5) Malinao

16 2 1
                                    

Kabanata 5 - Malinao

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Kabanata 5 - Malinao

"Kay hilig mo namang maglakwatsa! Hindi ka ba napapagod sa kagagala kung saan-saan?"

Awtomatikong nagbukas ang mga mata ni Archangel nang marinig niya ang tinig ni Olivia. Halos kalahating oras na pala niyang hinihintay ang dalaga at hindi niya namamalayan na siya ay nakaiidlip na pala sa kaniyang inuupan. Hindi mapigilang hindi mapahanga ni Archangel nang makita niya ang postura ng dalaga. Sa lahat ng dalagang kanyang nakakasalamuha sa Barangay Bambang ay napansin niya na ito lamang ang hindi nagsusuot ng bestida. Nakasuot ito ngayon ng kulay tsokalateng pants at pinaresan ito ng blusang puti na punong-puno ng kulay dilaw na floral. Ang buhok nitong glamour waves ay hinahangin ng marahan.

Aaminin niya na kahit parating nakalukot na parang isang papel ang mukha ni Olivia, para sa kaniya ay mas kamangha-mangha ang kagandahan ng dalaga kaysa sa mga batikang aktres sa panahong na ito na sina Sigrid Sophia Agatha de Torres von Giese o kilala sa tawag na Paraluman at Gloria Lerma Yatco na kilala naman sa tawag na Mona Lisa.

Agad niyang inayos ang kaniyang tindig nang mapagtanto niya na lumalalim na pala ang kaniyang iniisip. Marahil ay dala lamang iyon ng antok sapagkat madaling araw na sila natapos ni Tatay Selyo sa pag-inom ng Halili Balintawak Beer.

Inunahan niya sa pagtawid ang dalaga upang hindi ito masagi ng mga kalesa, at mga karitong tulak-tulak ng mga matatandang naglalako ng mga tinda nilang gulay, prutas at isda na nagdaraan sa kalsada.

Halos magdadalawang buwan na rin pala ang lumilipas na kasama niya ang dalaga. Marami pa siyang lugar na nais pang mapuntahan sa Pasig ngunit ayaw naman niya na mapagod ito sa paglalakad at sa pagsasalita. Hinayaan na lamang niya muna itong makapagpahinga lalo na't may mabigat pala itong problemang dinadala araw-araw. Bukod pa roon ay naging abala rin si Olivia sa paglalaba ng damit ng mga banyagang amerikano na namamahinga sa Barangay Bambang. Nauunawaan niya rin ang dalaga kung bakit kumakayod ito ng todo sapagkat ayaw nitong umasa sa kahit kanino man.

"Ika nga nila, habang nabubuhay ka pa sa mundo ay puntahan mo na ang mga lugar na nais mong puntahan. Hindi kung kailang isang kaluluwa ka na ay 'saka ka lamang magpapagala-gala sa ibabaw ng lupa."

Isang masamang tingin ang itinapon sa kaniya ni Olivia na naging dahilan ng kaniyang marahang paghalakhak. Nababasa niya ang tumatakbo sa isipan nito na siya ay muli na namang nahihibang.

"Bakit hindi ka na lamang bumalik sa pagiging sundalo at muling magtrabaho? Sapagkat habang ikaw ay nabubuhay rito sa mundo ay puro kalokohan na lamang ang palaging umaandar diyan sa utak mo!"

"Hindi maaari! Baka matulad ako sa iyo na puro na lamang problema ang palaging iniisip at nakakalimutan nang maglibang at alagaan ang sarili. Napagtanto ko na mas walang kakulay-kulay ang iyong buhay kaysa sa akin."

Napatigil sa paglalakad si Olivia at hinarap si Archangel na nginingitian lamang siya nang matamis. Hindi siya makapaniwala na hindi ito magdadalawang isip na saktan ang kaniyang damdamin. Ngunit may katotohanan din naman ang binigkas sa kaniya ng binata. Parati niyang pinapaandar sa kaniyang isipan ang kaniyang mga problema na nagiging sanhi ng paglugmok niya sa kaniyang sarili sa kalungkutan. Kahit anong sigaw ng kaniyang utak ay hindi niya magawa ritong magalit.

AwangganWhere stories live. Discover now