chapter ten

302 29 51
                                    

x. ang prom night, si sav, at si sof

s a v

───────────────

Dapat pala nung sinabi kagabi ni Sof na inaantok na siya at gusto na niyang umuwi, hindi ako tumayo saka sumama sa kanya maglakad palayo. Dapat pala hinawakan ko ang kamay niya ta's pinaupo lang siya at pinilit siyang ituloy 'yung kung ano mang gusto niyang sabihin sa 'kin . . . kasi unang beses sa buhay ko, naging sigurado ako. Hindi ako nag-iilusyon. Nakita ko sa mga mata ni Sof na may gusto siyang sabihin sa 'kin, at kita ko rin sa mga mata niya ang pag-aalinlangan. Alam ko. Pamilyar ako ro'n kasi nasuot ko na ang mga matang 'yun. Gano'n din ang tingin sa akin ni Gabby noong una at pangalawang beses bago siya umamin sa 'kin — bago niya sabihin sa 'kin, gusto kita.

Kaya ngayon, prom night, habang nakatayo sa isang gilid (pagkatapos muntik hindi papasukin dahil naka-suit ako imbis na gown), at pinapanood si Sof na maging maganda mula sa malayo, isa lang ang nasa isip ko.

Gusto niya rin kaya ako?

Kanina ko pa siya gustong lapitan. Sabay naman kaming pumunta rito kaya sa bahay pa lang nila kasama ko na siya, pero dito ko siya gustong lapitan. Ang hirap nga lang kasi panay aligid si Edwin, kaurat, sobrang papansin niya kay Sof. 

Buti na lang, maya-maya, si Sof na ang lumapit sa 'kin.

"Nasa'n si Gabby?" Ang cute ng make-up ni Sof. Ang swerte niya kasi sa parlor nagtatrabaho ang mama niya. Siyempre, naka-swerte rin ako, kasi madalas kung anong meron si Sof ay meron din ako. Saya magka-free make-up, lalo na kung sa future mother in law galing. Joke.

Narinig ko mula sa mga kaibigan ni Gabby na nagka-sore eyes daw siya. Medyo hindi naman ako naniniwala.

"Malay," tipid kong sagot. Medyo nakakakaba kasi ang ganda ni Sof ngayon, sobra. Lagi naman, pero iba dating niya kapag may make-up.

Saglit kumunot ang noo ni Sof saka bigla siyang tumawa na may kasamang hampas. "Oh, ano ka ngayon! Sino na isasayaw mo niyan?"

IKAW. Si Sof lang naman ang gusto kong isayaw pero tang ina nadadaga talaga ako. Parang may pumipilipit na kung ano sa tiyan ko kapag iniisip kong hingin ang kamay niya saka isayaw siya. Paano kung mawirduhan siya? O iwasan niya ako bigla? Pwede ko bang sabihing biro na lang ang dare na ginawa namin nung bata pa kami? 

Bwisit. Anong gagawin ko?

"Wala," na lang ang sinagot ko.

"Ha. E di wala rin nangyari sa promise na ginawa natin noon," sabi niya saka umirap. "Pauso ka kasi."

"Kumasa ka naman."

"G or die kasi ako."

"E, ikaw?" balik na tanong ko. "Isasayaw ka ba ni Edwin?"

"Edwin, Edwin, Edwin, puro ka Edwin. Baka ikaw may crush do'n."

Ewan ko kung bulag si Sof, o nang-aasar, kasi halata naman sa 'king hindi ako nagkakagusto sa lalaki. Humawak na lang ako sa bibig ko at nagkunwaring nasusuka. Ang lakas naman ng tawa ro'n ni Sof kaya siyempre, may kasama 'yong hampas.

"Napakasama ng ugali mo!" sabi niya. 

"Ano nga?" pilit ko sa usapan. "What if isayaw ka niya? E di siya na?"

Dahan-dahang tumahan ang tawa ni Sof. Napatingin siya kay Edwin na nagsasalin ng juice sa isang gilid, saka siya huminga nang malalim. Bumalik ang tingin niya sa 'king may matipid na ngiti.

"Ewan. Bahala na."

May kung anong sumikip sa dibdib ko sa sagot niyang 'yun kasi ayaw ko talagang isayaw siya ni Edwin — ayaw kong lumapit sa kanya si Edwin, o tingnan siya ni Edwin, o hawakan siya ni Edwin — gusto ko sana ako lang. Gusto ko ako lang. Bakit ba sobrang hirap gumalaw? Sobrang hirap kumalas sa takot? Pucha kasi, e. Kung sana hindi ko na lang 'to pinatagal. Bakit ba ako ganito? Ako lang din ang gumagawa ng sarili kong problema.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jan 08, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

si sav at si sofWhere stories live. Discover now