KABANATA LABING APAT
NAGTIPON SA labas ng malaking bahay ni Winston, na sinasabi niyang pag-aari ko rin, ang lahat ng mga taong lobo na kasapi sa kanilang tribo.
Dito ko lang napag-alaman na talaga pa lang malaki ang populasyon ng mga taong lobo. May mga babae, lalaki, maging mga batang nasa edad tatlo hanggang pito ang nagtatakbuhan sa paligid dala-dala ang pagkain na kinuha nila sa may mahabang mesa na nasa gilid at ilang bulaklak na sa tingin ko ay pinitas pa nila sa ibang parte ng kagubatan malapit sa aming kinatatayuan ngayon.
Hindi ko napansin ang grupo nila Horeo na napag-alaman kong kasa-kasama pala ni Winston, Draco, Elizabeth at ilan pang pinakamalalakas na taong lobo sa tribo sa pagbabantay sa paligid ng kabugatan.
Ayon sa naibulong sa akin ni Winston kanina ay hindi makakadalo ang grupo nila Horeo at Draco dahil sila ang naatasang magbantay sa paligid ng kagubatan ngayong kalagitnaan ng hapon hanggang hating-gabi at may iba na namang grupo ang papalit nila na magroronda hanggang mag-umaga.
"Winston, hindi mo na kailangang gawin ito," sabi ko matapos kong ibalik sa kanya ang atensyon ko mula sa pagkakatingin ko sa mahabang mesa kung saan nakahain ang mga inihanda nilang pagkain para sa akin. "Nasabi sa akin ni Elizabeth na matagal pa ang panahon ng tag-ani ninyo. Maaari mo nang ibalik ang ibang pagkain na hindi naman makakain ngayon para makatipid kayo."
"Walang masasayang na pagkain ngayong araw, mahal ko, kaya ipalagay mo ang iyong loob," sabi ni Winston habang napapangiti ito sa mga nagtatakbuhang bata sa paligid. "Ikinunsulta ko muna sa buong tribo ang piging na ito bago ito naisakatuparan at lahat naman sila ay pumayag sa pagsasalong ito. At isa pa, lahat sila ay natuwa nang marinig nilang makakasama sila sa selebrasyon ng naudlot mong kaarawan."
"Talaga?"
"Oo. Hindi mo lang alam kung anong maidudulot nito sa ibang taga-tribo. Hindi ba't nasabi ko na sa iyo noon na ilang daang taon na ring pinag-aaralan ng mga taong lobo ang mamuhay gaya nang pamumuhay ng mga tao kaya ang ganitong uri ng pagsasaya ay makakatulong din sa kanila lalo na sa mga batang taga-tribo gaya nila," paliwanag nito saka tinuro ang mga batang nagtatawanan at naghahabulan. "Hindi lahat ng taong lobo ay gaya ng nasusulat sa inyong alamat na masasama at kumakain ng mga tao. Karamihan sa kanila ay gusto lamang maging normal at matutong makisalamuha sa pamumuhay ng ibang uri na iba sa kanila."
Hindi ko na rin maiwasan na mapangiti sa sarili ko sa mga narinig ko saka biglang napabuka ang bibig ko nang makitang natumba ang isa sa mga batang lobo na tumatakbo. Pero sa halip sa umiyak ito ay tumawa pa ito matapos daganan ng iba pang kalaro nitong batang taong lobo. At sa huli ay natawa na rin ako sa kanila dahil na rin sa nakakahawa ang tawa ng mga batang iyon.
"Kung ganoon naman pala, maraming salamat, Winston," sabi ko saka humarap sa kanya na nakaharap na rin pala sa akin. Bigla tuloy akong nakaramdam ng pagkailang dahil doon. "S-salamat sa pagbibigay ng isang munting salo-salo para sa kaarawan ko kahit ilang araw na itong natapos."
"Ako dapat ang magpasalamat sa iyo, Anika," seryosong sabi niya habang titig na titig sa mata ko. "Salamat dahil nandito ka sa tabi at nakakasama ko sa mumunting kasayahan gaya nito."
"Winston..."
"Ang makapiling ka ang pinakamasayang bagay na nangyari sa buong buhay ko, mahal ko. At hindi ako magsasawang ibahagi ang sayang nararamdaman ko sa mga susunod pang araw na magkakasama tayo."
BINABASA MO ANG
Wolves (Wolves Saga Book 1)
WerewolfHindi pa isinisilang si Anika ay ikinasal na siya sa isang lalaking hindi pa niya nakikita't nakikilala. Noong una, inisip niya na isa lamang iyong kabaliwan at napaka-imposible dahil wala namang bata na hindi pa ipinapanganak ang bigla na lamang ik...