Canvas 25 - Vanishing point

1.4K 79 23
                                    

Anim na araw na ang nakakalipas mula ng naglayag ang grupo nila Jared. Ang ibang pamilya ay nagluluksa na. Sabi ng mga matatanda rito sa lugar na kada isang dekada raw ay may nagbubuwis o may kinukuha ang dagat. Sampung taon na nakakalipas ng may mga mangingisda rin daw na nawala sa dagat at hindi na nakabalik. Sinabi nila na maaring may mali sa ritwal na ginawa kaya hindi nagustuhan ng dagat. Iyon ang kumakalat na kwento sa isla. Iyon ang sinabi ni Ka Inggo, ang lolo ni Clara na siyang nangunguna sa ritwal.

Araw-araw ay laging nagpupunta sa dalampasigan ang pamilya o kaanak ng mangingisda. Naghihintay sa pagbabalik. Ang iba nandoon lang at nakatunganga, nakatulala. Pero walang balita na narinig at nakita sa lumipas na limang araw.

Ako, kagaya nila ay nasa dalampasigan, sa partikular na pwesto na paborito ni Jared at nakaupo. Hindi ko alam ang iisipin. Lampas sa kalahati ng utak ko ay nalulungkot na sa haba ng panahon pagkawala ni Jared, nag-iisip na malaki ang posibilidad na nawala na ito sa dagat pero ang natitirang parte, ang parte na sa palagay ko ay ang puso ko ang may kontrol ay umaasa pa rin. Ikaanim na araw pa lang ngayon. Marami pang pwedeng mangyari.

"Chris." Sagot ko sa telepono ko. Palagay ko ay pinuntahan nito ako sa bahay para samahan. Sa nakaraan limang araw ay si Chris ang kasa-kasama ko sa bahay. May unspoken bond na nga kami dahil sa pangyayari na ito.

"Nasa dagat ka?"

"Oo." Salita ko.

"Parating daw ang coast guard diyan. Papunta na ako." Nabuhayan naman ako ng loob dahil sa sinabi ni Chris. May naaninag na nga akong parating na malaking bangka at mabilis ito. Nagkumpulan na ang mga tao at nag-aabang sa pagdaong nila. Ilang minuto pa ang hinintay ko bago sila nakarating.

"Ano pong balita?" Sunod-sunod na tanong ng mga tao. May mga kasama ang mga coast guard na nakabalot ng makapal na tela. Tumingin ako roon at hinanap ang mukha ni Jared pero hindi ko siya makita. Isa-isang bumaba ang mga tao sa malaking bangka. Ang ilan ay balisa. Pero isa sa mga taong nandoon ay walang nakakilala.

"Kamusta? Anong nangyari?" Lumingon ako at nakita ko si Chris. Kahit siya ay sinuyod ang mga tao na galing sa bangka. "Excuse me po. Iyon pong mga mangingisda? May balita po?" Tanong ni Chris sa isang coast guard. Tumingin lahat ng mata ng pamilya ng mga Mataw.

"Ang nakita lang po namin ay ang bangka nila na sira. Tila sumalpok po ito sa bato o sa malakas na alon at nasira. Pero iyon mangingisda wala. Mapapalad nga itong mga turista na na stranded sa isa sa mga isla."

"Saan niyo sila hinanap? Dapat suyurin niyo ang lugar nandoon lang sila." Sigaw ng isang may edad na babae.

"May mga kasama po tayong gumagawa noon. Pero sa ngayon hinatid muna namin sila." May dumating na ambulansya at may mga lumabas na tao at dinaluhan agad ang mga tao. Nakatingin si Chris at mukhang gusto niyang tumulong. Normal na sa palagay ko sa kanya iyon dahil doktor siya. Tumingin sa akin ito at tumango na lang ako.

"Leah..." Lumingon ako sa narinig kong boses. Si Clara ito at bakas sa mukha niya ang pag-aalala.

"Clara." Tumango ako.

"Anim na araw na." Pagkasabi niyang iyon ay kaagad lumuha na ito. Yumakap ito sa akin na kinagulat ko. Hinayaan ko na lang siya na umiyak sa akin. Gusto niya nga talaga si Jared. "Leah...natatakot akong malaman na wala na siya. Ayoko." Iyak pa nito sa akin. "Gustung-gusto ko siya Leah. Wala akong pakialam kung mas matanda siya sa akin. Gusto ko siya...hindi mahal ko na siya. Kung-kung makikita ko siya ulit, kung babalik siya ay gagamitin ko na ang pagkakataon na sabihin ang nararamdaman ko." Hindi na ako nakapagsalita dahil sa sinabi niya. Mahal na niya si Jared. "Ba-balik siya di ba? Babalik siya?" Kumawala na ito sa pagkakayakap sa akin at tumitig sa mga mata ko.

Love On CanvasWhere stories live. Discover now