15

13 3 264
                                    

"Simoun—" si Gelucke.

Narinig ni Raja ang pagtawag ngunit dahil papalayo ay hindi niya na napakinggan ang iba. Sumingit sila at pumunta talaga sa sentro ng sayawan.

"Maninibugho po ang aking ama," tukso ni Simoun at tumingkayad upang makita ang ama.

Sa malayo ay kita iyon ni Raja dahil matangkad naman si Gelucke at sa kakisigan ay talagang litaw na litaw.

"Sandali lang naman po tayo. Ibabalik din po kita kay ama."

"Hindi ako marunong nito, Señorito..." napapalunok na wika ni Raja.

"Ganito lang po. Oh."

Gumiling ito. Namilog ang mga mata ni Raja sa magaslaw na pagsayaw ni Simoum. Kalaunan ay natawa si Raja.

Halos ang nasa paligid ay nakatingin din sa kanilang direksyon. Mabagal ang saliw ngunit ang gaslaw ng pagkakasayaw ni Simoun. Samantalang pansin ni Raja na ang iba ay may kapares at mabagal lang na nagsasayaw.

"Simoun!" baritonong saway ni Gelucke. Natatawang huminto si Simoun at tinuro si Raja.

Natatawa pa rin si Raja ngunit nakagat niya na lamang ang pang-ibabang labi.

"Ako'y nagpapatawa lamang. Kinakabahan po kasi ang binibini, Ama." Nakamot nito ang ulo. "S-Si Esmeng na lang ang aking isasayaw!"

"Ang anak ko na lang, Señorito!"

"Hindi, mas bagay ang anak ko sa señorito."

Maraming sumingit na sa palagay ni Raja ay mga magulang na may dala ring bata't katulad ni Simoun. Ngunit nagkamot lang si Simoun ng batok at umiling.

"T-Tatawagin ko na lang po si Binibining Esmeng. Siya po ang gusto ko."

Natunganga si Raja lalo pa at nanakbo ito palabas ng nagsasayawang mga panauhin.

Natabunan ang pag-iisip ni Raja nang biglang may nagiya sa kaniyang sumabay sa mabagal na saliw. Ang tingin niya ay sinakop ng imahe ni Gelucke sa kaniyang harapan, ang kaniyang mata ay tumapat lamang sa dibdib nito.

"Ako na ang nanghihingi ng paumanhin sa kakulitan ng aking anak," mabagal na wika ni Gelucke.

Umiling si Raja at napalunok nang mariin. Bumundol ang kakaibang kaba ni Raja, lalo pa nang maramdaman niya ang palad nito sa kaniyang baywang.

"Binibining Raja..."

Natulala si Raja. Nais niyang hampasin ang kaniyang dibdib upang sawayin ang mga ito mula sa panggugulo sa kaniyang sistema, dahil naghuhuramentado ang kaniyang puso.

Umawang ang bibig ni Raja. Kanina ay bigla siya sa tinuran ni Simoun. Sa mga oras na iyon naman, sa presensya na ng lalaking kasayaw.

"Kung makikiusap ako sayong maging ina ng aking anak, ikaw ba ay sasang-ayon?"

Hindi nakasagot si Raja. Halos wala siyang mailabas na salita, puro hininga dahil sa bilis niya ring suminghap.

"Mierda. Anong klaseng lalaki ka, Luk?" Narinig ni Raja na bulong ni Luk, marahil sa sarili.

"K-Kalimutan mo na ang aking tinanong. Ikaw ay bata pa at masyado pang maaga kung magkakaroon ka ng ganoong responsibilidad..." bulong ni Gelucke.

Tumingala si Raja at nasalubong niya ang nakayukong ginoo. Nag-iwas ito ng tingin.

Bumuntonghininga si Raja, sinusubukan kung kaya na bang magwika. "H-Hindi po ako tumatanggi... dahil mabait naman ang iyong señorito. N-Ngunit kung usapang... asawa ninyo... mabuting... iba na lang, Ginoo."

Ang Inalay na Gumamela✓ (ANLS #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon