Kabanata 9: Remembrance of Time

53K 2.7K 3.3K
                                    

[Kabanata 9]

HINILA ako ni Ash patayo at nagsimula kaming tumakbo sa gitna ng kaguluhan. Hindi ko masyado makita ang daan dahil sa kapal ng usok at mga alikabok. Nakakabingi ang mga eroplano na lumilipad sa himpapawid na animo'y sobrang lapit.

Ilang mga bala ang muntik nang tumama sa amin. Hindi na namin malaman kung saan nanggagaling ang mga iyon. Isang tanke pandigma ang paparating dahilan upang makita namin ang paglipat ng puwesto ng mga Amerikanong sundalo.

Sunod-sunod na malakas na pagsabog ang umalingawngaw sa paligid. Lumundag kami ni Ash sa isang bakod at dumapa sa lupa dahil sa pagsabog na ilang metro lang ang layo sa amin. "Kung sinuswerte nga naman tayo!" Hindi ko alam kung saan pa nakukuha ni Ash na magsalita gayong sa eksena pa ng digmaan kami nakarating.

Inilibot ni Ash ang kaniyang mga mata, "Doon tayo!" Saad niya na naunang gumapang papunta sa mababaw na hukay sa silong ng isang bahay-kubo. Yumuyuko at tumitigil kami sa tuwing may sumasabog dahilan upang magtalsikan ang mga bato, kahoy, at lupa.

Payuko kaming pumasok sa loob ng hukay sa silong. Agad hinila ni Ash ang isang malaking sanga ng kahoy upang ipangharang sa lagusan. "Hindi sana tayo tamaan dito ng bala," patuloy ni Ash sabay tingin sa 'kin, pareho kaming napatigil nang makita ang dalawang babae at limang bata sa hukay na pinagtaguan namin.

Magkakayakap sila at nakasuksok sa sulok habang nanginginig sa takot. Makikita ang matinding takot sa kanilang mga mata habang nakatingin sa amin. "Huwag kayong matakot, hindi kami kalaban," saad ni Ash saka itinaas ang kamay niya upang ipakita na wala kaming masamang balak.

Napatigil siya at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang mahabang baril na hawak niya. "Ano 'to?" Gulat niyang saad at nagtatakang nakatingin sa hawak na baril. Sa bilis ng pangyayari kanina ay hindi ko napansin ang mga suot namin.

Kulay puting kamiso, itim na pantalon ang suot ni Ash, at sumbrerong gawa sa banig ang suot ni Ash. Kulay puting kimona, at pulang saya na lagpas tuhod ang suot ko. Nakalugay din ang aking buhok na magulo at puno ng alikabok. Tsinelas na gawa sa alpombra ang suot ko, samantala, gawa naman sa abaka ang suot ni Ash.

"W-wala ito. Napulot ko lang kanina. Panangga." Paliwanag ni Ash na sinubukang ngumiti saka inilagay sa likod niya ang baril upang hindi matakot ang mga bata.

"Huwag po kayong mag-alala, gusto rin po namin makaiwas sa gulo," saad ko sa takot na sumigaw ang mga bata at may makarinig sa aming pinagtataguan.

Halos sampung minuto rin kami nagtago roon hanggang sa unti-unti naming narinig na humina ang palitan ng putok ng baril at nawala na ang mga pagsabog. Mabibigat na yabag ng mga sapatos ang narinig naming tumatakbo na tila umiikot sa paligid. Nagsasalita ang mga boses sa wikang Hapones.

Napapikit kami nang marinig ang pagpasok ng mga sundalong Hapon sa ibabaw ng pinagtataguan naming bahay. Nabasag ang mga plato at nahulog sa sahig ang ilan sa mga kagamitan. Mayamaya ay lumabas na ang mga naghalughog doon at narinig namin ang paghalughog nila sa kabilang bahay.

Madilim na ang paligid nang maalimpungatan ako. Hindi ko namalayan na nakatulog ako habang nakasandal ang aking ulo sa balikat ni Ash. Nagising ako dahil sa mahihinang bungisngis ng mga bata na nilalaro ni Ash. Gamit ang isang kamay ay pinapakita niya ang isang magic trick ng batong nawawala.

"Marahil ay wala na sila," saad ng isang babae na sa palagay ko ay nanay ng mga bata. Tumahimik ang lahat. Inayos ko na ang aking sarili, tumingin sa akin si Ash. "Okay ka na?" Tanong niya, tumango ako saka umiwas ng tingin dahil sa hiya. Mukhang hindi siya masyado gumalaw ng ilang oras para hindi ako magising sa balikat niya.

"Titingnan ko lang," saad ni Ash saka dahan-dahang sumilip sa labas. Ni hindi ko rin nagawang huminga sa kaba. Baka may naiwan pang sundalo na naglilibot sa labas. Dahan-dahang itinulak ni Ash ang malaking sanga ng kahoy at gumapang papalabas upang tingnan ang sitwasyon.

HirayaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon