chapter three

220 32 18
                                    

iii. ang fashion circle, si sof, at si sav

s o f

───────────────

Isang beses, lasing kami parehas ni Sav galing sa birthday party ng kaibigan naming si Bry. Noong gabing 'yon, 'yung family niya ay nagpuntang probinsya, pero hindi siya sumama dahil sabi niya, mami-miss niya raw 'yung Pasig. Hindi naman ako naniwala sa kanya no'n; malakas lang feeling ko na may pumipigil sa kanyang umalis. Kung ano man 'yon, hindi ko alam.

Basta ang alam ko, 'yung gabing 'yon ang pinaka-memorable para sa 'kin.

Para kasi kaming tanga parehas no'n. Alala ko, nakaupo kami sa may gilid ng Fashion Circle, tapos umiinom pa kami ng Cobra. 'Yung mga nangyari at mga sinabi sa 'kin ni Sav no'ng gabing 'to, hindi niya na maalala. Wala na sa memorya niya, at kahit kailan, hindi ko rin binalak sabihin sa kanya na naaalala ko pa ang mga 'to.

Minsan din kasi, gusto ko na lang ding kalimutan.

Malamig nung gabing 'yon, nahihilo ako, at parang siya lang ang nagma-make sense sa mundo pati na ang amoy ng alak sa hininga niya. Nakasandal siya sa balikat ko nung bigla siyang nagsalita.

"Uy," sabi niya.

"Oh?"

"Kung aamin ba 'ko sa 'yo, magagalit ka sa 'kin?"

Tumalon nang pagkalaki-laki ang puso ko sa tanong niya. Ni-compose ko ang sarili ko kahit na mahirap — kahit halos malabo — kasi may tama rin talaga ako nung oras na 'yun.

"Una, ano'ng aaminin mo?" tanong ko, mahina ang boses. May sa dalawang kotse na ang dumaan. "At bakit ako magagalit?"

"Na . . . na ano . . ."

"Ano?"

Pinipigil ko ang hininga ko.

"Na gusto kita," sabi niya. "Na may gusto ako sa 'yo."

Napahigpit ang hawak ko sa Cobra. "Lasing ka lang yata."

"Kunwari hindi ako lasing," sabi niya saka umahon mula sa balikat ko. Umupo siya sa harap ko saka tiningnan ako nang diretso sa mga mata ko. "Gusto kita."

Ang nauna kong naisip, imposible. Pangalawa, ito na ba 'yung drunken confession na napapanood ko sa TV? Pangatlo, imposible. Mas pinili kong hindi maniwala. Lasing siya, hindi niya alam sinasabi niya, at hindi ako magpapauto dahil lang sa sinabi niya isang beses habang nasa impluwensiya ng alak.

"Okay," sabi ko. "Uwi na tayo."

"'Di ka galit?"

"Hindi ako galit." Tumayo na ako.

"Bakit?" sabi niya. "Bakit hindi ka galit?"

"Kasi gusto rin kita, Sav."

"HAHAHAHAHAHA."

"Talagang tinawanan mo 'ko?"

"Kasi . . . kasi . . ." Hindi na siya makahinga sa kakatawa. Napakapit siya sa braso ko habang tumatawa. "Kasi . . . baka hindi ko 'to maalala bukas."

si sav at si sofWhere stories live. Discover now