Napalingon si Doming sa may aparador kung saan nakalagay ang kaniyang mga gamit sa panggagamot at mga bote ng langis. Parehong kumukulo ang mga ito, palatandaan na may elemento sa kanilang bakuran. Biglang humilab din ang tiyan ni Lourdes, umalulong din ang mga aso ng kanilang kapitbahay.
Bahagyang sumilip din si Tikboy sa labas ng kanilang bintana at doon nakita niya ang ilang bulto ng tao na nakatayo sa labas at ang namumulang mata ng mga ito.
“Magandang gabi po, maari ba Kaming makahingi ng kaunting tulong?” ani ng isa sa mga ito na ang boses ay tila isang matandang lalaki.
“Mga aswang ‘yan Tikboy, ‘wag kang palilinlang,” si mang Doming.
“Alam ko po tay, abot hanggang dito ang amoy ng mga ‘yan eh.”
Hindi nila magagawang humakbang pa nang mas malapit sa bahay ni mang Doming dahil mayroon itong inilibing sa paligid ng bahay bilang pangontra. Makakapasok lamang sila kapag nasira ng mga ito ang bubong ng bahay.
“Pasensiya na at wala kaming kahit ano na maibibigay. Umalis na kayo!” mariing wika ni Doming.
“Masiyado kang matigas tanda, ang mabuti pa'y ibigay mo na lang sa'min ang babae. Walang mangyayari sa'yo at sa mga kasama mo kung hahayaan mo kaming dalhin siya ng matiwasay,” ani ng isa sa mga ito.
“At bakit kayo paladesisyon, ha? Maligo nga kayo bago kayo mangapitbahay! Abot hanggang dito mga amoy niyo! Bawang ba mga deodorant niyo, ha?!” pagtataboy ni Tikboy sa mga ito subalit hindi natinag ang mga ito. Sa inis ni Tikboy ay tumungo ito ng kusina, nagbuhos ng tubig sa isang batyang may katamtamang sukat.
Nilagyan niya ito ng asin at durog na bawang. Habang hinahalo gamit ang malaking sandok ay tumawa na animo'y isang mangkukulam si Tikboy.
“Ano ba'ng pinaggagawa mo ha Tikboy?” si mang Doming.
“Mekus-mekus po tay,” tugon naman ni Tekla habang kumakanta.
“Anong mekus-mekus?!”
“Naghahalo ng pangontra sa aswang insan, este tay,” ani ni Tekla sabay tikom ng kaniyang bibig. Inilagay niya ang nagawa sa isang malaking sprayer. Itinaas niya ito at umikot na parang kandidata at tumungo sa may bintana.
“Final answer na talaga mga beshy? Ayaw niyo umalis?Puwes! Mag shower muna kayo!” binugahan ni Tekla ang mga elemento sa labas ng kanilang bahay, nagsiangil ang mga ito na tila ba napapaso ang kanilang mga balat.
Napasilip naman sina mang Doming, Lourdes at Edgar sa labas kung ano na'ng nangyayari.Unti-unting nagsilayuan ang mga ito subalit nagbanta na hindi iyon ang huli.
“Edgar, natatakot ako. Kung magiging salot ang nasa sinapupunan ko, hindi naman siguro kasalanan na Diyos kung pipiliin natin na mawala na siya bago pa may mangyaring pagsisisihan nating lahat ‘di ba?” umiiyak na turan ni Lourdes sa kaniyang asawa.
“Kung ‘yon ang makabubuti para sa'tin, gagawin natin, pagkatapos ay lalayo tayo, at magsisimulang muli,” ani ni Edgar sa asawa.
May kaunting inis si Tikboy habang pinagmamasdan ang mga ito, pinapaalala kasi sa kaniya ng mga ito na single siya.
“Kaunting konsiderasyon naman sa'min ni tay Doming, respect sa'ming mga single!” binatukan ni mang Doming ang anak.
“Puro ka kalokohan!” si mang Doming.
Napagdesisyunan ng mag-asawa na ipalaglag ang bata, naging napakasakit ng desisyong iyon sa kanila subalit nasa punto sila na hindi dapat piliin ng bagay na hindi para sa kanila. Kinabukasan ay pinuntahan ni Tikboy ay nag-iisang kapatid ng kaniyang ama na si Tirang. Ito na lang ang natitirang kumadrona sa kanilang lugar na may alam din sa mga orasyon gaya ni Doming. Malabo na nga lang ang mata nito kaya't kailangan ng may salamin.
Magtatakipsilim na ng madala ni Tikboy ang tiyahin sa kanilang tahanan. Pinahanda agad ni Tirang sa kapatid na si Doming at kay Tekla ang mga kakailanganin niya.
“Sigurado na ba kayo?” tanong nito sa mag-asawa.
“Maaring malalagay sa peligro ang asawa mo hijo sa gagawin nating ito, subalit tamang desisyon ito. Hindi niyo anak ang batang ito at panganib lamang ang dala niya kung sakaling bubuhayin niyo siya,” mahabang litanya ni Tirang.
Nang simulan na nila ang pagkuha sa sanggol ay bigla na lamang sumama ang panahon. Kumukulog at kumikidlat habang hinihilot ni Tirang ang tiyan ni Lourdes. Panay naman punas sa noo ni Lourdes ang asawang si Edgar habang namimilipit ito sa sakit.
“Kaunti na lang hija, pilitin mong umire!” ilang minuto lang ay lumabas na ang sanggol, agad na nawalan ng malay si Lourdes. Kumulog at umihip ang hangin kasabay ng buhos ng ulan. Sa may kusina ay biglang may naaninag na imahe si Tekla ng lalaking nakatayo.
“Magbabayad kayo! Siguraduhin kong pagsisisihan niyo ito!” galit na wika nito. Kumalabog ang kusina kasabay ng pagkawala ng ilaw. At ng bumalik ito, nagulat na lamang sina Tekla dahil biglang nawala sina Edgar at Lourdes.
Agad na dumungaw sa bintana si Tikboy, nakita niyang tangay ng ilang nilalang ang mag-asawa. Mabilis na nadampot ni Tekla ang katana ng kaniyang lolo at ang bag nito na kulay pink. Lalabas na sana siya ng bahay ng maalala niyang umuulan pala. Tumungo siya sa kaniyang kuwarto para magsuot ng kapote at bota. Binuksan niya ang Barbie na payong niya sabay sabing...
“Tekla is coming!”
“Tinangay na nga ng mga aswang sina Edgar at Lourdes, nakuha mo pang mag costume!” nababanas na wika ni mang Doming.
Hindi na tuloy alam ni mang Doming kung maiiyak ba siya sa galit sa anak o sa pag-aalala sa mag-asawang Edgar at Lourdes.
Natulala naman si Tirang sa bilis ng pangyayari. Pero mas nagulat siya na bakla pala ang anak ng kaniyang kapatid.

YOU ARE READING
TEKLA: ANG ANTINGERONG BAKLA
HumorBlurb Alam na ni Tikboy na pusong babae siya. Tekla ang tawag ng mga kaibigan niyang babae at bakla kapag kasama siya ng mga ito. Subalit, pilit niyang ikinukubli ito sa kaniyang tatay na si Doming, dahil alam niyang hindi nito matatanggap kapag nal...