Epilogo

42.8K 2.1K 6.8K
                                    

[Epilogo]

HINDI mawala ang matatamis na ngiti ng mga bata suot ang kani-kanilang makukulay na costumes. Ang mga batang babae ay nagmistulang mga prinsesa. Ang mga batang lalaki naman ay mga makikisig na prinsipe.

Nakaupo ang ilan sa wheelchair habang ang iba naman ay buhat ng kanilang mga magulang. May mga maliliit na mesang bilog sa gitna at mga lobo sa kisame at sahig ng isang malaking covered court. Napapalibutan din ng maraming bituin ang entablado at ang nakakaindak na musika ang mas lalong nagbibigay ng sigla sa paligid.

Nakalatag sa ibaba ng entablado ang mahahabang mesa kung saan isinasagawa ng mga volunteer doctors, nurses, at medical technologists ang isang Medical Outreach Program para sa mga batang may karamdaman. Katuwang din nila ang isang NGO at pamunuan ng isang Opphanage na tumutulong sa mga batang may sakit at kasalukuyang nasa pangangalaga ng DSWD.

Maituturing ng mga bata ang araw na ito na siyang pinakamasaya sa lahat. Ang programang medikal ay hindi naghahatid ng takot sa kanila dahil sa makulay na paligid at magagandang dekorasyon. May mga pagkain at laruan ding pinamimigay dahilan upang maghari ang kanilang mga ngiti at maliliit na tawa.

Isang batang babae na nakaupo sa wheelchair ang marahang hinatid ng isang nurse papunta sa mesa ng volunteer doctor. "Hi, kumusta ka... Aurora? Magkapangalan pala tayo," ngiti ng doktora saka nilahad ang palad sa tapat ng batang babae.

"Huhulaan ko, favorite mo si Princess Aurora ng Sleeping Beauty, ano?" patuloy ng doktora nang mapansin ang pink dress na suot ng bata at ang korona nito. Tumango ang bata saka ngumiti nang marahan, umupo ang nurse sa tabi ng bata, "Sabi ko sa 'yo, bagay na bagay at mas lalo kang gumanda sa suot mo," dagdag ng babaeng nurse dahilan upang sabay-sabay silang mapangiti.

Mahiyain at hindi palasalita ang batang babae. Nagpatuloy sa pagtatanong ang doktora. Ang buhok nito ay naka-pony tail dahilan upang mas makita ang aliwalas at angkin nitong ganda. Nakasuot din ito ng white coat, blue dress, at white wedge shoes.

Patuloy na nagsasalita ang doktora habang kinukuwentuhan at tinatanong ang batang babae. Nanatiling nakatitig ang batang babae sa kaniya na panay ang tango, animo'y nakakita siya ng isang prinsesa sa totoong buhay. "Maaasahan ko ba na matutulog ka na nang maaga at makikinig lagi kay Nurse Jean?" Tanong ng doktora habang nakangiti.

Muling tumango nang marahan ang bata, "Opo," tugon nito sabay ngiti pabalik. "Dahil mabait at masunurin kang prinsesa, may regalo ako para sa 'yo," wika ng doktora sabay abot ng tatlong makukulay na notebook, pencils, at isang children's story book.

"Salamat po!" Nahihiyang ngumiti ang bata sabay yakap sa mga regalong natanggap niya. Tuwang-tuwa rin ang nurse na nasa tabi niya, "Okay ba? Makikinig ka raw lag isa 'kin," ngiti nito. Tumango nang ilang ulit ang batang babae saka tiningnan ang hawak na mga notebook at manipis na libro. Ang kuwentong pambata ay kulay itim na napapalibutan ng mga bituin. Higit na kapansin-pansin ang kalahating buwan sa gitna kung saan nahahawig ito sa totoong buwan.

"Hi-ra-ya," tumingin ang batang babae sa doktora at nurse nang mabasa niya ang pamagat ng librong binigay sa kaniya. "Ano pong ibig sabihin ng Hiraya?"

"Ito ang kakayahan nating maging malikhain. Ito ang mga pangarap, panaginip, at pag-asa natin na gusto nating mangyari balang araw. Ang pag-aasam natin na matupad ang ating hiling." Tugon ng doktora saka tinapik nang marahan ang ulo ng batang babae dahilan upang kumalansing ang purselas na kaniyang suot.

"Hinihiling ko na sana matupad din ang kahilingan mo balang araw," patuloy ng doktora. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ng batang babae. Kahit hindi pa siya mabilis magbasa, kahit hindi niya pa masyado maintindihan ang mga salitang binabasa niya, nararamdaman niya na naglalaman ng magagandang bagay ang mga kuwentong binabasa nila sa orphanage tuwing gabi.

HirayaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon