KABANATA 13

466 22 0
                                    

Napabalikwas ako ng bangon mula sa aking pagkakahiga. Agad akong bumangon at tumingin sa labas ng bintana. Napahilamos na lang ako sa mukha ng matauhan.

Haist, tanghali na ako nagising. Anong oras na rin ba naman kasi ako nakatulog. Iniisip ko kasi ‘yung mga nangyari kay Senyor Xavier bago ako natulog.

Wala naman kasing sinabi si lola Ananta tungkol sa ganoong sinapit ni Senyor Xavier. O baka naman hindi sa kaniya sinabi ni lola Talisa na si Senyor ang anak ng pinatay ng kanilang ama.

Agad akong pumasok sa palikuran sa loob ng aming silid. Kailangan kong magmadali dahil baka maiwan ako nina Keres sa pagpunta sa ilog. Binilinan nga kasi ako ni Senyor na roon ko na linisan ang sugat ko.

Paglabas ko ng palikuran ay tuloy-tuloy na ako sa labas at pumasok sa kusina. Agad ko namang naagaw ang atensyon ni Keres. Naglilinis siya ng lamesa. "Oh, gising ka na pala." Bungad niya sa'kin.

Napakamot naman ako sa batok dahil nakakahiya na. Kahapon tanghali na rin ako nagising. Para na akong hindi katulong dito e'.

"Pasensya na kung tanghali na naman ako nagising. Anong oras na rin kasi ako nakatulog kagabi." Nahihiya kong wika.

Nakangiti naman siyang tumango. Pero ‘yung ngiti niya parang merong pinapahiwatig na iba. "Ayos lang, sinabi naman ni Senyor na ginising ka niya kagabi kasi huhugasan niya ‘yung sugat mo." Wika niya.

Napakunot-noo naman ako. Hindi naman ganoon ‘yung eksaktong nangyari e'. Pero ayos na ‘yon baka ayaw lang ni Senyor na iba ang isipin nina Keres tungkol sa'min.

"Syaka kaninang umaga bago siya umalis binisita ka niya sa silid natin. Kung hindi mo namalayan hinugasan niya ang sugat mo." Dagdag niya pa.

Napalingon naman ako sa benda sa palad ko na iba na nga. Wala na roon ang nakaburdang pangalan ni Senyor. Ang dami naman niyang tela.

"Nga pala, nasaan si Azazel?" Pag-iiba ko ng usapan.

"Inihahanda na niya lahat ng aming lalabhan. Binilin ni Senyor na ‘wag ka naming iwan, kailangan mong sumama sa'min sa ilog para hugasan muli ‘yang sugat mo." Wika niya.

"Ayos lang naman siguro kung hanggang hapon tayo roon hindi ba? Hindi naman uuwi ng tanghali si Senyor." Sambit ko. Tumango naman siya bago lumabas ng kusina.

"Sumunod ka sa'kin, baka ayos na ang mga lalabhan natin. Mas maaga tayong mag-uumpisa mas maaga tayong matatapos. Ay, kami lang pala. Bawal kang maglaba dahil may sugat ka pa." Litanya niya.

Tumango naman ako bago sumunod sa kaniya. Pumasok kami sa isang silid kung saan nandoon ang mga lalabhan nila. Kabilang na roon ang iilang mga gamit ni Senyor.

Pati ba panloob niya kailangan labhan pa? Alam ko namang trabaho iyon ng mga katulong, pero parang medyo nakakailang naman, di'ba?

Binuhat ni Keres ang isang lalagyang puno ng labahan. Ganoon din ang ginawa ni Azazel sa isa pa. Kukunin na sana niya ang isa pang lalagyan ng agad ko iyong buhatin gamit ang kaliwa kong kamay.

Napaawang ang kanilang mga bibig pero nginitian ko lang sila. "Halika na sa ilog, tutulungan ko na lang kayo magbuhat tutal hindi ako makakatulong sa paglalaba." Wika ko.

"Hindi ka pwedeng magbuhat ng mga mabibigat. Bitawan mo ‘yan." Nag-aalalang wika ni Azazel.

"Ayos lang, sanay naman ako magbuhat ng mabibigat. Pati nga problema binubuhat ko." Pagbibiro ko naman bago naunahang lumabas ng silid. Wala na silang nagawa kundi sumunod na lamang sa'kin.

Nang makalabas na kami ng mansyon ay pinauna ko na sila dahil hindi ko alam kung nasaan ‘yung sinasabi nilang ilog.

Ilang lakaran lamang namin at nakarating na kami sa sinasabi nilang ilog. Namangha ako sa sobrang ganda ng tubig-ilog. Sayang wala akong cellphone, edi sana napicturan ko ito.

The Past And Future (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon