Bumalik na sa dati si Amelia matapos talunin ni Tekla ang lalaking gumawa sa kaniya no'n. Hindi maipaliwanag ni mang Doming ang sayang nararamdaman niya. Nakapaslang ng aswang ang anak niya sa unang pagkakataon, hindi lang basta aswang, mangkukulam din kaya't parang naluluha si mang Doming sa nagawa nito subalit ng tumili ito at narinig niya ang boses ng kabaklaan nito ay parang umatras ang mga luha niya at bumalik lahat ng nararamdaman niyang pagkadismaya.
Ibig niya pa ring maging tunay na lalaki si Tikboy, parang laging ina-altapresiyon siya sa tuwing naaalala na binabae ito. Paano susundan ang kanilang lahi kung ang kaniyang nag-iisang anak ay pusong babae.
“Hulaan mo tay ano ang pinanlaban ko sa poging aswang hashtag mangkukulam na ‘yon?”magiliw na tanong ni Tikboy sa kaniyang ama.
“Ano?” si mang Doming.
“Pang alis ng ingrown!” sigaw ni Tekla.
Napahawak na lamang si mang Doming sa kaniyang mukha, hindi siya natuwa sa narinig.
“Aswang na kinalaban mo pero kabaklaan pa rin pinairal mo?!” inis na wika ng matanda.
“‘Yong pun—” sasabihin pa sana ni Tikboy na ang punyal talaga ng ama ang ginamit niya, pero bago pa man niya masabi ay umalis na ito.
***
Kinabukasan, sa tindahan nila Ibyang ay tumambay muna si Tikboy, naroon di si Indang at ilang kaibigang bakla ni Tikboy.“Anong feeling maging maskuladong baklang albularyo hashtag antingero mareng Tekla?” natatawang tanong ng kaibigang bakla ni Tikboy na si Patty na Pedring talaga ang totoong pangalan, ‘di gaya ni Tikboy ay hindi pa alam ng tatay nito na bakla rin siya.
“Nakakaiyak malamang, hindi ito ang gusto kong ganap sa buhay pero ayoko namang sumama ang loob sa'kin ni tatay. Pinangako ko kay nanay na hangga't nabubuhay pa si itay ay aalagaan ko ito at gagawin lahat ng gusto niya. Ang kabaklaan ko lang talaga ang dihins keri pigilan.”
Tumango lamang ang mga ito bilang pagsang-ayon habang sinisipsip ang hawak na mga plastik na may lamang inumin.
Biglang may sasakyang huminto ‘di kalayuan sa tindahan nila Ibyang. Isang lalaking malaki ang pangangatawan ang bumaba mula rito, dumukot muna ito ng sigarilyo at panindi sa kaniyang bulsa. Naka-ilang hithit ito bago naglakad palapit sa tindahan nila Ibyang. Maangas ang taong ito, parang mga kontrabida sa pelikula, na kahit tirik ang araw ay naka itim na leather jacket pa.“Nasaan ang nanay mo hija?” ani nito nang makalapit na sa tindahan nila Ibyang. Panay hithit at buga ito ng sigarilyo.
“Wala po rito eh, umalis po,” tugon naman ng dalaga. Bahagyang nainis ang lalaki sa sagot ni Ibyang, itinapon nito sa lupa ang kaniyang sigarilyo at tinapakan.
“Sabihin mo sa nanay mo, na ubos na ang palugit sa kaniya ni Amo. Kung hindi siya magbibigay, mawawala ang tindahang ito na may kasamang interes!“ wika ng lalaki at tiningnan ng nakakaloko si Ibyang.
“Teka, teka sandali! Menor de edad ‘yang minamanyak mong matanda ka! At bakit magbibigay sa inyo si aleng Senyang? Sa pagkakaalam ko hindi utang ang puhunan sa tindahang ito!” sabat ni Tekla at tinaasan pa ng kilay ang lalaki.
“At sino ka namang bakla ka?! ‘Wag kang makikialam dito kung ayaw mong samain!” ani ng lalaki at kinuwelyuhan si Tekla. Nasagi nito ang medalyong suot ni Tekla, biglang uminit ito dahilan para mabitiwan niya si Tekla.
Tiningnan ng lalaki si Tekla na may halong inis at kaba, biglang nakaramdam ng kakaiba si Tekla sa lalaking ‘yon. Agad na umalis ito at nagsabi na babalik.
Matapos ang pangyayaring iyon ay umuwi na si Tekla sa kanilang bahay at doon ay nasa sala ang kaniyang amang si Doming na hinihintay siya.
“Maupo ka rito Tikboy.” Agad naman na tumungo ito at umupo sa tabi ng ama. May iniabot itong lumang notebook sa kaniya.
“Ano po ito itay?”
“Mga paraan kung paano mo palalakasin at pakakainin ang mga binigay kong mutya at medalyon sa'yo. Sinulat ko na lahat, bilang paniniguro. Matanda na ako at wala akong ibang alam na maaaring pagkatiwalaan ng mga kaalaman na ‘yan kun'di ikaw lang.”
“Tay naman, mamamatay na po ba kayo? Bilisan este ‘wag naman.”
“Sira! Bibigyan mo pa ako ng apo bago mangyari ‘yan!”
“Tay naman, bakla nga po ako, akala ko ba tanggap na ninyo iyon?”
“Tatanggapin ko kapag may apo na ako. Oh siya aralin mo ‘yan, isaulo mo hangga't maari ng mas maaga, dahil nararamdaman kong nasa paligid lang sila!”
Ani ni mang Doming habang nakatingin sa labas ng bintana. Doon ay natanaw niya ang isang lalaki, ang lalaking nagpunta sa tindahan nila Ibyang.

BINABASA MO ANG
TEKLA: ANG ANTINGERONG BAKLA
HumorBlurb Alam na ni Tikboy na pusong babae siya. Tekla ang tawag ng mga kaibigan niyang babae at bakla kapag kasama siya ng mga ito. Subalit, pilit niyang ikinukubli ito sa kaniyang tatay na si Doming, dahil alam niyang hindi nito matatanggap kapag nal...