Kabanata 17: Hiram

30.7K 1.9K 2.8K
                                    

[Kabanata 17]

NAALIMPUNGATAN si Hiram dahil sa nakasisilaw na sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mata. Nakatulog siya sa damuhan. Hinawakan niya ang kaniyang ulo habang dahan-dahang bumangon. Pumipintig pa rin ang kaniyang ulo at nakakaramdam siya ng hilo.

Nasa paa niya ang bote ng alak na walang laman. Nasa damuhan din ang kaniyang sombrero. Inilibot niya ang mata sa paligid. Ang huli niyang naalala ay pasuray-suray na siyang naglalakad pauwi. Hindi niya matandaan kung nakauwi ba siya. At ngayon, malinaw sa kaniya na hindi nga siya nakarating sa kampo.

Sandaling napatulala si Hiram habang dinadama ang sariwang hangin ng umaga. Kahit gaano pa karami ang alak na inumin niya, bumabalik at bumabalik pa rin ang sugat sa kaniyang puso. Kinuha na niya ang sombrero at nagsimula nang maglakad. Wala siyang maalala. Pakiramdam niya ay nalugmok siya sa isang napakahabang panaginip. At sa kaniyang paggising, hindi na niya iyon maalala.

Naging abala si Hiram sa pagsasanay. Madaling araw pa lang ay bumabangon na siya at nagsasanay mag-isa. Siya rin ang pinakahuling umaalis at nagpapahinga. Napansin iyon ng heneral, nababatid niya na kapag may gumugulo sa isipan ni Hiram ay pinapagod nito ang sarili hanggang sa ang katawan na niya ang tuluyang bumigay.

Lumipas pa ang maraming araw, hinayaan niya lang si Hiram. Maging ang mga kasamahan nitong sundalo ay hindi nagsasalita o nagtatanong kay Hiram. Nababatid nila na wala silang makukuhang sagot. Bukod doon, sadyang nakakatakot si Hiram kapag hindi maganda ang araw nito.

Alas-siyete ng gabi, kasalukuyang nagsasanay si Hiram mag-isa sa malawak na damuhan kung saan sila nag-eensayo ng pamamaril. Walang palya ang pagtudla ni Hiram. Sunod-sunod niyang natatamaan ang gitna ng tudlaan. Ilang sulo lang ng apoy ang nagsisilbing ilaw sa gabi ngunit hindi iyon naging hadlang kay Hiram upang tamaan ang gusto niyang tamaan.

Nawala sa pokus si Hiram nang marinig ang boses mula sa kaniyang likuran, "Ang sabi nila, kakain na raw kayo," ibinaba ni Hiram ang baril saka lumingon sa likod. Sandali siyang hindi nakapagsalita nang makita si Libulan. Nakasuot pa ito ng karaniwang suot ng mga nag-aaral sa Ateneo.

Hindi nagsalita si Hiram, ibinalik niya ang atensyon sa pagsasanay. Tahimik na nanood si Libulan, napatunayan niya na totoo nga ang naririnig niya bali-balita. Mahusay si Hiram sa pamamaril. Kinuha ni Libulan sa kaniyang bulsa ang medalya na naiwan ni Hiram sa tirahan ng kanilang ina.

"Kalimutan mo na ang sinabi ni ina, sa aking palagay, siya'y may karamdaman," patuloy ni Libulan saka inilapag sa maliit na mesa ang medalya. Nakapatong din sa mesa ang mga bala at rebolber.

"Kalimutan? Madali lang para sa 'yo ang sabihin 'yan," saad ni Hiram na nagawang tumawa. Hindi niya pa rin inaalis ang mga mata sa pagtudla. Nais niyang masindak si Libulan sa lakas ng putok na baril na umaalingangaw sa buong paligid.

"Kahit kalimutan mo siya. Kahit ipagtabuyan mo siya. Ikaw pa rin ang hahabulin niya," patuloy ni Hiram saka lumingon kay Libulan. "Ikaw ang itinatangi niya sa lahat, hindi ba?"

Hindi nakapagsalita si Libulan. Napaiwas siya ng tingin. Hindi niya alam ang sasabihin. Totoo na siya ang pinapaburan ng kanilang ina. Subalit, para sa kaniya, hindi magandang bagay iyon. "Ang aking punto, huwag mong damdamin ang mga sinabi niya sapagkat may mga pagkakataon na wala siya sa tamang pag-iisip," saad ni Libulan ngunit tinawanan lang siya ni Hiram.

"At bakit siya humantong sa ganoon? Inamin niyo rin na kayo ang may kasalanan. Sinisisi niya sa akin ang lahat gayong kayo rin ang nagpapalala ng kaniyang sitwasyon," saad ni Hiram. Hindi nakasagot si Libulan. Kilala siyang magaling sa talastasan at pakikipag-debate ngunit sa pagkakataong ito ay wala siyang naisagot sa kapatid.

Tinititigan ni Hiram si Libulan. Kailanman ay hindi niya naranasan ang pagmamahal ng isang ina. Nagpalipat-lipat siya ng tirahan at iba-iba rin ang taong inakala niyang mag-aaruga sa kaniya. Ngunit walang natira, wala ring nanindigang kupkupin ang isang tulad niya.

HirayaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon