Kabanata Siyam

14.1K 482 20
                                    

KABANATA SIYAM

DALAWANG araw na ang nakakalipas pero hanggang ngayon ay wala pa ring malay si Winston.

Nakabalik na rin sa tribo ang iba pang taong lobo na sumugod sa bayan kasama ni Winston noong kabilugan ng pulang buwan at nang makabalik sila, marami sa kanila ang may tama rin at sugatan. Ngunit wala namang namatay sa kanila ayon sa narinig kong sinabi ng isa sa mga uri nila na malaking pinagpapasalamat ko.

Laking pasalamat ko rin nang masundo agad nila Draco at Elizabeth si Ampo isang araw matapos nilang umalis at iwan sa akin ang pangangalaga kay Winston at ginamot ang mga nasaktang tao lobo. Maging si Winston ay nabigyan na nito ng karampatang lunas.

Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nagigising sa mahimbing na pagkakatulog nito si Winston.

"Hindi kaya magpatawag na tayo ng totoong doktor?" suhestiyon ko habang nakatingin ako sa natutulog na taong lobo sa kama nito saka ako humarap sa kanilang dalawa. "Iyong totoong doktor. Magaling ang doktor sa aming bayan. May kamahalan nga lang ang singil nila pero—"

"At anong gusto mo? Bumalik na naman sa bayan ng mga tao at maging bihag na naman nila?" putol ni Elizabeth sa mga sasabihin ko. "Hindi ka pa ba nadadala, Anika? Hindi mapupunta si pinuno sa ganitong kalagayan kung hindi ka niya niligtas sa mga tao tapos gugustuhin mo pa ring bumalik at humingi ng tulong sa kanila?"

"Hindi naman ganoon ang gusto kong iparating sa inyo. Ang gusto ko lang naman ay matingnan ng espesyalista si Winston para masiguro natin kung talaga bang ligtas na siya."

"Tao, ipapaalala ko lang sa'yo, matagal na kaming nabubuhay sa mundo na ito. Mas matanda kami 'di hamak sa mga uri n'yo. Doble ang haba ng buhay namin sa mga tao at wala pa ang makabagong pamamaraan ng paggagamot ay nariyan na si Ampo. Kaya huwag mong pagdududahan ang Ampo!"

"Hindi naman iyon ang gusto kong sabihin!"

"Tumigil na kayong dalawa, Anika, Elizabeth!"

Napalingon kami ni Elizabeth sa may pintuan sabay nakita namin si Ampo.

Mabilis na nakalapit si Draco sa tabi ni Ampo at inalalayan ito papalapit sa p'westo namin.

Kung pagmamasdan mo nang mabuti, tila isang ordinaryong matanda lang ang kanilang Ampo. May kahabaan ang buhok nito na nakatali sa likuran nito at may hawak na rin itong tungkod. Matipuno pa ang pangangatawan nito para sa edad nito ngunit tila hirap na itong maglakad sa hindi ko malamang dahilan. Marahil ay may natamo itong sugat sa binti nito o ano. Pero hindi na importante iyon.

'Di gaya nila Winston, Elizabeth at Draco, ang mata ni Ampo ay nananatiling kulay ginto at tila hindi na yata nagbabago iyon.

"Ampo," magalang na pagbati ni Elizabeth bago kinuha ang kanang kamay ng matanda sabay nagmano dito at ganoon rin ang ginawa ni Draco matapos nitong alalayan si Ampo.

"Hoy babae! Magbigay galang ka sa Ampo!"

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakaharap ko nang ganito ang Ampo. Pagkadating na pagkadating kasi nito sa tribo ay hindi na ako nagkaroon ng panahon para makausap ito dahil mabilis nitong dinaluhan ang mga sugatan sa kanilang tribo.

Kaya parang nagising ako sa aking malalim na pag-iinspeksyon sa Ampo nang marinig ko ang boses ni Elizabeth sabay mabilis akong lumapit kay Ampo at nagmano gaya ng ginawa nilang dalawa ni Draco.

Wolves (Wolves Saga Book 1)Where stories live. Discover now