21

1.2K 176 22
                                    

XXII.

"Sino pa bang kulang?!" Naiinis nang sigaw ni Lian mula sa harap ng bus.

"Si Yohan at Pieter!" Sigaw ni Tijay, "Ano ba?!" Sinilip ko sila sa pagitan ng upuan at nakakunot 'yong noo ni Tijay pero halatang natatawa, "Bawal ka na ngang umalis diyan! Diyan ka umupo, diba?!" Kunwaring pagalit na sabi niya kay Charmaine.

"Hindi ko naman kasi alam na hindi 'to 'yong upuan ko!" Sigaw niya.

Pinagtitinginan na sila ng mga kaklase namin pati ng ibang pangkat na kasama namin pero wala silang pakialam.

"Kasalanan ko?!" Hindi na napigilan ni Tijay na tumawa kaya't pinaghahampas-hampas siya ni Charmaine.

Naiiling na lang akong umayos ng upo at tinanaw 'yong medyo madilim pang kalangitan sa labas.

Umihi kasi si Charm kanina at papikit-pikit siyang bumalik dito kasi inaantok pa nga. Nagtataka nga 'ko kasi nilagpasan niya 'yong upuan namin tapos paglingon ko sa likuran umupo. Sa tabi ni Tijay. Hindi ko na sinaway kasi sinenyasan din ako ni Tijay. Ta's maya-maya narinig ko na lang na nagsisigawan na sila. Ayaw na niyang patayuin si Charm.

"Pwede bang 'wag kayong masyadong maingay?" Napatingala ako sa harapan at nakitang nakadungaw 'yong isang Moril, "Natutulog kasi si Ryka." Malumanay na pagkakasabi niya pero halatang naiinis kung pakikinggan mo ng mabuti.

"Lumipat na lang kayo ng bus. Kayo na nga lang 'tong nakikibahagi, diba?" Nakangiti ng pekeng ganti ko.

Akmang magsasalita pa siya nang bumukas na 'yong makina. Taka naman akong tumingin sa harap at nakitang nando'n na 'yong dalawa at mukhang may nangyaring hindi maganda dahil parehas na may bahid ng galit sa ekspresyon nila.

Kunot-noo kong tiningnan si Yohan nang padabog siyang umupo sa tabi ko at nagsaksak ng earphone sa tenga niya bago humalukipkip at pumikit. Lumagpas naman sa'min si Pieter at umupo ro'n sa pinakadulo.

"Kumpleto na ba?!" Tanong ni Lian.

"Opo!"

"Sa wakas!" Pairap niyang sabi at umupo na sa upuan niya sa harap.

Sinulyapan ko ulit si Yohan sa tabi ko at nagkibit-balikat. Inilabas ko 'yong libro ko sa bag ko at nagsimulang magbasa. Buti na lang at hindi magalaw 'yong bus.

"Ishana, paabot nga ng tubig niya diyan nang manahimik 'to." Kalabit sa'kin ni Tijay.

Kinuha ko 'yong tubig ni Charm at inabot sa likuran. Napasulyap ako kay Yohan at nakitang gulat siyang nakatingin sa'kin. Tinaasan ko siya ng dalawang kilay, "Bakit?"

"B-Ba't--- ba't--- ba't---"

"Ano?"

"Ba't katabi kita?!" Sigaw niya at napapikit ako ng mariin dahil may tumalsik na laway niya sa mukha ko.

Napangisi ako at madiin na hinilamos 'yong kamay ko sa mukha bago siya sinamaan ng tingin, "Ikaw 'tong tumabi, diba?" Naiinis na tanong ko.

Namula naman siya nang malamang may tumalsik na laway niya, "Pasensya na." Nakangusong sabi niya at tinakpan ng panyo 'yong mukha niya, "Hindi ko naman alam na ikaw pala natabihan ko." Parang batang sambit niya.

Napairap na lang ako at nagsimula na ulit magbasa.

"Ano ba?" 'Di ko na napigilang sawayin siya.

Pa'no ba naman kasi, usog ako ng usog no'ng libro pero lapit siya ng lapit ng ulo niya kaya natatakpan.

"Pabasa lang naman." Mahinang sagot niya at nakangusong umayos ng upo.

Ang hilig nitong ngumuso.

"Parang bata." Naibulalas ko.

"Baka nga mas matanda pa 'ko sa'yo." May kung anong binulong siya pero hindi ko narinig, "Ano ba 'yang binabasa mo?"

"Libro."

"Ah. Akala ko magasin." Sarkastikong sagot niya.

Padabog kong isinara 'yong libro at isinauli na sa loob ng bag ko. Humarap ako sakaniya nang pa-indian seat dahil kanina pa nakahubad 'yong rubber shoes ko, "Ano bang gusto mong pag-usapan?" Malumanay na tanong ko.

"H-Ha?" Nanlalaking-matang tanong niya.

"Anong gusto mong pag-usapan?"

"A-Ano?"

"Anong gusto mong pag-usap---"

"Oo! Narinig ko! Paulit-ulit." Naiinis na sabi niya.

Tinaasan ko lang siya ng kilay, "Ano nga?"

"Bakit ba?" Kunot-noong tanong niya.

"Alam ko namang wala kang balak patahimikin ako, 'di ako makapagbabasa ng maayos. Kaya kakausapin na lang kita kagaya ng gusto mo." Humalukipkip ako at sumandal sa bintana.

"A-Anong gusto ko? Wala naman akong sinabi!" Namumulang tanong niya at maya-maya'y napasapo ng noo pero umiling-iling siya, "'Wag ngayon, Dos. Kaya ko 'to." Paulit-ulit na bulong niya sa sarili hanggang sa tumingala na ulit siya.

"Anong nangyari?"

Umiling siya, "Kapag ikakasal ka ba sa babaeng hindi mo mahal o gusto man lang, papayag ka?"

Nagulat ako sa biglaang tanong niya pero kaagad kong ibinalik ang postura ko dahil ito siguro ang gusto niyang pag-usapan, "Hindi."

Napahinga siya ng malalim, "Tama, diba? Hindi dapat, diba? Buti ka pa. Ano bang dahilan mo?"

Umalis ako sa pagkasandal at humalumbaba, "Babae kasi ako. Ba't ako magpapakasal sa kapwa ko babae?"

Tinitigan niya 'ko at unti-unting kumunot 'yong noo, "Gusto mong ihagis kita sa labas?"

"Bakit?" Inosenteng tanong ko, "Ginawa ko sa'yo?"

"Seryoso kasi ako. Papayag ka bang makasal sa tanong hindi mo mahal?" At napaseryoso ko nang malamang seryoso siya.

Bumuntong-hininga ko at isinandal ang ulo ko sa upuan, "Siyempre, hindi. Hindi ko naman siya mahal, ba't ko siya pakakasalan?"

Medyo lumiwanag naman 'yong mukha niya pero seryoso pa rin siya, "Pero kapag kailangan? Para sa ikabubuti ng iba?"

"Kung sa ikabubuti ng iba, ang payo ko'y pakasalanan mo siya." Napalingon kaming dalawa kay Kyra na nasa harapan at nakaluhod sa upuan niya para makita kami.

"Bakit ka nakikinig?" Kunot-noong tanong ko.

"Kahit ayoko'y naririnig ko pa rin kayo." Kibit-balikat na sagot niya.

"Kung ayaw mo talaga'y gagawa ka ng paraan para hindi mo marinig." Nagsimula nanamang kumulo ang dugo ko sa Moril na 'to. Kung hindi 'yong kapatid niya, siya naman.

Hindi niya 'ko pinansin at nilingon si Yohan, "Pakasalan mo, Yohan. Kasi kailangan." Napakunot-noo 'ko nang masyado siyang seryoso sa pagsabi no'n.

"Sino ba 'yong babae?" Biglang lumabas sa bibig ko nang 'di ko nalalaman.

Mukhang nagulat naman si Yohan sa biglaang tanong ko pero sumagot din, "Hindi ko kilala."

"Hindi mo kilala?" Parang nagulat na tanong ni Kyra.

"Hindi." Sagot niya at dahan-dahan namang umayos ng upo si Kyra na parang may iniisip.

Napatitig naman ako kay Yohan at nilabanan niya naman 'yong titig ko, "Kapakanan mo o sakanila?" Simpleng tanong ko.

Napakagat-labi siya at napayuko, "Hindi ko alam."

"Kung sa'yo, 'wag kang magpakasal. Pero kung kapakanan nila ang pipiliin mo, 'di magpakasal ka. Kung 'yon ang ikabubuti nila."

Tumingala siya at tinitigan ako ng taimtim, "Pero may gusto akong iba."

Lost PlanetWhere stories live. Discover now