Chapter 27: Miss

17 3 1
                                    

CHAPTER 27

Miss

Medyo naging magaan ang pakiramdam ko nang ibalita ni Ate Ave na buntis na siya. Mahina na lang akong natawa sa sarili ko. Tumatanda na talaga ako. Marami na akong pamangkin. Mga ilang kembot pa, may tatawag na agad na Tita Hailie sa akin.

"Papa, narinig mo 'yon? Magkakaanak na kami ni Yuan." Lumuhod si Ate Ave sa harap ni Papa at hinawakan ang kamay niya.

Napangiti ako nang umungot si Papa. Kahit ganoon ang kalagayan niya, ramdam ko ang kasiyahan niya. Kung maayos lang ang kalagayan niya ngayon, baka ipaghanda niya pa ang pagbubuntis ni Ate Ave.

"Masaya ako sa'yo, anak." Niyakap ni Mama si Ate Ave.

"Salamat, Mama."

"Mukhang hindi magkakalayo ang edad ng magpinsan, Ate," pahayag naman ni Kuya Sherwin.

Bumisita rin sila kay Papa kasama si Ate Eunice na malaki na ang tiyan. Napasandal na lang ako sa sofa. Pinagmasdan ko ang pamilya ko. Ito iyong hinahanap-hanap ko. Ito iyong pakiramdam na nangungulila ako.

Gumigising ako. Nag-aaral ako. Nagtatrabaho ako pero iyong pakiramdam kong kahit anong gawin kong pag-angat, parang walang silbi. Ayaw kong maranasan iyon. Sobra akong nawawalan ng pag-asa.

"Mabuti pa, kumain na tayo. Lalamig ang hinanda ni Hailie."

Mabilis akong tumayo. Humawak ako sa braso niya at idinantay ang pisngi ko sa balikat niya. "I love you, Mama."

Natawa si Mama at tinapik ang kabilang pisngi ko. "I love you too, anak. Ang lambing mo naman ngayon."

Umayos na ako ng tayo at humarap sa kaniya. "Ngayon lang po 'to. Bukas wala na."

Mas lalong tumawa si Mama at napailing. Siya na ang nagtulak kay Papa papunta sa dining area namin. Pinagmasdan ko ulit ang pamilya kong umupo sa mga kaniya-kaniyang upuan. Hindi ako makahinga nang maayos sa sobrang saya. Na-miss ko talaga ang ganitong bonding. Mas masaya pa dahil may dumagdag sa miyembro ng pamilya namin.

Hindi ko alam kung bakit sa mga nakalipas na buwan, parang biglang bumagsak ang buhay ko. Kasama ko naman si Papa. Kasama ko naman si Mama pero parang ang layo nila. Parang lahat sila, hindi ko maramdaman kahit sobrang lapit lang naman nila.

"Hailie, kumain ka na rito!" paanyaya sa akin ni Mama.

"Sige po." Ngumiti ako at mabilis na lumapit sa kanila.





"HINDI na ba talaga kayo magkakaayos ni Ken, Hailie?"

Pinaglapat ko ang mga labi ko sa tanong ni Alliah sa akin. Alas onse nang gabi pero bigla na lang siyang tumawag sa akin. Siningit niya lang siguro ako sa schedule niya. Alam ko namang busy siya. Kahit ako, busy rin naman ako. Natuto na lang talaga ako mag-manage ng time kaya may libre akong oras, bagay na hindi ko nagagawa noon.

"Aalis siyang magkagalit kayo. Ano na?"

Tinanaw ko ang madilim na langit mula sa kinaupuan ko sa teracce. "Ano na nga ba? Ano bang... gagawin ko? Ininsulto ko siya, Alliah. Natural na magalit siya sa akin."

Saglit na natigilan si Alliah. "A-ano? Pababayaan mo na lang?"

"Mahal niya rin ako. Inamin niya sa akin nang gabing iyon. Ayaw niyang umalis. Ayaw kong ako ang maging dahilan niya. Bakit ko puputulin ang pakpak niya kung kayang-kaya niya nang lumipad?"

"Gosh, friend! Alam niya bang mahal mo rin siya?"

"Hindi."

Mapait na lang akong napangiti nang umungot si Alliah. Mabuti siguro, kung ibaon na lang sa limot 'yon. Huli na rin naman. Galit na sa akin si Ken.

"Sige na, bye na. Akala ko naman kung anong chika mo."

"Hailie..."

"Oh?"

"If you have a problem, don't hesitate to call me, okay?"

Napangiti ako sa sinabi niya. Totoo ko talaga siyang kaibigan. Nararamdaman niya kapag hindi ako okay.

"Sige..."

Nang matapos ang tawag, huminga ako nang malalim at nakangiting pumikit. Hindi dapat ako maging malungkot. Buo pa naman ang pamilya ko. Nandiyan pa rin si Alliah na totoo kong kaibigan. Dapat maging masaya ako at makontento sa mga bagay na nanatili sa buhay ko.

"Gabi na, ah? Anong ginagawa mo rito?" tanong sa akin ni Ate Ave na may dalang isang baso ng gatas.

Natawa na lang ako nang i-abot niya sa akin iyon. "Ikaw ang buntis. Bakit ako ang maggagatas?"

Inginuso ni Ate ang baso. "Kunin mo na. Kinuha ako ni Yuan kanina. Nakita ka niya rito kaya bumaba ako. Mukhang malalim daw iniisip mo."

Tumabi sa akin si Ate Ave. Mukhang magkakaroon pa yata kami ng heart to heart talk. Dito natulog sa bahay ang mga kapatid ko kasama ang mga asawa nila.

"Bakit ka kumuha ng part-time job?"

Nahihiya akong tumingin kay Ate Ave. Paano ko ba sasabihing nahihiya ako? Makapal dati ang mukha ko pero ngayong may problema ang pamilya, nahihiya na talaga akong humingi.

"Maraming gastusin, Ate Ave. Alam ko namang may sarili na kayong buhay ni Kuya Yuan. Nagsisimula na kayo ng bagong pamilya."

Tinapik ni Ate Ave ang hita ko. "Ano naman? Kapatid ko kayo ni Sherwin. Magulang ko sila. Mahal ko kayo."

"Nahihiya na ako, e." Napayuko ako. Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko. Baka mapaiyak pa ako. "Ayaw kong hingi nang hingi. Gusto ko rin magbigay, Ate, kasi ganito na ang edad ko. May responsibility din ako sa pamilyang 'to."

"Hailie, nang maging ka-edad mo ako, ganyan din akong mag-isip."

Tumango-tango ako. Alam ko iyon. Kaya nga medyo naghirap siya sa love life niya kasi kami palagi ang iniisip niya.

"Pero na-realize ko, nandiyan naman sina Mama at Papa, inalalayan pala nila ako. Hindi pala ako nag-iisa." Tumingin sa akin si Ate Ave. "Kaya Hailie, huwag mong isiping hingi ka lang nang hingi. Kaya nga ako nandito, ako naman ang aalalay sa'yo ngayong hindi na kaya ng parents natin."

Niyakap ko si Ate Ave. "Thank you, Ate."

Hindi naman ako sweet sa kaniya. Mas lamang ang inis ko kaysa tuwa. Marunong lang akong maglambing sa kaniya kapag may regalo siya.

Palagi niya akong tinatawag na pabigat dati. Inaamin ko rin naman na wala akong pakialam noon. Ni hindi ko alam na naging pabigat na pala ako sa lahat. Ni hindi ko namalayan na masama na pala ang sobrang carefree sa lahat ng bagay.

"Bakit may yakapan dito?"

Kumawala kami ni Ate Ave sa isa't-isa. Ang buwisit kong kuya na naka-boxer pa talaga at topless. Halatang nakatulog na pero mukhang masama ang gising.

"Hindi ka pa natutulog? Nasaan ang asawa mo?" sunod-sunod na tanong ni Ate Ave kay Kuya Sherwin.

Napairap si Kuya at naiiritang huminga nang malalim. "Sinipa ako sa sarili kong kama. HIndi ko sana papansinin. Ang himbing ng tulog ko, bigla akong tinadyakan."

Natawa kami pareho ni Ate Ave. Tinapik ko ang tiyan ni Kuya Sherwin. "Ano ba naman kasing ginawa mo?"

"Wala akong ginagawa, Hailie. Naglilihi na naman ang buntis. Gusto ng ice cream na may mani. Mabuti sana kung kalabit ang ginawa sa akin kaso sinipa ako."

Napailing si Ate Ave at napahawak sa tummy niya. "Sana hindi ako ganyang magbuntis."

"Hindi mo sure," pang-aasar pa ni Kuya. "Humiram akong susi ng sasakyan ni Kuya Yuan kanina. Tinakot ko. Kabahan ka na, Ate. Huwag kang mag-inarte ngayong buntis ka na, ah?"

"Sherwin!"

Natawa na lang ako nang paghahampasin ni Ate Ave si Kuya Sherwin. Topless pa naman si Kuya kaya lahat ng hampas ni Ate, may tunog.

Huminga ako nang malalim at muling tumingin sa madilim na langit. Na-miss ko talaga 'to. 

Noong Nasa Legal Age AkoWhere stories live. Discover now