Rosas ng Digmaan

86 13 3
                                    

ROSAS NG DIGMAAN

written by: mike_brosas

Disclaimer: Ang unang scene ay nanggaling sa pelikulang Heneral Luna.

Pebrero taong 1899

Nagpulong ang mga lider ng bansa sa probinsya ng Bulacan. Nais ng mga itong pag-usapan ang paparating na pwersang Amerikano sa bansa. Umalis kami ni Heneral Antonio Luna ng Caloocan na ang kanyang agam-agam ay iisa lamang: hindi kaibigan ang mga banyagang paparating. Walang kaibigang sinasarili ang usapin ng pagpapalaya ng kakaibiganing bansa. Kung totoo itong kaibigan, sa halip na ang Kastila ang kausapin, nararapat lamang na sa Pilipino sila tumuloy, sa hukbo. Subalit, hindi.

"Señor Presidente!" Sigaw ng Heneral, pagpapatahimik sa magulong pagtatalo ng mga miyembro ng gabinete. "Walang pupuntahan ito. Habang nagtatalo tayo dito, lalo lang lumalakas ang mga Amerikano. Lusubin na natin sila ngayon habang kakaunti pa lang sila. Kahit pa ikamatay ng karamihan sa atin, mapapalayas natin sila sa Maynila. Mapapasakamay natin ang Intramuros."

Hindi sang-ayon sa suhestiyon ng heneral ay sumabog muli ang mga tunggalian sa mesa. Ang iilan ay nakatingin kay Señor Presidente Aguinaldo, hinihimok itong maghintay ng ilang araw. May iilang nasa panig ng Heneral, subalit marami pa rin ang nais na makipagkaibigan sa mga bagong mananakop.

Humarap si Señor Pedro Paterno sa Heneral, "Kaaway din ng España ang Amerika. Ang kaaway ng aking mga kaaway, ituturing kong mga kaibigan." Isinalaysay din nito bilang halimbawa ng pagkabusilak ng puso ng Amerika, ang 'di umano'y pagtulong ng Estados Unidos sa mga Kubano sa pagpapatalsik ng mga kastila. Subalit, ang hindi nito naikukwento ay kung paanong nanatili ang pwersa ng mga puti sa nasabing bansa, matapos nitong "tumulong".

Nagpatuloy ang kanilang bangayan. Ang mga bulung-bulungan ay unti-unting nagiging antagonistang mga sigawan.

"Sang-ayon ako kay Señor Paterno," wika ng isa sa mga malalaking negosyanteng nakaupo. Ang makintab na suot nito'y hawig sa suot ng mga taong mula sa kanluraning bansa. "Pinipili ko ang kapayapaan."

"Bulag!" Bintang ng Heneral. Napalakas ang kanyang boses subalit sapat iyon upang sana'y gisingin ang iilan sa katotohanan.

Walang lugar sa pamumuno ng bayan ang mga bulag at pumapanig sa kaaway. Ang kapayapaang tinutukoy nila ay kapayapaan para sa iilan lamang. Para sa kanila. Para sa kanilang mga negosyo't bulsa. 'Di bale nang ang kapwa nila Pilipino'y ninanakawan ng lupa ng mga banyaga. 'Di bale nang ang kapwa nila Pilipino ay nagpapakahirap sa pagtatrabaho sa mga sakahan upang kunin lamang ng mga asyendero. At 'di bale nang ang buong bansa'y walang sariling kasarinlan, basta ang kanilang mga bulsa'y puno't nadaragdagan. Mga inutil! Mga taksil sa sariling bayan!

Habang pinagmamasdan ko ang mga taong itong nagbabangayan, hindi ko maiwasang balikan ang mga nangyari nang nakaraang mga taon. Karamihan sa mga kasama ko ay nasawi sa digmaan laban sa pwersang Kastila. Ang ilan sa kanila'y hindi pa umaabot sa edad na bente-singko. Inaalala ko ang aking tatay na buong buhay ay kinailangang pagtrabahuhan ang lupang sinasaka na at ang tanging matitira sa kanya ay 'di sapat ipangkain ng pamilya. Ang patuloy na pag-aangkin ng lupa at paniningil ng 'di makatarungang encomienda ay tumutulak sa mga tao sa kanilang kamatayan.

At inaalala ko si Luciano.

Si Luciano na ang katawan ay pinanday ng mahabang panahong pagpapaalipin sa mga panginoong maylupa. Ang kanyang kutis na singtingkad ng dugo dahil sa pananatili sa ilalim ng mainit na araw. At ang kanyang mga matang taglay pa rin ang karahasang dinanas sa kamay ng mga Kastila. Sa kanya ko hinuhugot ang lakas upang magpatuloy. Ang kanyang 'di maubos-ubos na katapangan, kahit na sunod-sunod ang nakapanghihinang kaganapan sa kanyang buhay. Isa ang kanyang ama sa mga walang kalaban-labang binaril ng mga sundalong Kastila dahil naisipan lamang ng mga ito. Ang kanyang nanay na ang pagsamba sa mga Diyos na dala ng dayuha'y 'di nakatulong bago ito namatay sa lungkot. At ang kanyang kapatid na babaeng naglaho na parang bula matapos magustuhan ng isang prayle.

Varieties Of Love (BL ANTHOLOGY)Where stories live. Discover now