LH: 1

158 13 10
                                    

Harmony's

Napatigil ako sa pagtipa sa aking cellphone nang marinig ang pagbukas ng pinto ng aking kwarto.

"Ate, kakain na raw," saad ng kapatid kong si Jayvee na tanging ulo lamang ang nakasilip sa pinto.

Tipid akong ngumiti bilang sagot at ibinaling ng muli ang tingin sa cellphone.

Muling nagawi ang aking mata sa pinto na nanatiling nakabukas at naroon pa rin ang aking kapatid.

Nang makitang mahaba ang nguso nito ay bahagya akong natawa. Naiiling na binitawan ko ang aking cellphone at hinayaang mahulog sa malambot na kama.

Agad akong tumayo at isinuot ang pangbahay na tsinelas. "Eto na po, kakain na po," ani ko na may pang-aasar sa tinig.

"Ate naman!" ani nito sa maliit na boses.

Ginulo ko ang buhok nito at sabay kaming nagtungo sa kusina.

Nakita kong naroon na si Mommy at Daddy. Nakaayos na ang hapag-kainan at mukhang ako na lang talaga ang hinihintay nila.

"Kain na," saad ni Daddy at tumayo sa kinauupuan nito at pinaghila kami ni Jayvee ng upuan.

"Thank you po," sabay naming turan ng kapatid ko.

Hinaplos ni Daddy ang buhok namin ni Jayvee at tsaka ito bumalik sa kanyang pwesto.

"Wow!" manghang saad ng kapatid ko nang makita ang ulam na nakahain sa lamesa.

"Sana araw-araw ganito ulam," ani nito at ngumiti nang malawak sa amin.

"Bukas gulay tayo," ani Mommy na nagpawala sa ngiti ni Jayvee.

"Hindi naman po 'yon masarap, ih," reklamo nito na pinahaba pa ang nguso.

"Manang manang ka talaga sa Daddy mo," turan ni Mommy na umani ng ungot mula kay Daddy.

"Oh, huwag ka ng umangal at totoo naman."

Napailing na lamang ako nung magsimula silang magbangayang dalawa hanggang sa napunta sa kung sinong naunang umamin ng pagmamahal sa kanilang dalawa.

"Ikaw, Jermaine? May boyfriend ka na ba?"

Napangiwi ako sa tanong ni Mommy.

"Mom," ani ko at tumingin sa kanya.

"Why? I just want to know. Hindi naman kami magagalit, as long as hindi ka magsisinungaling sa amin."

Umiling ako bilang sagot.

"May crush po si Ate," biglang sabat ni Jayvee.

Nalilitong nilingon ko siya.

"Nanonood po siya lagi doon sa lalaking gamer po."

Napaawang ang aking labi.

"Sabi po ni Ate nung isang gabi, 'ang gwapo-gwapo mo talaga Kent' gano'n po."

Nasamid ako sa muling tinuran ng aking kapatid.

Inabutan ako ni Daddy ng tubig at agad ko iyong tinanggap.

Takang-taka ako kung paano nito nalaman na sinabi ko ang mga katagang iyon, pero minsan nga pala ay sa kwarto ko natutulog si Jayvee. Marahil ay narinig nito na sinabi ko iyon isang beses habang nanonood sa live stream ni Kent.

"Gamer?" kunot noong tanong ni Daddy.

"Ah, sa facebook and youtube po iyon. Alam niyo po 'yong mga online games, may naglalive stream po habang naglalaro," paliwanag ko.

"Ah, so sikat ang lalaking iyon?"

Tumango ako at kinagat ang aking pang-ibabang labi. Sa nangyari ay biglang umatras ang aking gutom.

Lass HopeWhere stories live. Discover now