindi niya mawari kung bakit siya pilit ikinukubli ng kaniyang mga magulang kung saan sabik naman ang kanilang nasasakupan sa isang tagapagmanang babae.

Ang susunod na magiging Reyna.

Ngunit wala iyon sa isip niya. Ang nais ay ang makita ang kung ano ang nasa labas ng kaniyang silid. Kailan man ay hindi siya nakalabas, kahit isang beses ay hindi siya pinayagan. Nanatili siyang masunurin kahit pilit na ipinagkakait sa kaniya ang karapatan niyang iyon.

Napabuntong-hininga na lamang siya at isinara ang bintana. Hindi siya maaaring makita ng kahit sino man kaya inilagay sa likod na bahagi ng kanilang palasyo ang kaniyang silid kung saan hindi siya madaling makita ng kahit sino.

Hindi rin nagbibigay ng rason ang kaniyang mga magulang kapag tinatanong niya ang mga ito kung bakit hindi siya maaaring lumabas. Wala siyang nakuhang sagot, sa halip ay ngingiti lang ang kaniyang ina at yayakapin siya.

"Caroline..."

Napalingon siya nang marinig niyang tinawag siya ng kaniyang ina. Agad na sumilay ang ngiti sa kaniyang labi dahil doon. Hindi nakakaligtaan ng kaniyang ina na dalawang siya sa kaniyang silid sa tuwing gabi.

Kahit minsan nang sumama ang loob niya dito dahil pinagbawalan siyang lumabas ay hindi naman maitatanggi na mahal niya ito. Siguro ay may rason siya kung bakit, ngunit ayaw lamang nitong ipaalam sa kaniya. Marahil ay hindi pa siya angkop para sa kaalamang iyon kaya pilit niyang isinisiksik sa kaniyang isip na makakakabas rin siya sa kaniyang silid.

At tiyak siyang malapit na iyon.

Agad siyang lumapit sa kaniyang ina na ngayon ay mataman siyang pinagmamasdan, tila ba siya ang pinakamagandang babae sa kanilang emperyo. Kitang-kita niya kung paano lumambot ang ekspresyon nito habang nakatingin sa kaniya kaya mas lalo siyang napangiti.

"Ina..." untag niya. "Ano ang iyong pakay? Maaari na ba akong lumabas ng aking silid? " iyon agad ang naging tanong niya kaya naman hindi maiwasan ng kaniyang ina na malungkot.

Kung maaari lamang ay hindi kita pipigilan, Caroline...

Nilapitan niya ito at agad na yumakap sa ina. Nakaramdam siya ng kapayapaan habang yakap ang ina at nais niyang makatulog dahil sa pakiramdam na iyon. Tahimik na hinaplos ng kaniyang ina ang kaniyang mahabang buhok at niyakap siya kalaunan.

"Hindi pa maaari, Caroline... Pero tinitiyak ko sa iyong malapit na, kaunting tiis na lang at makikita mo na ang totoong mundo, ang mundong minsan naming ipinagkait sa iyo."

Tumango siya at iniintindi ang sinabi ng kaniyang ina. Ayaw niyang suwayin ang kaniyang ina dahil pinagkakatiwalaan niya ito. Sigurado siyang malapit na siyang makalabas at hihintayin niya iyon...

Humikab siya at agad namang tumawa ang kaniyang ina. "Matulog ka na, Caroline, masyado nang malalim ang gabi. Muli kitang bibisitahin bukas."

Hindi na siya umangal pa at tumango na lamang bilang pagsang-ayon. Agad siyang kumalas sa kaniyang ina at agad na lumapit sa kaniyang kama upang mahiga doon. Ang kaniyang ina na rin ang nagbaba ng manipis na telang nakapalibot sa kaniyang kama, nagsisilbing kaniyang kulambo.

Bago siya makatulog ay naramdaman niya pa ang pagdampi ng labi ng kaniyang ina sa kaniyang noo. Napangiti siya dahil doon at agad na nakatulog ng mahimbing.

The Vampire's Cursed QueenWhere stories live. Discover now