Simula

51 7 1
                                    

Dedicated to: EljeySenpai

Alis

Simple.

Simpleng pamumuhay. Desenteng trabaho. Masaya at kumpletong pamilya.

Mga bagay na gusto kong abutin pero hindi ko pala kaya. Simpleng bagay lang naman pero bakit para sa akin, ang taas na? Iyong tipong hindi ko na kayang abutin ang dati lang na hawak ko.

Mas naging mahirap sa akin lalo na noong dumating siya. Mas naging... imposible.

Umalingawngaw sa aking magkabilang tainga ang paglagapak nang malakas na sampal ni Mama sa pisngi ni Papa. Napapikit ako nang mariin sa narinig.

Pinigilan ko ang sarili na mapatayo mula sa kinahihigaan. Ang hawak kong kumot ay nalukot dahil sa paghigpit ng hawak ko rito. Tumataas-baba ang dibdib ko dahil sa bilis ng paghinga.

"Walang hiya ka! Hayop ka!" sigaw ni Mama.

Nagpantig iyon sa magkabila kong tainga pero pinanatili ko na sarado ang aking mga mata. Gusto kong bumangon at bumaba para lang makita kung ano ang nangyayari pero nakakatakot.

Kahit na alam ko naman ang makikita ng dalawa kong mga mata, nakakatakot pa rin. Nakakasawa na gabi-gabi na lang palaging ganito. Walang tigil na sigaw at iyak. Nakakasawa rin pala.

Napapitlag ako nang may narinig na nakakabinging kalabog. Naikuyom ko nang mahigpit ang aking kamao at humahangos na umalis mula sa kinahihigaan.

Maingat pa rin ang aking galaw dahil sa takot na baka magising ang dalawang nakababatang kapatid. Kinuha ko ang damit na nakasampay sa isang upuan at sinuot iyon bago dali-daling lumabas.

Maingat kong binuksan ang pinto at maingat din iyong sinara. Mabilis ang kilos ng aking mga paa makapunta lang sa baba ng bahay.

Napatigil ako sa paglalakad at hindi agad nakakilos. Parang napako ang aking mga paa sa kinatatayuan nang makita ang sitwasyon ng aking Ina. Umigting ang aking panga at parang nag-aalab sa galit ang aking mga mata.

Si Mama ay nakasalampak na ng upo sa sahig. Punong-puno nang umaagos na luha ang kaniyang pisngi. Ang buhok niyang dati ay malinis, ngayon ay sobrang gulo na. Nagkalat din ang iba pang gamit sa kung saan-saan.

Mabilis akong umalis mula sa aking kinatatayuan at agad na naglakad palapit sa kaniya. Nakatalikod sa akin ang aking Ama kaya nahawakan ko ang kaniyang braso at tinulak siya palayo sa aking Ina, sa takot na baka saktan niya ulit si Mama.

Gumawa nang nakakabinging ingay ang marahas na pagtulak ko sa kaniya. Bahagyang nawala sa ayos ang lamesa at ang mga upuan naman ay natumba na. Pero hindi ko siya binigyang pansin at ang aking mga mata ay nakapokus lang kay Mama.

Lumuhod ako sa harap niya at hinawakan siya sa magkabilang braso. "Ma, ayos ka lang? A-anong nangyayari?" tanong ko sa nag-aalalang tono.

Ang aking puso ay mabilis ang tibok. Huminga ako nang malalim para pakalmahin ang sarili. Wala siyang naisagot sa aking tanong kundi ang mahinang paghikbi.

Napapikit ako nang mariin at kumuyom ang aking panga. Parang kinukurot ang puso ko sa hikbi niyang iyon. Ayoko siyang nakikitang ganito. Ayokong nakikita si Mama na... umiiyak.

Huminga ulit ako nang malalim bago iminulat ang mga mata at inalalayan siya patayo. "Ayos ka lang ba? Saan ang masakit? Anong masakit, Ma?" Pinaupo ko siya sa upuan at kumuha ng tubig para ipainon iyon sa kaniya.

Pero habang inalalayan ko siya na uminom ng tubig ay bigla na lang akong hinawakan nang mariin sa braso ni Papa. Napapikit ako at hinarap siya pero sinalubong niya ako nang malakas na sapak.

Unhealthy Standards (Sedulous Series #2)Where stories live. Discover now