Chapter Twelve

3.2K 138 11
                                    


CHAPTER TWELVE

"MANONG, wala ba tayong puwedeng maikutan para makaiwas sa traffic?" tanong ko sa taxi driver nang mapansin kong kinse minutos na kami sa Araneta sa EDSA. May naka-schedule akong photoshoot ng ala-una sa kliyente ko para sa isang ad ng alak. Pasado alas-dose na at nasa kalsada pa rin ako.

"Maluwag na d'yan, miss, paglagpas ng Farmers," tugon ng driver na nagbusina nang sunud-sunod.

Frustrated na napasandal ako sa backseat. Napalingon ako sa gilid ko at doon ko napansin na napalitan na pala ng bagong model ang dating billboard ni Sir.

Halos anim na buwan na rin ang lumipas. Ang akala ko ay hindi na mamamatay ang balita. Ilang buwan ding naging mandhid ako sa panlilibak ng maraming tao sa akin. Ayon kay Love ay walang lumabas na pahayag o komento si Sir sa issue sa anumang interview dito. Nanatiling misteryoso sa lahat ang babaeng hinalikan nito sa larawan. Tuluyan nang nabaon sa limot ang balita.

Bukod sa letter na iniwan ni Sir sa akin noong gabing umuwi ito pabalik ng Korea ay hindi na ako nagkaroon ng contact o communication dito. Oo, noong una ay umasa akong kokontakin ako nito, na isang araw ay makatatanggap na lang ako ng tawag mula rito.

Ngunit kinalimutan na nito ako.

Kung totoong hindi nito ako nakalimutan ay maaari naman nitong hingin sa company ko ang anomang contact details ko.

Hindi ko ipinaalam kay Love o kanino man ang tungkol sa letter. Natutunan ko na rin sa nakalipas na mga buwan na ibaon na rin sa limot ang lahat. Isang magandang alaala na lamang iyon para sa akin. Bagaman minsan ay nanonood pa rin ako ng mga music video nito sa Youtube kapag nami-miss ko ito.

Bueno, sino si Marcelino Buenaventura sa buhay nito?

Pinabasa sa akin ni Love ang isang article na lumabas sa Internet, ang bukod tanging pahayag na ibinigay ni Sir na dahilan nito kung bakit nagpunta ito noon sa Pilipinas.

Napag-alaman ko sa wakas na noong 1958 ay naging magkasintahan noon ang lola ni Sir at si Marcelino Buenaventura. Dahil sa magkaiba ang estado ng pamumuhay ng dalawa; si Marcelino ay isa lamang kartero at ang babae ay mula sa pamilyang may malaking negosyo sa Pilipinas, pinilit na paghiwalayin ang dalawa. Pinabalik sa Korea ang babae ngunit nag-iwan ng pangako kay Marcelino na babalikan nito ito.

Naghintay nang napakahabang panahon si Marcelino. Ngunit hindi na nagbalik sa Pilipinas ang babae. Hindi na marahil nalaman ni Marcelino na ipinakasal ito ng mga magulang sa isang Koreano.

Nagkasakit nang malubha ang lola ni Sir at nagkaroon ng taning ang buhay. Ngunit bago ito namatay ay nag-iwan ito ng bilin kay Sir na hanapin si Marcelino. Ang liham na iniwan nito sa lapida ay puno ng maraming paghingi ng kapatawaran kay Marcelino.

Doon ko tuloy naalala ang palitan namin ni Sir ng usapan noong naikuwento ko rito ang alamat ng dama de noche.

"If he really loved her why didn't he come back for her?"

"Maybe they were not really meant for each other."

"Or maybe there was a reason. Maybe she tried to come back for him. But she couldn't."

May lungkot na kumurot sa dibdib ko nang malala ko iyon. At parang tila bulong na narinig ko sa isip ang sinabi nito sa akin sa letter...

"Wait for me. Don't turn into a flower."

Hay! Kung aasahan ko ang sinabi nito ay siguradong hindi ako magiging bulaklak. Tuod ang kalalabasan ko. Celebrity ito at trabaho nitong libutin ang buong mundo. Siguradong marami rin itong makikilalang magagandang babae. At ang tulad ko ay katulad lamang ng billboard nito, napapalitan.

Dinukot ko sa bag ko ang cellphone ko. May buntong-hiningang napatitig ako sa picture ni Sir na kinunan ko noong natutulog ito sa backseat. Anim na buwan kong wallpaper sa cellphone iyon.

Nilagay ko sa delete option ang picture. Kailangan ko na itong alisin completely sa sistema ko.

Ngunit natigilan ako nang maagaw ng atensyon ko ang kanta sa stereo na biglang pumailanlang sa taxi.

Who knows how long I've loved you

You know I love you still

Will I wait a lonely lifetime

If you want me to, I will...




The K-Pop Star and IWhere stories live. Discover now