CHAPTER 2

223 13 5
                                    


"QUOTA ka na, sis ah! Hindi ko na aabutan ang sales mo, grabe kang babae ka!"

Nginitian lang ni Amor ang kaibigang si Louise. "Ang humble mo e ikaw rin naman, ang dami mong nabenta ngayong month," aniya rito sabay subo ng papel sa printer na kaharap.

Siya si Maria Amor Villegas, twenty-one years old. Single. Accounting graduate pero sa halip na mamasukan sa bangko, pinili niyang mag-ahente ng lupa, condominium at condotel. Hindi naman siya nagsisisi dahil para sa kanya ay hindi niya kikitain sa pag-eempleyo ang halagang kinikita niya sa Sitio Lucia Land Inc. Para sa kanya, nasa sipag ang pera. Nasa commission ang asenso.

"Pero panis pa rin sa mga units na nabenta mo ang sa'kin. Nakailang condominiums ka? Tapos marami ka ring sales sa condotels. Hataw ka doon, mama!" pabakla pang sabi ni Louise.

Tinawanan niya lang ito. Kung alam lang ng kaibigan na wala naman siyang choice kundi magsipag. Wala kasi itong ideya sa mga pinagdadaanan niya. Siya ang tipo ng tao na hindi palakuwento. Hindi sa wala siyang tiwala kay Louise. Tamad lang talaga siyang magkuwento dahil sa dami ng mga backlogs niya.

Napasulyap siya sa kanyang laptop. Naka-flash roon ang sales graph ng kompanya. At tama si Louise, malaking bahagi ng sales niyon ay sa kanya. Pero hindi pa rin iyon sapat sa laki ng perang dapat niyang ipunin.

Halos mag-iisang buwan na buhat nang makatanggap siya ng sulat mula sa isang law firm. Demand letter for payment iyon para sa pagkakasangla raw ng kanilang bahay. Nabigla siya dahil wala siyang ideya na nakasangla pala ang bahay nila. Inakala pa nga niyang isang malaking biro lang ang tungkol doon pero nakompirma niya iyon nang tumawag siya sa kaibigan na nagtatrabaho sa bangko na pinagsanglaan ng ama. Ayon dito ay may isang negosyante raw na tumubos sa kanilang bahay. At dahil wala na ang mga magulang, itanong na lamang daw niya sa abogado ng mga ito ang iba pang detalye.

"Basta focus ka lang, magagawa mo rin 'yan. Ikaw pa!" aniya kay Louise.

"Wish ko lang," anito at saka tumawa. "Siya nga pala, may chika ko sa'yo. May friend akong nag-tip sa akin ng big fish. Ang kaso, sobrang madulas saka mukhang aning-aning. Since marami naman akong prospect sa ngayon, baka gusto mong saluhin?"

Marami rin siyang mga prospective clients pero hindi niya tatanggihan ang alok na ito ni Louise. She had to grab every opportunity she would get.

"Tagasaan ang isdang ito?" tanong niya. Ganoon ang terminology nilang magkaibigan sa isang mayamang kliyente.

"Taga-White Plains, eherm. Heto ang calling card. Bahala ka na."

Iniabot ni Louise sa kanya ang calling card bago ito nagpaalam. Siya naman ay tiningnan ang nakasulat sa hawak na card. Mrs. Belinda Gatchalian..." mahina niyang basa roon. Isang saglit pa ay tinatawagan na niya ang kliyente.

"I'M REALLY, really sorry, Ma'am, pero ayaw makipag-usap ni Mrs. Gatchalian," anang isang balingkinitang babae na tingin niya ay secretary ng taong sadya niya roon.

"Baka naman pwedeng kahit saglit lang. May appointment naman ako. Importante lang sana..."

Saglit siyang tinitigan ng babae, pagkuwa'y nagpahintay at saka bumalik sa loob ng opisina. Paglabas nito ay alanganin ang pagkakangiti. "Sabi sa'yo Ma'am, hindi talaga puwede eh." Hindi pa nito natatapos ang sinasabi ay narinig na niya ang malakas na ingay na nagmumula sa loob ng opisinang pinanggalingan nito. Napakunot ang noo niya at bilang tugon ay nagkibit naman ng balikat ang sekretarya. "Nagwawala na naman si Ma'am. May problema kasi 'yan tungkol sa kapatid niya."

MEDALYONWhere stories live. Discover now