CHAPTER 33

74 2 0
                                    

CHAPTER 33

HINDI naka-register sa phone niya ang numero ng nagpadala ng mensahe, pero alam niyang si Lenny ito. Kaya naman mabilis siyang nagmaneho para tuluyan nang makabalik sa Hallony at makauwi sa lungsod nila sa Hellizon.

Pagkatapos niyon ay dumeretso siya sa apartment na tinitirahan ni Lenny. Gusto niyang makausap ang babae at humingi pa ng mas malinaw na paliwanag sa impormasyong ibinigay nito sa kanya.

Sino ang Hiro na tinutukoy nito na siyang kumuha kay Dominique? May kilala siyang Hiro, pero imposible naman yatang gumawa ng krimen ang pinsan niyang ang hirap hagilapin. Imposible nga ba? Nakararamdam siya ng kaba dahil sa ideyang pumapasok sa kanyang isipan.

“Maraming tao ang may pangalang Hiro sa mundo.” Inis siya sa pinsan niya dahil sa ginagawa nitong pagtrato sa kanila, lalo na sa mama niya. Ayaw naman niyang lumala ang nararamdaman niyang pagkadisgusto rito, kahit na hindi niya naman ito totoong kadugo.

Pagkarating niya sa inuupahang apartment ni Lenny ay agad siyang kumatok at tinawag ang pangalan ng babae. Pero nakakailang katok at pagtawag na siya sa babae, ngunit wala pa rin siyang natatanggap na tugon mula sa loob.

Kumunot na ang noo niya at sinubukang pihitin ang seradura ng pinto. At nagulat siya nang malamang bukas ito. Bigla siyang nakaramdam ng kaba para kay Lenny. Naalala niya ang laman ng mensahe. Pinagbantaan ang buhay ng babae, dahilan para manahimik ito. At ngayong nagsalita na ang babae, nasa panganib na ngayon ang buhay nito.

Dali-dali niyang binuksan ang pinto at pinasok ang apartment unit. Agad na gumala ang paningin niya sa loob, pero wala siyang nakitang Lenny. Inilabas niya ang baril na parati niyang dala, at saka nag-umpisang halughugin ang apartment. Hanggang sa may mapansin siya sa center table na nasa maliit na living area.

A note. Dali-dali niya iyong nilapitan, at saka binasa ang nakasulat.

‘Alam kong pupuntahan mo ’ko rito, Detective. Pero huwag n’yo na ’kong hanapin. Ngayong nagsalita na ’ko, siguradong papatayin ako ni Hiro. Kaya magtatago na muna ako hanggang sa mahuli n’yo siya. Please, gawin n’yo ang lahat para mahuli siya at mailigtas si Dom. Nag-research ako ’tungkol sa lalakeng ’yon. At nalaman ko ang buong pangalan niya. Hiro Cervantes. ’Yan ang buong pangalan ng lalakeng ’yon.’

Naikuyom niya sa kanyang kamao ang papel, kasabay ng pagtiim ng mga bagang niya. Hiro Cervantes. ’Yan nga ang buong pangalan ng pinsan niya. Fuck! Kaya ba hindi nila ito mahagilap? Dahil nagtatago ito? Paano ito nagawa ng sarili niyang pinsan?

Mabilis na siyang umalis sa apartment na iyon, at saka naman nagmaneho pauwi sa kanilang bahay. Ngayon niya lamang na-realize, hindi nga niya kilala nang lubusan si Hiro. Saan ba talaga ito nagmula? Isang araw kasi ay bigla na lamang itong iniuwi sa kanila ng mama niya, at sinabing namatay sa aksidente ang mga magulang ni Hiro, kaya sa kanila na ito titira.

Ano’ng klaseng aksidente ba ang kinamatay ng parents ng lalake? Ngayon niya lamang nagawang isipin, pagdating kay Hiro, hindi masyadong nagbabahagi ang mama niya. Ayaw niyang maghinala, pero may nalalaman ba ang mama niya?

Binilisan niya ang kanyang pagmamaneho, hanggang sa tuluyan niya nang marating ang kanilang tahanan. Mabilis siyang umibis sa kanyang sasakyan, at saka patakbong pumasok sa kanilang bahay.

“’Ma!” sigaw niya pagpasok niya pa lamang sa pinto. At nabungaran niya ang mama niya na nakaupo sa sofa na nasa living area, habang umiinom ng tsaa at nanonood ng TV.

“Oh. Nandito ka na.” Inilapag ng mama niya ang hawak nitong tasa, at saka ito tumayo at humarap sa kanya. “Bakit ba sumisigaw ka? May problema ba?”

Marrying A Serial KillerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon