Kabanata Labing Walo

6.4K 215 5
                                    


KABANATA LABING WALO

"HANGGANG DITO na lang kita masasamahan, mahal ko."

Nahinto ako sa paglalakad papunta sa pinakabukana ng kagubatan nang marinig ko ang mga sinabi na iyon ni Winston.

May agam-agam na nabubuo sa isipan ko ngayon kung bakit bigla na lamang niyang napagpasyahan na dito na lang siya sa may bukana magpaiwan subalit kani-kanina lang ay ang matigas ang pagtutol niya na makalabas ako ng kagubatan nang mag-isa dahil mapanganib. Na ang nais niya ay masamahan ako hanggang sa aming bahay at masamahan ako na malaman ang bahagi ng kwento sa panig ng aking mga magulang.

Ngunit lahat ng mga tanong at pagtataka na pumasok sa isip ko ay bigla na lamang nawala nang marahan siyang ngumiti sa akin.

"Alam ko na magiging madugo lamang ang pagkikita n'yo ng iyong mga magulang oras na makita nila na magkasama tayo lalong-lalo na si Samson. Para sa kanya, halimaw pa rin ang mga gaya namin at hindi ko gusto kung hindi mo magagawa ang pinapakay mo kaya mo ninais na muling makita ang iyong mga magulang."

"Pero ikaw na rin ang nagsabi na delikado sa kagubatan hindi ba? Paano kung muli na namang magawi dito ang mga nilalang na nakita namin nila Sherry?"

Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Winston sa sinabi ko na ikinapula ng pisngi ko sandali dahil sa hindi malamang gulat sa pagtawa niya o pagkahiya.

"Nakalimutan mo na yatang isa akong taong lobo, mahal ko." Sandali akong natigilan sa sinabi niya dahil nawala ang tungkol sa bagay na iyon nang sabihin ko ang mga pag-aalalang salita na iyon kanina. "Kaya ko na ang sarili ko. At hindi na muling magagawi ang mga mangkukulam sa teritoryo na ito. Pinapangko ko iyan sa'yo."

"Pero hindi naman iyon ang—"

Hindi ko na lang tinapos ang mga sinabi ko saka napabuntong-hininga.

"Kung iyan talaga ang gusto mo, sige. Dumito ka na lang muna. Siguro tama ka nga sa sinabi mo na hindi ito ang magandang oras para makita ka ulit ni ama," wika ko saka muling napabuntong-hininga. "Pero nais ko rin sana na pormal na makahingi ng patawad sa'yo si ama."

"Para saan naman?"

"Para sa plinano niya na gawin sa mga kalahi mo para lang maitakas ako nila Sherry mula sa tribo nang dahil lamang sa mali niyang akala tungkol sa inyo."

Naramdaman ko ang mga kamay ni Winston na lumapat sa mga balikat ko. Napatingin muna ako sa mga kamay niya bago ko inangat ang aking tingin upang salubungin ang biglang naging gintong kulay nitong mga mata.

Hindi ko alam, sa tuwing makikita ko ang mga gintong mata na iyon ay tila may nagbabago sa loob ko na hindi ko mapangalanan.

Kahit alam ko na wala naman siyang ginagawa, pakiramdam ko ay nahihipnotismo ako ng mga malalim niyang titig sa akin.

At hindi ko rin mawari na sa tuwing naglalapat ang mga tingin namin, hindi ko mapigilan ang biglang pagbilis ng tibok ng puso ko.

Noon ko pa nararamdaman ang bagay na ito sa kanya dahil sa takot at kaba para sa isang uri niyang kalahating tao at kalahating lobo.

Ngunit alam ko na kung ano man ang tawag sa nararamdaman ko ngayon ay hindi ito matatawag kaba lang o takot.

Mas malalim at makahulugan pa.

"Mahal ko, hindi ba at nasabi ko na sa'yo na hindi mo na dapat alalahanin pa ang tungkol sa bagay na iyon? Nakalimutan na iyon ng mga tribo at walang sinisisi na kahit na sino ang mga kasamahan ko sa nangyari at mas lalong hindi ka nila sinisisi sa nangyari. Kaya huwag ka ng mag-abala tungkol sa amin ng ama mo."

Wolves (Wolves Saga Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon