10

26 3 340
                                    

"Ano bang buhay ang mayroon ka noon?"

Abala si Raja sa pagpupunas ng mga baso, sa kusina, nang itanong iyon ni Maraskina sa kaniya. Hindi niya sinulyapan ang babae sa kaniyang tabi, nang-uusisa.

"Sana'y sagutin mo ako dahil kukulitin ako ni Ginoong Marsel ng mga tungkol sa iyo."

Nangunot ang noo ni Raja. "Nasaan po pala siya?"

"Abala iyon sa pangingisda kasama ng kaniyang mga katotoo." Bumuntonghininga ito.

"Nobyo mo?"

"N-Naku! Hindi ah! Siya'y kaibigan namin ni Gelucke noon pa man. Ikaw ah, pansin kong hindi mo tinutugon ang katanungan ko!" paratang nito. Nang sulyapan ni Raja si Maraskina ay nakanguso na ito.

Napangiti naman nang palihim si Raja dahil natutunan niyang gamitin ang salitang nobyo.

"Maayos naman ang buhay ko... noon." Naglaho ang ngiti ni Raja at tinuloy ang ginagawa.

Ramdam niyang hindi pa siya handang magkuwento sa mga bagay na tungkol doon.

"May nasabi na ba sa iyo si Gelucke?" nag-aalinlangang usig pa ni Maraskina, na siyang ikinataka ni Raja.

"H-Huh?" Napilig ni Raja ang ulo. "A-Ano naman... po?"

Pumikit nang mariin si Maraskina at mabigat ding bumuntonghininga. Pagkatapos ay nakangiti itong umiling. "Masaya ka ba rito?"

Hindi iyon nasagot agad ni Raja.

"N-Nais mo bang bumalik?"

Nanginig ang mga kamay ni Raja dahil sa iisiping babalik siya roon. Wala pa man ay ramdam niya na ang takot at namumuong... suklam. Ang puro niyang puso ay unti-unting tinutubuan ng negatibong emosyon. Ngunit mas nangingibabaw roon ang sakit.

Nangibot ang labi ni Raja, itinuloy muli ang pagpupunas ng mga baso. "H-Hindi ko po alam na maaari pala ang ganito. Ang totoo'y... hindi ko po naisip na mararanasan ko ang lahat ng ito. At sa dami kong nasusubaybayan at natutuklasang kaalaman, natanto kong  nakakahumaling po pala. Dito."

Ang masayang mga kasambahay ng casa, ang payapang dagat sa labas ng bahay. Ang kakulitan ni Simoun at ang mga taong kasama niyang isulong ang mga araw. Hindi pa man siya nag-iisang buwan sa lugar ay tila marami nang nangyari sa kaniyang buhay.

"N-Ngunit... hindi ko alam... kung para sa akin ang buhay na ito.. A-At kung ako po ba'y nararapat sa ganito o sadyang pinipilit ko lang ang sarili ko."

"Ang alin?"

Napatingin si Raja kay Maraskina nang sambitin ito niyon nang maagap at natatawa. Naiwan ang mahinhing ngiti sa labi nito.

"Alin ang hindi nararapat sa iyo?"

Nangunot ang noo ni Raja.

"Alam mo ba na... Manawari ang aming apelyido dati?"

Hindi alam ni Raja kung bakit ganoon kabilis tumakbo ang kanilang pinag-uusapan.

"Lolo namin... wika niya'y siya ay may kapatid na babae na nagngangalang Hiraya Manawari."

"H-Hiraya Manawari?"

Tumango ito ng paulit-ulit. Siya ay isang babaylan na pinaslang dito sa Irawan, dahil tinutuligsa ang mga may ganoong paniniwala... dahil nais ng mga kastila na pumalawig ang paniniwala nila sa buong sambayanan... hanggang ngayon."

Napalunok si Raja.

"Dahil nga may lumang paniniwala ang aming lolo, kumalat ang isang kaibig-ibig na kuwento ni Hiraya Manawari." Ngumuso ito. "Isang kahilingan ang tinupad ng kalangitan. Kahilingang mabuhay nang mas matagal, para sa nayon niyang minamahal."

Ang Inalay na Gumamela✓ (ANLS #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon