CHAPTER 1

0 0 0
                                    

Biglang nawalan ng kuryente ang buong syudad ng Maynila alas onse ng umaga. Lumipas ang limang minuto bago bumalik ang kuryente saka lamang bumungad sa mga tao ang isang 'di inaasahang anunsyo. Isang malamig at matipunong boses ng isang nakamaskarang lalaki.

"Ang Parliamentong inyong minahal sa halos 100 na taon ay wawasakin sa ika-11 ng Setyembre. Kayo ay inaaanyayahan ko na pumunta sa napakalaking pangyayaring magaganap sa mga panahong 'yon. Alam ninyo na may isang taong galing sa mayamang pamilya ang naihalal gamit lamang ang kanyang katuwiran. Ang katuwirang ito ay hindi kailanman nanggaling sa salitang ugat na 'tuwid' dahil napapaligiran s'ya ng kasinungalingan kahit noong kabataan n'ya.
Nagkaroon s'ya ng kapangyarihan gamit ang mga taong mangmang na tagasunod n'ya at ng kanyang ama at patuloy pa ang kanyang pagkauhaw sa kapangyarihan sa halos tatlong dekada. Nalason ang utak nila sa parihahang umiilaw na naglalagay ng maraming impormasyon, impormasyong nagsasabi kung sino ka. Hindi ko ubod na maisip gaano sila kamangmang kung bakit nila pinili ang isa nilang kauri sa pag-iisip. Ngunit, nais ko'y malaman ninyo na magtatapos na ang masamang panaginip na ito gamit lamang ang limang dekadang plano. Magkaisa tayo ngayong Setyembre ika-labing isa sa susunod na taon. Mabuhay ang Pilipinas at mabuhay ang demokrasya."

Biglang nagkagulo ang buong syudad matapos ang isang 'di inaasahang anunsyo ng lalaking nakamaskara. Kumalat ang balita sa buong Pilipinas, nagkaroon ng malawakang plano ng pag-aalsa ngunit hindi pa sila handa para sa isang rebolusyong inihandog ng isang misteryosong lalaki at kung pano nila wawasakin ang parliamento. Mahalaga ang parliamento dahil simbolo ito ng pagkakakilanlang Pilipino ngunit simbolo lamang ito. Alam ng maraming Pilipino na ang mga tao ay ang tunay na parliamento, walang saysay ang Parliamento kapag walang basbas ng mga tao, isa lamang itong malaking bahay na bato na tinitirhan ng mga malalaking hayop kaya tawag ng mga ilan sa ito ay "The World-class Zoo" o "Crocodile Park".

"Lumalaki na ang tiyan mo Ginoong Mendez."

Rinig na rinig ko ang usapan nila Police General Benjamin Mendez at ni Presidente Socramento na nagbibiruan habang umiinom ng wine sa may garden ng palasyo. Si General Mendez ay pinili ng pangulo para maging pinakamataas na pinuno ng kapulisan dahil sa may mataas na antas ito ng karanasan sa physical at mental torture sa mga kabataang estudyante na naging student leader. Marami ang naniwala sa kakayahan n'yang ibahin ang pag-iisip ng mga kabataan sa lipunan gamit ang isang "utopian" and systematic structure of  the new Philippines. Nasa dulo ng kanyang bala ang pagbabago at tinawag n'ya itong "art" sa paniniwala na ang tao ay naaalipin dahil sa takot at ambisyon. Takot, kailangan mong matakot sa kanila para makamit mo ang tunay na pagbabago, isang tunay na hangarin ng pagkakaisa at ang ambisyong naglalayong tuparin ang isang malaparaisong parke sa gitna ng mga baril na nakatutok sayo.

Sampung taon na ang nakakalipas nang mapatay ang mga magulang ko dahil sa isang kudeta. Nagsimula ito no'ng namatay ang kapatid ko dahil tinorture ng mga sundalo. Kapitan pa si General Mendez noon. Limang taong gulang pa lang ako nang hindi na nakabalik ang kapatid ko sa bahay. Nakita nalang nina mama at papa sa dyaryo ang isang nawarak na mukha na halos 'di na namin halos makilala, s'ya ay ang kapatid ko. Simula no'n, naging aktibo na sila mama at papa sa mga rally para pabagsakin ang diktadura at ako naman ay wala pang muwang na naiiwan sa bahay kasama ang aking yaya. Palagi kong tinatanong sa yaya ko kung ano ang ginagawa ng mga magulang ko pero ang palaging sagot sa akin, pasaway daw kasi ang pamilya ko dapat nalang daw sana ay sumunod nalang sa batas para hindi na kailangan pang may mamatay. Ang idealismo daw ay isang uri ng kamangmangan. Kailangan daw natin ang gobyerno. Kailangan daw tayong matakot. Kailangan daw tayong sumunod kahit gutom na tayo. Presko pa ang lahat sa isip ko ang pagkamatay ng mga magulang ko kahit sampung taon ang nakakalipas.
21 na ako ngayon at nagtatrabaho bilang writer sa isang media giant at bilang writer madalas kong nakakadaupang palad ang Heneral at Presidente. Walang kalyo ang kanilang mga palad, makinis ang mga ito, ang mga palad na ito ay hindi kailanman naging saksi sa kahirapan ng mga magsasaka na pinapatay nila. Kabaliktaran nito ay ang mga papuri ko sa pangulo sa mga dyaryong nababasa ng mga tao at kung gaano daw kaswerte ang mga tao sa isang heneral na wala nang oras sa pag-iihersisyo dahil sa trabaho at para sa kapakanan ng mga Pilipino. Nagmumuni-muni pa lang ako nang biglang may umalingawngaw sa paligid. Sumilip ako at ng mga kasama ko sa media kung ano ba ang nangyari. Kasunod nito ay ang pagsabog ng isang bomba sa 'di kalayuan at ang pagkawala ng Heneral.

Avenge ElevenWhere stories live. Discover now