1

3.3K 221 12
                                    

I.

Napakagandang tingnan ang mga bituing kumikinang. Lalo na't may pagkamadilim dito sa parte ko, kaya mas lalo kong nakikita ang kagandahan ng mga iyon.

"Ate, ano pong nigagawa mo diyan?"

Napalingon naman ako nang may narinig na boses ng bata.

"Bakit po nakahiga ka dito, ate? Wala ikaw bahay?" Tanong niya pa ulit. Tumabingi pa 'yong ulo niya na parang nagtataka talaga.

Hinawakan ko 'yong sumbrerong suot ko para hindi malaglag at umupo ako mula sa pagkakahiga sa damuhan, "Mayro'n. Nagpapahinga lang ako rito. Ikaw? Gabi na, hindi ba? Ba't narito ka pa sa parke?" Tanong ko.

"Bigla pong nawala si Mama ko. Ang usapan po namin kung sakaling magkahiwalay kami, dito ko siya hihintayin. Masyado po kasi akong malikot kaya madalas kaming nagkahihiwalay pag bumibili." Nahihiyang paliwanag nito.

"Ilang taon ka na ba?"

Ipinakita niya ang anim niyang daliri habang magiliw na nakangiti.

"Anim na taong gulang ka pa lang pero alam mo na ang daan papunta rito?" Nagtatakang tanong ko.

Kasi ang alam ko sa planetang 'to, sa ganiyang edad, wala pa silang masyadong alam sa mga direksiyon.

"Dito po kasi ako dinadala ng Papa ko noon." Nakangiting sabi nito.

"Ba't hindi mo siya kasama? Nasa'n ang Papa mo?"

"Nando'n na po." Sabay turo sa taas.

Napatingala naman ako do'n at nakita ulit ang mga bituin.

"Sa kalawakan?" Kunot-noong tanong ko at binalik ang tingin sakaniya.

Kauri ko ang tatay niya?

Napatawa naman siya ng mahina, "Hindi po. Sa langit po."

"Langit?" Tanong ko ulit.

Tumango naman siya ng sunod-sunod, "Opo!"

"Arelain!"

Napalingon kami parehas nang may sumigaw mula sa likod no'ng bata.

Tumakbo 'yong matanda at niyakap 'yong Arelain, "Diyos ko. Akala ko'y nawala ka talaga. Bakit nandito ka sa burol? Sabi ko'y do'n ka lagi sa palaruan sa baba para makikita kita kaagad." Nag-aalalang sabi no'ng babae sakaniya at hinalikan ang noo nito.

"Sorry, Mama! Wala po kasi akong kasama ro'n. Natatakot po 'ko kasi madilim. Tapos natanaw ko po si ate..."

"Shan." Tipid na ngiting sabi ko.

"... Tapos natanaw ko po si ate Shan na nakahiga rito. Kaya nilapitan ko po siya." Paliwanag nito sa babae.

Tumingin sa'kin 'yong babae, "Ah, miss. Pasensiya na kung kinulit ka ng batang 'to, ha? Salamat din sa pagbabantay sakaniya pansamantala."

Binantayan ko ba siya? Hindi naman. Bigla lang siyang lumitaw diyan at dumaldal ng mga bagay na hindi ko maintindihan.

"A-Ayos lang." Kahit nagtataka'y sinagot ko ito.

"Sige. Mauuna na kami. Salamat ulit, miss." Nakangiting sabi nito. Tumango lang ako at tumingin sa bata.

"Arelain ang pangalan mo?" Tanong ko rito.

"Opo. At siya po si Mama ko. Paalam na po, ate Shan. Umuwi ka na po kasi malamig. Baka magkasipon ka!" At kinaway niya 'yong kamay niya habang naglalakad sila pababa ng mama niya.

Alanganin naman akong kumaway pabalik. At hanggang sa mawala sila sa paningin ko ay masaya siyang kumakaway.

Pagkawala nila'y narinig ko nanaman 'yong mga kuliglig. Napahinga na lang ako ng malalim at humiga ulit sa damuhan.

Lost PlanetWhere stories live. Discover now